Horeb
[Tuyo; Tiwangwang].
Ang “bundok ng tunay na Diyos.” Lumilitaw na ito rin ang Bundok Sinai. (1Ha 19:8; Exo 33:6) Gayunman, kadalasan, ang Horeb ay waring tumutukoy sa bulubunduking rehiyon sa palibot ng Bundok Sinai, na tinatawag na Ilang ng Sinai.—Deu 1:6, 19; 4:10, 15; 5:2; 9:8; 18:16; 29:1; 1Ha 8:9; 2Cr 5:10; Aw 106:19; Mal 4:4; ihambing ang Exo 3:1, 2; Gaw 7:30; tingnan ang SINAI Blg. 1 at 2.
Sa Horeb, nagpakita ang anghel ni Jehova kay Moises sa gitna ng nagniningas na tinikang-palumpong, anupat inutusan siyang akayin ang Israel papalabas ng Ehipto. (Exo 3:1-15) Nang maglaon, habang nasa Repidim, ang pinalayang mga Israelita ay nagreklamo dahil sa wala silang tubig na maiinom. Kaya, sa utos ni Jehova, si Moises at ang ilang matatandang lalaki ng Israel ay pumaroon sa isang bato sa Horeb, maliwanag na ang bulubunduking rehiyon ng Horeb, at hinampas ni Moises ng kaniyang tungkod ang bato. Makahimalang lumabas ang tubig mula sa batong ito. (Exo 17:1-6; ihambing ang Aw 105:41.) Pagkalipas ng maraming siglo, ang propetang si Elias ay tumakas mula sa mapaghiganting si Reyna Jezebel patungong Horeb, anupat dumaan siya sa Beer-sheba.—1Ha 19:2-8.