Horita
Isang bayan na tumatahan sa mga bundok ng Seir noong panahon ng mga patriyarka. Tinatawag sila sa Bibliya na “mga anak ni Seir na Gen 36:20, 21, 29, 30) ‘Itinaboy sila ng mga Edomita at nilipol sila mula sa harap nila at tumahang kahalili nila.’—Deu 2:12, 22.
Horita.” (Sa Genesis 36:2, sa tekstong Masoretiko, ang lolo ng isa sa mga asawa ni Esau ay tinatawag na “Zibeon na Hivita.” Gayunman, sa talata 20 at 24, ipinakikita siya bilang isang inapo ni Seir na Horita. Ang “Horita” ay maaaring nangangahulugan lamang ng “tumatahan sa yungib,” mula sa Hebreo na chor (“butas”). Dahil dito, si Zibeon ay magiging isang Hivita na tumatahan sa yungib.
Sa Josue 9:7, tinatawag ng Griegong Septuagint ang mga Gibeonita na “Chorreano” (mga Horita) sa halip na “mga Hivita,” ngunit lumilitaw na ito ay isang pagkakamali, sa dahilang ang mga Gibeonita ay kabilang sa isa sa pitong bansang Canaanita na itinalaga sa pagkapuksa (hindi kabilang ang mga Horita). Ang nasa tekstong Masoretiko ay “mga Hivita.”—Jos 9:22-27; Deu 7:1, 2.
Mga Hurriano. Maraming makabagong iskolar ngayon ang naniniwala na ang mga Horita sa katunayan ay isang bayan na tinatawag nilang mga Hurriano. Ang konklusyong ito ay nakasalig pangunahin na sa pagkakahawig ng wika, partikular na sa pagkakahawig ng mga pangalang pantangi sa sinaunang mga tapyas na natuklasan nitong kalilipas na mga panahon sa isang malawak na lugar na umaabot mula sa makabagong Turkey hanggang sa Sirya at Palestina. Kaya ipinapalagay nila na ang “mga Hurriano” ay tinawag na mga Horita. Ngunit pansinin ang mga komento ni E. A. Speiser sa The World History of the Jewish People (1964, Tomo 1, p. 159). Una ay iniharap niya ang argumentong ito:
“Ang mga Jebusita rin sa Bibliya ay mga Hurriano talaga. Nagmula sila sa banyagang angkan (Huk. 19:12), isang paglalarawang pinatutunayan ng Jebusitang personal na pangalang Awarnah (II Sam. 24:16, Kethib). Noong ika-14 na siglo, ang isang tagapamahala ng Jerusalem o Jebus, ay may pangalan na nagtataglay ng tunay na Hurrianong elemento na Hepa. Kaya naman, kapuwa ang mga Jebusita at mga Hivita—dalawa sa itinampok na mga bansang umiral bago ang panahon ng mga Israelita—ay mga subdibisyon lamang ng malawak na grupong Hurriano.” Ngunit pagkatapos ay isinusog niya:
“Gayunman, kailangan ngayong baguhin ang isang mahalagang punto sa nabanggit na konklusyon. Hindi naililihis ng kinakailangang pagbabago ang kalagayan ng lokal na mga Hurriano noong sinaunang mga panahon ng Bibliya; ngunit naaapektuhan nito ang kaagad na pag-uugnay ng mga Hurriano sa mga Horita. . . . Walang anumang arkeolohikal na katibayan ng Hurrianong pamayanan sa Edom o sa Transjordan. Sa gayon, ang terminong Hori sa Bibliya—katulad ng kaso ng terminong Cus—ay malamang na ginamit noon upang tumukoy sa dalawang magkaiba at di-magkaugnay na kahulugan.”
Samakatuwid, bagaman gustong gamitin ng mga iskolar ang isang pangalan na hindi masusumpungan sa Bibliya upang tumukoy sa mga taong nakapangalat na sinasabi nilang kinabibilangan ng mga Horita, mga Hivita, at mga Jebusita, inaamin nila, bilang halimbawa, na walang katibayan ng Hurrianong populasyon sa Edom, kung saan nanahanan ang mga Horita ng Bibliya. Kung gayon, nang tawagin sa Bibliya na “mga Horita” ang mga tumatahan sa Seir na nabuhay bago ang panahon ng mga Edomita, maliwanag na ang pangalang ito ay tumutukoy lamang sa grupong iyon na nasa Seir.