Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Hudyat, Pananda

Hudyat, Pananda

Waring ang salitang Hebreo na nes ay tumutukoy sa isang nakapirming poste o tulos na nasa isang mataas na dako; ginagamit ito kapuwa sa literal at sa makasagisag na mga diwa. Kaya naman hindi ito tumutukoy sa isang hudyat na ginagamit sa pagpapadala ng mga mensahe, gaya ng “hudyat na usok” (Huk 20:38, 40) o “hudyat na apoy” (Jer 6:1), dahil ibang mga salitang Hebreo ang ginamit para sa mga ito. Sa halip, ang gayong poste ay maaaring magsilbing dako kung saan maaaring magtipon ang mga tao o mga hukbo. (Isa 5:26; 13:2; 18:3; 30:17; 31:9; Jer 4:6, 21; 50:2; 51:12, 27; ihambing ang Aw 60:4, tlb sa Rbi8.) Halimbawa: Noong isang pagkakataon, nang magreklamo ang mga Israelita tungkol sa manna at sa kawalan ng tubig, pinarusahan sila ni Jehova sa pamamagitan ng pagsusugo ng makamandag na mga serpiyente sa gitna nila. Matapos magpamalas ng pagsisisi ang mga Israelita, tinagubilinan ni Jehova si Moises na humubog ng isang serpiyente at ilagay iyon sa isang posteng pananda (nes). “Si Moises ay kaagad na gumawa ng isang serpiyente na yari sa tanso at inilagay iyon sa posteng pananda; at nangyari nga na kapag nakagat ng serpiyente ang isang tao at tumitig siya sa tansong serpiyente, siya ay nananatiling buháy.” (Bil 21:5-9) Maliwanag na ang posteng panandang ito ay nakatindig sa isang pirming dako at walang alinlangang nasa isang mataas na lugar upang madali itong makita ng mga Israelitang kinagat ng mga serpiyente.

Sa katulad na paraan, noong 537 B.C.E., ang Jerusalem, na inihulang muling itatayo, ay naging hudyat na mistulang nag-anyaya sa mga Judiong nalabi na lisanin ang mga lupain kung saan sila ipinanabog at bumalik sa noo’y nakatiwangwang na Jerusalem upang muling itayo ang templo. (Isa 11:11, 12; ihambing ang Isa 49:22; 62:10, 11.) Gayunman, hindi lamang noong ikaanim na siglo ang pagkakapit ng hulang ito. Ang Isaias 11:10 ay kababasahan: “At mangyayari sa araw na iyon na magkakaroon ng ugat ni Jesse na tatayo bilang isang hudyat para sa mga bayan.” Ikinapit ng apostol na si Pablo ang mga salitang ito kay Kristo Jesus, ang isa na mamamahala sa mga bansa. (Ro 15:8, 12) Isa pa, tinukoy ni Jesus ang kaniyang sarili bilang ‘ang ugat ni David’ na anak ni Jesse. (Apo 22:16) Alinsunod dito, ang hudyat ay si Kristo Jesus bilang ang nagpupunong Hari na nakatayo sa makalangit na Bundok Sion.​—Ihambing ang Heb 12:22; Apo 14:1.