Hugasan
[sa Ingles, basin].
Hindi detalyadong inilalarawan sa Kasulatan ang mga hugasang ginagamit noong sinaunang panahon, bagaman ang mga sisidlang ito ay karaniwan nang gawa sa luwad, kahoy, o metal. May mga hugasang ginagamit noon sa bahay, gaya niyaong mga kasama sa mga paglalaang dinala kay David at sa bayang kasama niya nang tumakas sila mula kay Absalom. (2Sa 17:27-29) Ang salitang Hebreo para sa ganitong uri ng hugasan ay saph. Ginagamit din ang salitang ito para sa “palanggana” na pinaglagyan ng mga Israelita ng dugo ng hayop na pampaskuwa sa Ehipto (Exo 12:22) at para sa “mga kawa” sa templo, na dinala ni Nabucodonosor sa Babilonya. (Jer 52:19) Ang salitang ito ay maaari ring isalin bilang “mangkok,” gaya halimbawa nang ilarawan si Jehova sa makahulang paraan na nagsasabi: “Narito, ang Jerusalem ay gagawin kong isang mangkok [saph] na sanhi ng pagsuray-suray ng lahat ng mga bayan sa palibot.” (Zac 12:1, 2) Ang Griegong ni·pterʹ ay ginagamit upang tumukoy sa “palanggana” na ginamit ni Jesus nang hugasan niya ang mga paa ng kaniyang mga alagad.—Ju 13:5.
Ginamit sa Santuwaryo. Ang mga hugasan ay ginamit din para sa sagradong layunin may kaugnayan sa pagsamba kay Jehova sa tabernakulo at sa mga templong itinayo nang maglaon. Gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises, kasama sa mga kagamitan ng tabernakulo ang isang malaking hugasan na dapat punuin ng tubig. Iyon ay gawa sa tanso, nakapatong sa isang patungang tanso, at inilagay sa pagitan ng tolda ng kapisanan at ng altar upang maglaan sa mataas na saserdote at sa iba pang mga saserdote ng tubig na panghugas ng kanilang mga kamay at mga paa bago sila pumasok sa tolda ng kapisanan o bago sila maglingkod sa may altar. (Exo 30:17-21; 31:9; 40:30, 31) Ang hugasang ito ay ginawa gamit “ang mga salamin ng mga alilang babae na nagsagawa ng organisadong paglilingkod sa pasukan ng tolda ng kapisanan.”—Exo 38:8.
Ayon sa tekstong Masoretiko, walang ibinigay na espesipikong instruksiyon tungkol sa paglilipat ng hugasan ng tabernakulo. Gayunman, sa Griegong Septuagint (na katugma ng sinaunang Samaritanong Pentateuch) ay idinagdag ang ganitong mga salita sa Bilang 4:14: “At kukuha sila ng telang purpura at kanilang tatakpan ang hugasan at ang patungan nito at ilalagay ang mga ito sa isang kulay asul na pantakip na balat at ilalagay [ang mga ito] sa ibabaw ng mga pingga.”
Ang salitang Hebreo na ki·yohrʹ (o ki·yorʹ), na nangangahulugang “hugasan,” ay ginagamit para sa hugasan ng tabernakulo. (Exo 35:16) Ginagamit din ito upang tumukoy sa sampung hugasan na ipinagawa ni Solomon para sa templo, anupat sa mga iyon binabanlawan ang mga bagay na ukol sa handog na sinusunog.—2Cr 4:6, 14.
Bawat isa sa sampung hugasang tanso na ginawa ni Hiram para sa templo ay makapaglalaman ng “apatnapung takal na bat,” o mga 880 L (230 gal) ng tubig. Kung ang mga hugasang ito ay hugis-kawa, posibleng 1.8 m (6 na piye) ang diyametro ng mga ito. Sabihin pa, mag-iiba ang mga sukat kung ang mga hugasang ito ay maumbok at medyo papakitid sa itaas; pansinin din na hindi nagbibigay ng detalye ang Bibliya kung ano ang hugis ng mga ito, bagaman sinasabi nito na “ang bawat hugasan ay apat na siko.” Bawat hugasan ay ipinatong sa isang karwahe na may apat na gulong at may-kahusayang nilagyan ng palamuti at mga lilok; limang karwahe ang inilagay sa kanang panig ng bahay at lima rin sa kaliwa.—1Ha 7:27-39.
Ang isa pang hugasan na pagkalaki-laki ay ang binubong dagat na napapalamutian at nakapatong sa 12 hinubog na toro at ‘inilagay sa kanang panig, sa dakong silangan, sa gawing timog’ ng bahay. Dito nakaimbak ang tubig na ginagamit ng mga saserdote. Pabilog ito, 10 siko (4.5 m; 14.6 piye) mula sa isang labi hanggang sa kabilang labi at 5 siko (2.2 m; 7.3 piye) ang taas.—2Cr 4:2-6, 10.
Mga Mangkok. Gaya ng iba pang mga sisidlang binanggit sa Kasulatan, ang mga mangkok ay gawa sa iba’t ibang materyales gaya ng luwad, kahoy, o metal. Ang terminong Hebreo na miz·raqʹ ay tumutukoy sa isang sisidlang metal na ginamit may kaugnayan sa mga hain ukol sa pagsamba. (Exo 27:3; Bil 4:14; 7:13; 1Ha 7:50; 2Cr 4:8) Kabilang sa malalaking mangkok na ginagamit noon sa mga hapag-kainan ay ang tsal·laʹchath (“mangkok na pampiging”; Kaw 26:15) at ang seʹphel (“malaking mangkok na pampiging”; Huk 5:25). Ang salitang gul·lahʹ ay ginagamit upang tumukoy sa isang “mangkok” (Zac 4:2), ngunit isinasalin din ito bilang “hugis-mangkok” at “bilog” upang ilarawan ang mga kapital ng mga haliging nakatayo sa harap ng templo noong panahon ni Solomon. (1Ha 7:41) Ang dalawang terminong Griego para sa mga mangkok ay tryʹbli·on at phi·aʹle. Ang tryʹbli·on ay tumutukoy sa isang malukong na mangkok na kinakainan (Mat 26:23), samantalang ang phi·aʹle naman ay tumutukoy sa isang “mangkok” na kadalasa’y ginagamit sa paghahandog ng mga haing likido.—Apo 16:2-17.