Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Hugis-kambing na Demonyo

Hugis-kambing na Demonyo

Ang Hebreong sa·ʽirʹ (sa literal, mabalahibo) ay tumutukoy sa kambing o sa anak ng kambing. (Lev 16:18; Bil 7:16) Gayunman, sa apat na teksto (Lev 17:7; 2Cr 11:15; Isa 13:21; 34:14), karaniwang itinuturing ng mga tagapagsalin na ang salitang ito ay may kahulugan na naiiba sa pangkaraniwang kahulugan nito na “kambing” o “batang kambing.”

Kapuwa sa Levitico 17:7 at 2 Cronica 11:15, malinaw na ang terminong ito (seʽi·rimʹ, anyong pangmaramihan) ay ginagamit upang tumukoy sa mga bagay na sinasamba at pinaghahandugan ng hain, na may kaugnayan sa huwad na pagsamba. Dahil dito, isinalin ng mga tagapagsalin ng Griegong Septuagint at Latin na Vulgate ang salitang Hebreong ito bilang “ang mga bagay na walang kabuluhan” (LXX) at “ang mga demonyo” (Vg). Sa pangkalahatan, gayundin ang pangmalas ng makabagong mga tagapagsalin at mga leksikograpo sa dalawang tekstong ito, anupat ang ginagamit nila ay “mga demonyo” (Ro), “mga satyr” (RS, AT, JB, JP), o “hugis-kambing na mga demonyo” (NW; tingnan din ang Lexicon in Veteris Testamenti Libros nina Koehler at Baumgartner, Leiden, 1958, p. 926, at A Hebrew and English Lexicon of the Old Testament nina Brown, Driver, at Briggs, 1980, p. 972), maliban sa salin ni Robert Young, kung saan literal na isinalin ang terminong ito bilang “(mga) kambing,” at sa American Standard Version, na gumamit naman ng pananalitang “mga kambing na lalaki.”

Ipinakikita ng mga salita ni Josue sa Josue 24:14 na sa paanuman ay naapektuhan ang mga Israelita ng huwad na pagsamba ng Ehipto noong panahong nakikipamayan sila roon, samantalang binabanggit naman ni Ezekiel na sinasalot pa rin sila ng gayong mga paganong gawain kahit mahabang panahon na ang lumipas. (Eze 23:8, 21) Dahil dito, ipinapalagay ng ilang iskolar na ang utos ng Diyos na ibinigay sa ilang upang ang mga Israelita ay hindi na gumawa ng “mga hain sa hugis-kambing na mga demonyo” (Lev 17:1-7) at ang pagtatalaga ni Jeroboam ng mga saserdote “para sa matataas na dako at para sa hugis-kambing na mga demonyo at para sa mga guya na kaniyang ginawa” (2Cr 11:15) ay nagpapahiwatig na nagsagawa noon ng isang anyo ng pagsamba sa kambing ang mga Israelita gaya ng ginagawa sa Ehipto, partikular na sa Mababang Ehipto. Ayon kay Herodotus (II, 46), ang gayong pagsambang Ehipsiyo ang pinagbatayan ng mga Griego ng paniniwala nila kay Pan at pati sa mga satyr, mahahalay na diyos sa kagubatan, na nang maglaon ay inilarawan bilang may mga sungay, buntot ng kambing, at mga binti ng kambing. Ipinapalagay ng ilan na ang hitsura ng mga paganong diyos na ito, na kalahating tao at kalahating hayop, ang pinagmulan ng kaugaliang ilarawan si Satanas bilang may buntot, mga sungay, at mga paang may baak, isang kaugaliang laganap sa gitna ng mga nag-aangking Kristiyano noong Panahon ng Kadiliman.

Gayunman, hindi sinasabi kung ano talaga ang “mga mabalahibo” (seʽi·rimʹ) na iyon. Bagaman ipinapalagay ng ilan na ang mga iyon ay literal na mga kambing o mga idolo sa anyong kambing, waring hindi naman talagang gayon ang ipinahihiwatig; ni pinatutunayan man ito ng ibang mga kasulatan. Maaaring ipinahihiwatig lamang ng ginamit na termino na, sa isip ng mga sumasamba sa mga iyon, ang gayong huwad na mga diyos ay hugis-kambing o may mabalahibong kaanyuan. Maaari rin naman na ang paggamit ng “mga kambing” sa mga tekstong nabanggit ay isang paraan lamang ng paghamak sa lahat ng idolatrosong bagay, kung paanong sa maraming teksto, ang salita para sa mga idolo ay hinalaw sa isang termino na orihinal na nangangahulugang “bilug-bilog na dumi ng hayop,” na hindi naman nangangahulugan na ang mga idolo ay literal na gawa sa dumi ng hayop.​—Lev 26:30; Deu 29:17.

Ang diwa ng sa·ʽirʹ at seʽi·rimʹ sa dalawa pang nabanggit na teksto (Isa 13:21; 34:14) ay hindi itinuturing ng karamihan bilang nauugnay sa huwad na pagsamba. Sa mga talatang iyon, ang mga tiwangwang na kaguhuan ng Babilonya at ng Edom ay inilalarawang tinatahanan ng maiilap na nilalang, kabilang na ang seʽi·rimʹ. Sa ilang bersiyon, ang terminong ito ay isinasalin sa pangkaraniwang diwa bilang “(mga) kambing” (Yg) o “(mga) mailap na kambing” (AS), samantalang isinasalin naman ito ng Rotherham bilang “(mga) nilalang na may mahahabang balahibo,” bagaman “mga demonyo” ang ginagamit nito sa Levitico at Ikalawang Cronica. Itinatawag-pansin niyaong mga pabor sa gayong mga salin ng mga teksto sa Isaias na ang salitang ito ay lumilitaw kasama ng iba pang mga nilalang na kilala bilang literal na mga hayop o ibon. Bilang pagtutol sa salin na “satyr” para sa sa·ʽirʹ sa Isaias 34:14, itinawag-pansin ni G. R. Driver (Palestine Exploration Quarterly, London, 1959, p. 57) na ang satyr ay hindi kailanman ginagamit sa mitolohiya bilang sagisag ng pagkatiwangwang, kundi, sa halip, ng kalaswaan at walang-taros na pagsasaya; bilang patunay naman na ang sa·ʽirʹ ay literal na kambing, ipinakita niya na ang mga kambing ay hiyang sa mga lugar na ilang at na ang maiilap na kambing ay iniuulat na pangkaraniwan lamang sa T na dulo ng Dagat na Patay, sa gayo’y nasa direksiyon ng tiwangwang na Edom, na siyang hinahatulan sa hula ni Isaias (34:14).

Ipinakikita naman niyaong mga pabor na isalin ang Isaias sa paraang kagaya ng mababasa sa mga teksto ng Levitico at Ikalawang Cronica na ang ginamit ng saling Septuagint para sa seʽi·rimʹ sa Isaias ay “mga demonyo” at na kapareho niyaong nasa Septuagint (Isa 13:21) ang pananalitang ginamit ni Juan nang ilarawan niya ang tiwangwang na Babilonyang Dakila bilang tirahan ng maruruming ibon at “mga demonyo.” (Apo 18:2) Sabihin pa, hindi masasabi nang tiyakan kung ang apostol na si Juan ay aktuwal na sumipi mula sa Septuagint. Gayunman, kapansin-pansin na ayon sa Theological Dictionary of the New Testament, “ipinagwalang-bahala ng LXX . . . na ang [dai·moʹni·on, isinalin bilang “demonyo”] ay isang mapanghamak na termino para sa mga diyos ng mga pagano.”​—Inedit ni Gerhard Kittel, 1971, Tomo II, p. 12.

Samakatuwid, isa itong bagay na hindi talaga matitiyak. Maaaring binanggit ni Isaias ang mga demonyo sa kaniyang talaan ng literal na mga hayop at mga ibon, hindi upang ipangahulugan na ang gayong mga demonyo ay aktuwal na nagkatawang-laman sa anyong kambing, kundi upang ipahiwatig na sa isip ng mga paganong nakatira sa palibot ng mga lugar na iyon, ang gayong mga demonyo ay tumatahan sa mga tiwangwang na dako. Ipinakikita ng kasaysayan na ang malahalimaw na mga nilalang ay matagal nang iniuugnay ng mga tao ng Sirya at Arabia sa gayunding mga kaguhuan, at ang mga jinn ng mga Arabe ay inilalarawang may anyong malahalimaw at mabalahibo. Sa kabilang dako, maaaring ang seʽi·rimʹ na naninirahan sa mga tiwangwang na kaguhuan ng Edom at Babilonya ay tunay na mga hayop, na may mahahabang balahibo at marahil ay may kaanyuan na sa tingin ng mga nakakakita ay parang mga demonyo.

[Larawan sa pahina 1016]

Ayon kay Herodotus, ang paniniwala ng mga Griego kay Pan, isang diyos na may ilang bahagi ng katawan ng kambing, ay maaaring naimpluwensiyahan ng pagsamba ng mga Ehipsiyo sa kambing