Hukay
Isang dakong malalim o nakalubog, likas man o artipisyal. Maliwanag na ang mga hukay ng bitumen kung saan nahulog ang mga hari ng Sodoma at Gomorra ay likas na mga dakong nakalubog sa lugar na iyon (Gen 14:10); samantalang ang hukay na pinaghagisan kay Jose ng kaniyang mga kapatid ay maliwanag na isang gawang-taong balon. (Gen 37:20-29) Ang dalawang pangunahing salitang Hebreo para sa hukay ay bohr (nangangahulugan ding “balon” o “imbakang-tubig”) at shaʹchath.
Sa King James Version, ang salitang Hebreo na sheʼohlʹ ay tatlong ulit na isinalin bilang “hukay.” (Bil 16:30, 33; Job 17:16) Gayunman, ang Sheol ay aktuwal na tumutukoy sa karaniwang libingan ng sangkatauhan sa halip na sa isang indibiduwal na libingan. Sa Job 17:13-16, makikita natin na ginamit ni Job ang Sheol katumbas ng hukay (sa Heb., shaʹchath) bilang mga lugar ng kadiliman at alabok. Sa katulad na paraan, ganito ang panalangin ni David sa Diyos, sa Awit 30:3: “O Jehova, hinango mo ang aking kaluluwa mula sa Sheol; iningatan mo akong buháy, upang huwag akong bumaba sa hukay.” Sa Awit 88:3-5, magkakasunod na tinukoy ang Sheol, ang hukay, at ang dakong libingan.—Tingnan din ang Job 33:18-30; Aw 30:3, 9; 49:7-10, 15; 88:6; 143:7; Kaw 1:12; Isa 14:9-15; 38:17, 18; 51:14; tingnan ang LIBINGAN; SHEOL.
Ginamit din ni Jonas ang salita para sa “hukay” sa makasagisag na paraan nang ihambing niya ang loob ng isda sa “tiyan ng Sheol” at gayundin sa “hukay.” (Jon 2:2, 6) Natural lamang na iugnay ang hukay sa kamatayan at sa libingan dahil noong sinaunang panahon, kaugalian ang paggamit ng hukay bilang dakong mapaglilibingan.
Maliwanag na ginagamit din ang mga hukay bilang pambitag o panilo ng isang kaaway o upang makahuli ng mga hayop, kung kaya ginagamit ang mga ito sa makasagisag na diwa upang lumarawan sa mapanganib na mga situwasyon o mga pakanang pumipighati sa mga lingkod ng Diyos. (Aw 7:15; 40:2; 57:6; Kaw 26:27; 28:10; Jer 18:20, 22) Kung minsan, ang mga hukay ay nilalagyan ng lambat upang masalabid ang mga biktimang nahuhuli sa mga iyon. (Aw 35:7, 8) Ayon sa Kautusan, kung ang isang alagang hayop ay mahulog sa isang dinukal na hukay at mamatay, ang may-ari ng hukay ay kailangang magbayad sa may-ari ng hayop.—Exo 21:33, 34.
Ang patutot at “ang bibig ng mga babaing di-kilala” ay tinukoy bilang “malalim na hukay.” Ito’y sa dahilang sinisilo ng isang patutot, kadalasa’y sa pamamagitan ng mapanghikayat na pananalita, ang mga lalaki upang sumiping sa kaniya.—Kaw 22:14; 23:27.
Ang mga imbakang-tubig ng mga Hebreo at ng iba pang mga taga-Silangan ay karaniwan nang mga hukay na dinukal. Kadalasan, ang mga ito ay hugis-bote; ang bibig ay karaniwan nang makitid, IMBAKANG-TUBIG.
na mga 0.3 m (1 piye) ang luwang ng unang isang metro (3 piye) pababa, at pagkatapos, ang ibabang bahagi ay papaluwang na tulad ng bombilya.—Tingnan angSa Apocalipsis 9:1, 2, ang salitang Griego na phreʹar, “hukay,” ay lumilitaw sa pananalitang “hukay ng kalaliman.” Ginamit din ni Juan ang phreʹar sa kaniyang ulat ng Ebanghelyo upang ilarawan ang “balon” sa bukal ni Jacob kung saan nakausap ni Jesus ang babaing Samaritana. (Ju 4:11, 12) Ang pinakasimpleng kahulugan ng phreʹar ay isang uri ng balon o hukay na dinukal sa lupa. Gayunman, maaari itong gamitin upang tumukoy sa anumang hukay o kalaliman, pati na ang di-maarok na kalaliman na pinanggalingan ng mga balang ng Apocalipsis. (Apo 9:3; tingnan ang KALALIMAN.) Ang salitang Griego na boʹthy·nos, isinasalin bilang “hukay,” ay maaari ring mangahulugang “estero.” (Mat 12:11; 15:14, tlb sa Rbi8; Luc 6:39) Sa 2 Pedro 2:4, sinabi ni Pedro na ang mga demonyong anghel ay nakakulong sa “mga hukay [sa Gr., sei·roisʹ] ng pusikit na kadiliman.”—Tingnan ang TARTARO.
Tingnan din ang YUNGIB NG MGA LEON.