Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Hul

Hul

Isang anak ni Aram. (Gen 10:23) Gayunman, sa 1 Cronica 1:17, waring si Hul ay nakatala bilang anak ni Sem. Sa Alexandrine Manuscript at sa manuskritong Hebreo na Kennicott 175, ang 1 Cronica 1:17 ay kababasahan ng gaya ng nasa Genesis 10:23, na may pariralang “at ang mga anak ni Aram” bago itala sina Uz, Hul, Geter, at Mas. Kaya ang pag-aalis ng mga salitang “at ang mga anak ni Aram” sa 1 Cronica 1:17 sa tekstong Masoretiko ay maaaring dahil sa pagkakamali ng eskriba. Ngunit hindi tiyak kung ganito nga ang nangyari; sa Kasulatan, maaaring kabilang din sa “mga anak” ang mga apo at maging ang mga inapo. (Para sa isang kahawig na situwasyon, tingnan ang 1Cr 1:4, kung saan sina Sem, Ham, at Japet ay hindi ipinakilala bilang mga anak ni Noe, maaaring dahil alam na ng marami ang kaugnayan nila kay Noe anupat nadama ng orihinal na manunulat na hindi na sila kailangang ipakilala.)

Hindi matiyak ang lugar na pinanirahan ng mga inapo ni Hul. Tinutukoy ni Josephus si Hul (Urus) bilang ang tagapagtatag ng Armenia. (Jewish Antiquities, I, 145 [vi, 4]) Iminumungkahi ng iba ang mga lugar sa Mesopotamia at sa iba pang dako. Marami ang pabor sa rehiyon ng Hula sa kapaligiran ng Biblikal na tubig ng Merom na nasa H ng Dagat ng Galilea, yamang ang pangalang Hul ay waring mababanaag sa “Hula” at pati sa “Ulatha,” isang rehiyon na binanggit ni Josephus.​—Jewish Antiquities, XV, 360 (x, 3).