Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Hula

Hula

Isang kinasihang mensahe; isang pagsisiwalat ng kalooban at layunin ng Diyos o ang kapahayagan ng mga iyon. Ang hula ay maaaring isang kinasihang turo sa moral, isang kapahayagan ng utos o kahatulan ng Diyos, o ang kapahayagan ng isang bagay na darating. Hindi prediksiyon, o paghula ng bagay na mangyayari ang pangunahing kahulugan ng mga pandiwang salitang-ugat sa orihinal na mga wika (sa Heb., na·vaʼʹ; sa Gr., pro·phe·teuʹo); gayunman, ito ay mahalagang bahagi ng mga hula sa Bibliya.​—Tingnan ang PROPETA.

Ang diwa ng orihinal na mga salita ay makikita sa sumusunod na mga halimbawa: Nang utusan si Ezekiel sa isang pangitain na ‘manghula sa hangin,’ ipinahayag lamang niya sa hangin ang utos ng Diyos. (Eze 37:9, 10) Noong nililitis si Jesus, nang may mga lalaking magsaklob at sumampal sa kaniya at pagkatapos ay magsabi, “Manghula ka sa amin, ikaw na Kristo. Sino ang humampas sa iyo?” hindi prediksiyon ang hinihingi nila kay Jesus kundi nais nilang tukuyin niya sa pamamagitan ng isang pagsisiwalat mula sa Diyos kung sinu-sino ang sumampal sa kaniya. (Mat 26:67, 68; Luc 22:63, 64) Natanto ng babaing Samaritana sa tabi ng balon na si Jesus ay isang “propeta” nang isiwalat ni Jesus ang ilang bagay tungkol sa kaniyang nakaraan na hindi posibleng malaman malibang sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. (Ju 4:17-19; ihambing ang Luc 7:39.) Wasto ring tawaging hula ang mga bahagi ng Kasulatan na gaya ng Sermon sa Bundok ni Jesus at ng mga pagtuligsa niya sa mga eskriba at mga Pariseo (Mat 23:1-36), sapagkat ang mga ito ay kinasihang ‘paghahayag’ ng kaisipan ng Diyos hinggil sa mga bagay-bagay, gaya rin ng mga kapahayagan nina Isaias, Jeremias, at ng iba pang mas naunang mga propeta.​—Ihambing ang Isa 65:13-16 at Luc 6:20-25.

Sabihin pa, napakaraming halimbawa ng paghula ng mga bagay na mangyayari, o prediksiyon, sa buong Bibliya, at ang pinakaunang mga halimbawa ay masusumpungan sa Genesis 3:14-19; 9:24-27; 27:27-40; 49:1-28; Deuteronomio 18:15-19.

Ang Diyos na Jehova ang Pinagmumulan ng lahat ng tunay na hula. Ipinababatid niya iyon sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu o, kung minsan, sa pamamagitan ng kaniyang mga anghelikong mensahero na pinapatnubayan ng espiritu. (2Pe 1:20, 21; Heb 2:1, 2) Sa Hebreong Kasulatan, ang mga hula ay kalimitang nagsisimula sa, “Dinggin ninyo ang salita ni Jehova” (Isa 1:10; Jer 2:4), at ang ekspresyong “ang salita” ay kadalasang tumutukoy sa isang kinasihang mensahe, o hula.​—Isa 44:26; Jer 21:1; Eze 33:30-33; ihambing ang Isa 24:3.

Sa anong paraan ‘ang pagpapatotoo tungkol kay Jesus ang kumasi sa panghuhula’?

Sa pangitain ng apostol na si Juan, sinabi sa kaniya ng anghel na “ang pagpapatotoo tungkol kay Jesus ang kumakasi sa panghuhula [sa literal, “ang espiritu ng hula”].” (Apo 19:10) Tinukoy ng apostol na si Pablo si Kristo bilang ang “sagradong lihim ng Diyos” at sinabing “maingat na nakakubli sa kaniya ang lahat ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman.” (Col 2:2, 3) Ito ay sa dahilang iniatas ng Diyos na Jehova sa kaniyang Anak ang pangunahing papel sa pagsasakatuparan ng Kaniyang dakilang layunin na pabanalin ang Kaniyang pangalan at isauli ang lupa at ang mga tumatahan dito sa wastong dako ng mga ito sa Kaniyang kaayusan, anupat gagawin Niya iyon sa pamamagitan ng “isang pangangasiwa sa hustong hangganan ng mga takdang panahon, samakatuwid nga, upang muling tipunin ang lahat ng mga bagay kay Kristo, ang mga bagay na nasa langit at ang mga bagay na nasa lupa.” (Efe 1:9, 10; ihambing ang 1Co 15:24, 25.) Yamang nakasentro kay Jesus ang katuparan ng dakilang layunin ng Diyos (ihambing ang Col 1:19, 20), ang lahat ng hula, samakatuwid nga, ang lahat ng kinasihang mensahe mula sa Diyos na inihayag ng kaniyang mga lingkod, ay nauugnay sa kaniyang Anak. Kaya, gaya ng sinabi ng Apocalipsis 19:10, ang buong “espiritu” (ang buong inklinasyon, tunguhin, at layunin) ng hula ay ang magpatotoo tungkol kay Jesus, ang isa na aatasan ni Jehova upang maging “ang daan at ang katotohanan at ang buhay.” (Ju 14:6) Totoo ito hindi lamang sa mga hula bago ang ministeryo ni Jesus sa lupa kundi pati sa mga hula pagkatapos niyaon.​—Gaw 2:16-36.

Noong mismong panahon na bumangon ang paghihimagsik sa Eden, sinimulan ng Diyos na Jehova ang gayong “pagpapatotoo tungkol kay Jesus” sa pamamagitan ng paghula may kinalaman sa “binhi” na ‘dudurog sa ulo ng serpiyente,’ ang Kalaban ng Diyos. (Gen 3:15) Ang tipang Abrahamiko ay nagsilbing hula tungkol sa Binhing iyon, sa pagpapalang idudulot niyaon sa lahat ng pamilya sa lupa, at sa tagumpay niyaon sa Kalaban at sa “binhi” nito. (Gen 22:16-18; ihambing ang Gal 3:16.) Inihula na ang ipinangakong Binhi, na tinatawag na “Shilo” (nangangahulugang “Siya na Nagmamay-ari Nito; Siya na Kinauukulan Nito”), ay manggagaling sa tribo ni Juda. (Gen 49:10) Sa pamamagitan ng bansang Israel, isiniwalat ni Jehova ang kaniyang layunin na magkaroon ng ‘isang kaharian ng mga saserdote at isang banal na bansa.’ (Exo 19:6; ihambing ang 1Pe 2:9, 10.) Ang mga hain sa Kautusang ibinigay sa Israel ay lumarawan sa hain ng Anak ng Diyos, at ang pagkasaserdote sa ilalim niyaon ay lumarawan sa kaniyang maharlika at makalangit na pagkasaserdote (kasama ang mga katulong na saserdote) sa panahon ng kaniyang Sanlibong Taóng Paghahari. (Heb 9:23, 24; 10:1; Apo 5:9, 10; 20:6) Dahil dito, ang Kautusan ay naging ‘tagapagturo na umaakay tungo kay Kristo.’​—Gal 3:23, 24.

Tungkol sa mga pangyayari sa kasaysayan ng bansang Israel, ang apostol ay nagsabi: “Ngayon ang mga bagay na ito ay nangyari sa kanila bilang mga halimbawa [o, “upang magsilbing larawan”], at isinulat ang mga ito bilang babala sa atin [mga tagasunod ni Kristo Jesus] na dinatnan ng mga wakas ng mga sistema ng mga bagay.” (1Co 10:11) Si David, ang pinakaprominenteng hari ng bansa, ay naging makahulang larawan ng Anak ng Diyos, at ang tipan ng Diyos kay David ukol sa isang walang-hanggang kaharian ay minana ni Jesu-Kristo. (Isa 9:6, 7; Eze 34:23, 24; Luc 1:32; Gaw 13:32-37; Apo 22:16) Ang iba’t ibang pakikipagbaka ng tapat na mga hari (kadalasan ay pinapatnubayan at sinusuportahan ng mga propeta ng Diyos) ay patiunang lumarawan sa digmaang ipakikipaglaban ng Anak ng Diyos laban sa mga kaaway ng kaniyang Kaharian, at ang mga tagumpay na ibinigay ng Diyos sa mga haring iyon ay patiuna namang lumarawan sa tagumpay ni Kristo laban sa lahat ng hukbo ni Satanas, anupat magdadala iyon ng kaligtasan sa bayan ng Diyos.​—Aw 110:1-5; Mik 5:2-6; Gaw 4:24-28; Apo 16:14, 16; 19:11-21.

Inilarawan ng marami sa mga hula noong yugtong iyon ang paghahari ng Pinahiran (Mesiyas, o Kristo) ng Diyos at ang mga pagpapalang idudulot ng kaniyang pamamahala. Tinukoy ng iba pang Mesiyanikong mga hula ang pag-uusig sa Lingkod ng Diyos at ang kaniyang pagdurusa. (Ihambing ang Isa 11:1-10; 53:1-12; Gaw 8:29-35.) Hinggil sa sinaunang mga propeta, sinabi ng apostol na si Pedro na “patuloy nilang sinuri kung alin ngang kapanahunan o kung anong uri ng kapanahunan ang ipinahihiwatig ng espiritu na nasa kanila may kinalaman kay Kristo [Mesiyas] nang ito ay nagpapatotoo nang patiuna tungkol sa mga pagdurusa para kay Kristo at tungkol sa mga kaluwalhatian na kasunod ng mga ito.” Isiniwalat sa kanila na matutupad ang mga bagay na ito, hindi sa kanilang panahon, kundi sa hinaharap.​—1Pe 1:10-12; ihambing ang Dan 9:24-27; 12:1-10.

Yamang kay Kristo Jesus matutupad ang lahat ng mga hulang ito, na pawang mapatutunayan bilang totoo, masasabi nga na “ang katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.” “Sapagkat gaano man karami ang mga pangako ng Diyos, ang mga iyon ay naging Oo sa pamamagitan niya.” (Ju 1:17; 2Co 1:20; ihambing ang Luc 18:31; 24:25, 26, 44-46.) Kaya naman masasabi ni Pedro na ‘ang lahat ng mga propeta ay nagpapatotoo tungkol kay Jesus.’​—Gaw 3:20-24; 10:43; ihambing ang 28:23.

Layunin at Panahon ng Katuparan. Ang hula, ito man ay prediksiyon, isa lamang kinasihang turo, o saway, ay kapaki-pakinabang kapuwa sa mga unang nakarinig nito at sa susunod na mga salinlahi na mananampalataya sa mga pangako ng Diyos. Para sa mga unang pinatungkulan ng mga hula, tiniyak sa kanila ng mga iyon na sa kabila ng paglipas ng mga taon o mga siglo, hindi pa rin nagbabago ang layunin ng Diyos, na nanghahawakan pa rin siyang mahigpit sa mga kundisyon at mga pangako ng kaniyang tipan. (Ihambing ang Aw 77:5-9; Isa 44:21; 49:14-16; Jer 50:5.) Halimbawa, ang hula ni Daniel ay naglaan ng impormasyon na nagsilbing napakahalagang kawing sa pagitan ng pagtatapos ng pagsulat ng Hebreong Kasulatan, o ng Kasulatan bago ang panahong Kristiyano, at ng pagdating ng Mesiyas. Ang mga pangyayari sa daigdig na inihula nito, kasama na ang pagbangon at pagbagsak ng sunud-sunod na mga kapangyarihang pandaigdig, ay nagbigay-katiyakan sa mga Judiong nabubuhay noong mga panahon ng pamumuno ng Persia, Gresya, at Roma (at nang maglaon ay sa mga Kristiyano) na may kakayahan ang Diyos na patiunang makita ang lahat ng bagay, na talagang patiuna niyang nakita ang kanila mismong panahon at na tiyak na matutupad pa rin ang kataas-taasang layunin ni Jehova. Nakatulong ito sa kanila upang hindi sila maglagak ng pagtitiwala at pag-asa sa gayong mga pandaigdig na rehimen na pansamantala lamang ang kapangyarihang manupil at upang makatahak ang mga tapat na iyon sa landas ng karunungan.​—Ihambing ang Dan 8:20-26; 11:1-20.

Dahil maraming hula ang natupad sa kanila mismong panahon, ang mga taong taimtim ay nakumbinsi na may kapangyarihan ang Diyos na tuparin ang kaniyang layunin sa kabila ng lahat ng pagsalansang. Naging patotoo ito ng kaniyang walang-katulad na pagka-Diyos yamang siya lamang at wala nang iba ang makahuhula ng gayong mga pangyayari at makatutupad ng mga iyon. (Isa 41:21-26; 46:9-11) Nakatulong din sa kanila ang mga hulang iyon upang higit nilang makilala ang Diyos at mas malinaw nilang maunawaan ang kaniyang kalooban at ang mga pamantayang moral na gumagabay sa kaniyang mga pagkilos at paghatol, at sa gayon ay maiayon nila ang kanilang buhay sa mga ito.​—Isa 1:18-20; 55:8-11.

Maraming hula ang nagkaroon ng unang katuparan sa mga taong nabubuhay noong panahong bigkasin ang mga iyon, anupat ang marami sa mga iyon ay nagpahayag ng kahatulan ng Diyos sa likas na Israel at sa nakapalibot na mga bansa at humula tungkol sa pagbagsak ng Israel at Juda at sa kasunod na pagsasauli. Gayunman, ang mga hulang iyon ay naging kapaki-pakinabang din sa sumunod na mga salinlahi, gaya sa kongregasyong Kristiyano, kapuwa noong unang siglo C.E. at sa ating panahon. Sinabi ng apostol: “Sapagkat ang lahat ng bagay na isinulat noong una ay isinulat sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng ating pagbabata at sa pamamagitan ng kaaliwan mula sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.” (Ro 15:4) Yamang hindi nagbabago ang mga pamantayang moral at layunin ng Diyos (Mal 3:6; Heb 6:17, 18), ang mga pakikitungo niya sa Israel ay nagbigay-liwanag sa kung paano niya pakikitunguhan ang katulad na mga situwasyon sa iba pang mga panahon. Kaya wastong ikapit ni Jesus at ng kaniyang mga alagad sa kanilang panahon ang makahulang mga pananalita na nagkaroon ng pagkakapit maraming siglo na ang nakararaan. (Mat 15:7, 8; Gaw 28:25-27) Maliwanag na ang ibang mga hula ay prediksiyon, anupat ang ilan ay espesipiko at pantanging nauugnay sa ministeryo ni Jesus sa lupa at sa kasunod na mga pangyayari. (Isa 53; Dan 9:24-27) Para sa mga nabubuhay noong panahon ng paglitaw ng Mesiyas, ang mga hula ay tumulong sa kanila upang makilala siya at upang matiyak na tunay ang kaniyang atas at mensahe.​—Tingnan ang MESIYAS.

Pagkalisan ni Jesus mula sa lupa, ang Hebreong Kasulatan at ang mga hula nito ay sumuhay sa mga turo ni Jesus sa paglalaan ng impormasyong tutulong sa kaniyang mga Kristiyanong tagasunod na maunawaan ang susunod na mga pangyayari, maitugma ang mga ito sa impormasyong iyon, at malaman ang kahulugan at implikasyon ng mga ito. Dahil dito, naging mabisa at mapuwersa ang kanilang pangangaral at pagtuturo, at nagbigay ito sa kanila ng kumpiyansa at lakas ng loob sa pagharap sa mga pagsalansang. (Gaw 2:14-36; 3:12-26; 4:7-12, 24-30; 7:48-50; 13:40, 41, 47) Nakasumpong sila sa sinaunang kinasihang mga pagsisiwalat ng isang malaking kalipunan ng mga turo hinggil sa moral na magagamit “sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran.” (2Ti 3:16, 17; Ro 9:6-33; 1Co 9:8-10; 10:1-22) Yamang napatunayan ni Pedro na mapananaligan ang mga hula nang masaksihan niya ang pangitain ng pagbabagong-anyo, sinabi niya: “Dahil dito ay taglay namin ang makahulang salita na ginawang higit na tiyak; at mahusay ang inyong ginagawa sa pagbibigay-pansin dito na gaya ng sa isang lamparang lumiliwanag sa isang dakong madilim.” (2Pe 1:16-19; Mat 16:28–17:9) Sa gayon, ang mga hula bago ang panahong Kristiyano ay sumuhay sa mga turo ni Jesus at nagsilbing patnubay ng Diyos sa kongregasyong Kristiyano sa paggawa ng mahahalagang desisyon, gaya niyaong may kaugnayan sa mga mananampalatayang Gentil.​—Gaw 15:12-21; Ro 15:7-12.

Ang mga hula ay nagsilbi ring babala, na nagbibigay-alam kung kailan kailangan ang apurahang pagkilos. Ang isang mahusay na halimbawa nito ay ang babala ni Jesus tungkol sa dumarating na pagkawasak ng Jerusalem at ang situwasyon na maghuhudyat sa kaniyang mga tagasunod na dapat na silang tumakas mula sa lunsod patungo sa isang ligtas na dako. (Luc 19:41-44; 21:7-21) Ang gayunding makahulang mga babala ay kapit sa pagkanaririto ni Kristo.​—Ihambing ang Mat 24:36-42.

Nang ibuhos ang banal na espiritu noong Pentecostes, ang mga Kristiyano ay binigyan ng makahimalang mga kaloob gaya ng panghuhula at ng kakayahang magsalita ng mga wikang hindi nila pinag-aralan. Sa ilang kaso, ang kaloob na panghuhula ay nagsasangkot ng mga prediksiyon, gaya niyaong kay Agabo (Gaw 11:27, 28; 21:8-11), anupat natulungan ang kongregasyong Kristiyano o ang mga indibiduwal doon na maghanda para sa partikular na mga kagipitan o mga pagsubok. Ang kanonikal na mga liham ng mga apostol at mga alagad ay naglalaman din ng kinasihang mga hula hinggil sa hinaharap; ang mga ito ay nagbabala tungkol sa dumarating na apostasya, nagbigay-alam hinggil sa magiging anyo nito, nagbabala tungkol sa kahatulan ng Diyos at sa paglalapat niyaon sa hinaharap, at nagsiwalat ng doktrinal na mga katotohanan na noong una’y hindi nauunawaan o naipaliliwanag at nagbigay-linaw doon sa mga dati nang alam. (Gaw 20:29, 30; 1Co 15:22-28, 51-57; 1Te 4:15-18; 2Te 2:3-12; 1Ti 4:1-3; 2Ti 3:1-13; 4:3, 4; ihambing ang Jud 17-21.) Ang aklat ng Apocalipsis ay punô ng makahulang impormasyon na nagbababala sa mga tao upang maunawaan nila ang “mga tanda ng mga panahon” (Mat 16:3) at makakilos sila nang apurahan.​—Apo 1:1-3; 6:1-17; 12:7-17; 13:11-18; 17:1-12; 18:1-8.

Gayunman, sa unang liham ni Pablo sa mga taga-Corinto, ipinakita niya na ang makahimalang mga kaloob, kasama na ang kinasihang panghuhula, ay aalisin. (1Co 13:2, 8-10) Ipinakikita ng katibayan na nang mamatay ang mga apostol, ang mga kaloob na ito ay hindi na ibinigay at nang maglaon ay naglaho na sa gitna ng mga Kristiyano, yamang natupad na ang layunin ng mga ito. Sabihin pa, kumpleto na ang kanon ng Bibliya noong panahong iyon.

Ang mga ilustrasyon, o mga talinghaga, ni Jesus ay kahawig ng ilan sa matalinghagang mga kapahayagan ng mas naunang mga propeta. (Ihambing ang Eze 17:1-18; 19:1-14; Mat 7:24-27; 21:33-44.) Halos lahat ng mga iyon ay nagkaroon ng bahagyang katuparan noon. Ang ilan ay basta naglahad lamang ng mga simulain sa moral. (Mat 18:21-35; Luc 18:9-14) Ang iba naman ay tumutukoy sa panahong sumasaklaw sa pagkanaririto ni Jesus at sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.”​—Mat 13:24-30, 36-43; 25:1-46.

Higit pa sa isang katuparan. Batay sa pagkakapit ni Jesus at ng kaniyang mga alagad sa mga hula, makikita natin na ang isang hulang prediksiyon ay maaaring magkaroon ng higit pa sa isang katuparan. Halimbawa, matapos banggitin ni Pablo ang hula ni Habakuk, na unang natupad noong itiwangwang ng Babilonya ang Juda, ikinapit niya iyon sa kaniyang panahon. (Hab 1:5, 6; Gaw 13:40, 41) Ipinakita ni Jesus na ang hula ni Daniel may kinalaman sa “kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng pagkatiwangwang” ay nakatakdang matupad sa salinlahing nabubuhay noon; gayunman, ang “kasuklam-suklam na bagay” na sanhi ng pagkatiwangwang ay iniugnay rin ng hula ni Daniel sa “panahon ng kawakasan.” (Dan 9:27; 11:31-35; Mat 24:15, 16) Ipinakikita ng katibayan sa Bibliya na ang ‘pagtayo’ ni Miguel ay tumutukoy sa pagkilos ni Jesu-Kristo bilang hari alang-alang sa mga lingkod ni Jehova. (Dan 12:1; tingnan ang MIGUEL Blg. 1.) Sa mismong hula ni Jesus may kinalaman sa katapusan ng sistema ng mga bagay, binanggit din niya ang tungkol sa kaniyang pagdating taglay ang kapangyarihan ng Kaharian, na hindi naganap noong unang siglo C.E. (Mat 24:29, 30; Luc 21:25-32) Nagpapahiwatig ito na may dalawang katuparan ang hula. Kaya naman sa pagtalakay sa doblihang katuparan ng hula, ang Cyclopædia nina M’Clintock at Strong (1894, Tomo VIII, p. 635) ay nagkomento: “Waring kailangan ang ganitong pangmalas hinggil sa katuparan ng hula upang maipaliwanag ang prediksiyon ng ating Panginoon sa Bundok, na nauugnay kapuwa sa pagbagsak ng Jerusalem at sa katapusan ng kaayusang Kristiyano.”

Mga Anyo ng Hula. Bukod sa tuwirang mga kapahayagan sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta (maaaring kalakip ang makasagisag na mga pagkilos [1Ha 11:29-31] o nasa anyong talinghaga), gumamit din si Jehova ng iba pang mga anyo ng hula. Ang makahulang mga tauhan ay patiunang lumarawan sa Mesiyas, si Kristo Jesus. Bukod kay David, na nabanggit na, nariyan din ang saserdoteng-hari na si Melquisedec (Heb 7:15-17), ang propetang si Moises (Gaw 3:20-22), at iba pa. Dapat pansinin na sa makahulang mga tauhan, ang indibiduwal ay hindi dapat ituring na makasagisag o makahula sa bawat aspekto. Halimbawa, ang tatlong-araw na pamamalagi ni Jonas sa tiyan ng malaking isda ay patiunang lumarawan sa panahong ipinamalagi ni Jesus sa Sheol; ngunit ang pag-aatubili ni Jonas na tanggapin ang kaniyang atas at ang iba pang mga detalye ay hindi lumalarawan sa landasin ng Anak ng Diyos. Tinukoy ni Jesus ang kaniyang sarili bilang “isang higit pa kaysa kay Solomon,” sapagkat ang karunungan ni Jesus at ang kapayapaan sa ilalim ng kaniyang Kaharian ay katulad niyaong kay Solomon ngunit mas nakahihigit pa roon. Gayunman, si Jesus ay hindi naging suwail sa Diyos na gaya ni Solomon.​—Mat 12:39-42.

Gumamit din ang Diyos ng makahulang mga drama, kung saan ang mga detalye mula sa buhay ng mga indibiduwal at mga bansa ay nagsilbing parisan ng mga pangyayari sa hinaharap may kaugnayan sa katuparan ng layunin ni Jehova. Binanggit ni Pablo ang isang “makasagisag na drama” na nagsasangkot sa dalawang anak ni Abraham kay Sara at sa aliping babae na si Hagar. Ipinakita niya na ang dalawang babae ay “nangangahulugan” ng dalawang tipan. Hindi sila personal na sumagisag, o lumarawan, sa gayong mga tipan. Ngunit sa makahulang drama, ang mga babaing iyon ay katumbas ng makasagisag na mga babae na nagluwal ng mga anak sa ilalim ng mga tipang iyon. Sa gayon, si Hagar ay katumbas ng makalupang Jerusalem, na nagtakwil sa Manunubos na itinawag-pansin ng tipang Kautusan at nangunyapit sa Kautusang iyon kahit noong wakasan na iyon ng Diyos; kaya ang makalupang Jerusalem at ang mga anak nito ay alipin ng Kautusan. Sa kabilang dako, si Sara, ang malayang babae, ay katumbas ng “Jerusalem sa itaas,” ang makalangit na tulad-asawang bahagi ng organisasyon ng Diyos, na nagluwal ng mga anak kaayon ng inihula sa tipang Abrahamiko. (Gal 4:21-31; ihambing ang Ju 8:31-36.) Ang Baha noong mga araw ni Noe at ang mga kalagayan bago niyaon ay nagsilbing hula tungkol sa mga kalagayan sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo at tungkol sa kahihinatnan ng mga nagtatakwil sa daan ng Diyos.​—Mat 24:36-39; ihambing ang 1Co 10:1-11.

May mga lugar na ginamit sa makahulang paraan, gaya ng lunsod ng Jerusalem sa Bundok Sion na kung minsan ay ginagamit upang kumatawan sa makalangit na organisasyon na “ina” ng mga Kristiyanong pinahiran ng espiritu. (Gal 4:26) Ang “Bagong Jerusalem” ay sumagisag sa makalangit na “kasintahang babae” ni Kristo, na binubuo ng mga miyembro ng niluwalhating kongregasyong Kristiyano. (Apo 21:2, 9-14; ihambing ang Efe 5:23-27, 32, 33; Apo 14:1-4.) Gayunman, dahil hindi naging tapat ang karamihan sa mga tumatahan sa Jerusalem, maaari rin itong gamitin sa negatibong diwa. (Gal 4:25; ihambing ang Eze 16:1-3, 8-15; tingnan ang JERUSALEM [Ang Isinasagisag ng Lunsod].) Ang iba pang mga lugar na ginamit bilang makahulang sagisag ay ang Sodoma, Ehipto, Megido, Babilonya, at ang Libis ng Hinom, o Gehenna.​—Apo 11:8; 16:16; 18:2; Mat 23:33.

Nagsilbing isang makahulang parisan ang ilang bagay at kaayusan may kinalaman sa tabernakulo. Ipinakita ng apostol na ang mga kasangkapan, mga gawain, at mga hain doon ay isang parisan ng makalangit na mga katunayan, “isang makasagisag na paglalarawan at isang anino ng makalangit na mga bagay.”​—Heb 8:5; 9:23, 24.

Pagsubok sa Hula at sa Pagpapakahulugan Dito. Dahil sa gawain ng mga bulaang propeta, nagbabala si Juan na hindi dapat paniwalaan ang bawat “kinasihang kapahayagan,” na siyang pangunahing kahulugan ng mga hula. Sa halip, pinaalalahanan niya ang mga Kristiyano na “subukin ang mga kinasihang kapahayagan upang makita kung ang mga ito ay nagmumula sa Diyos.” (1Ju 4:1) Bumanggit si Juan ng isang doktrina na mapagbabatayan upang matiyak kung nagmula sa Diyos ang kinasihang kapahayagan, samakatuwid nga, ang pagdating ni Kristo sa laman. Gayunman, maliwanag na hindi niya ipinangangahulugan na iyon lamang ang tanging batayan kundi lumilitaw na binanggit niya iyon bilang halimbawa ng isang bagay na kasalukuyang pinagtatalunan, marahil ay siyang pangunahing pinag-uusapan noon. (1Ju 4:2, 3) Ang isang mahalagang salik ay kung kasuwato ng hula ang isiniwalat na salita at kalooban ng Diyos (Deu 13:1-5; 18:20-22), at ang pagkakasuwatong iyon ay hindi maaaring bahagya lamang kundi dapat ay lubusan upang masabing tama ang hula o ang pagpapakahulugan sa hula. (Tingnan ang PROPETA [Pagkilatis sa Tunay at sa Bulaan].) Sa unang-siglong kongregasyong Kristiyano, ang ilan ay binigyan ng kaloob na “kaunawaan sa kinasihang mga pananalita” (1Co 12:10), anupat sa pamamagitan nito ay posibleng matiyak kung tunay ang mga hula. Bagaman naglaho rin ang makahimalang kakayahang ito, makatuwirang isipin na ang tamang unawa sa mga hula ay ilalaan pa rin ng Diyos sa pamamagitan ng kongregasyon, lalo na sa inihulang “panahon ng kawakasan,” hindi sa makahimalang paraan, kundi sa pamamagitan ng kanilang masikap na pagsusuri at pag-aaral at ng paghahambing ng hula sa mga kalagayan at mga pangyayaring nagaganap.​—Ihambing ang Dan 12:4, 9, 10; Mat 24:15, 16; 1Co 2:12-14; 1Ju 4:6; tingnan ang PAKAHULUGAN, PAGPAPAKAHULUGAN.