Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Hulda

Hulda

[anyong pambabae ng Heled, nangangahulugang “Lawig ng Buhay; Sistema ng mga Bagay”; o, posible, “Dagang Lupa”].

Ang asawa ni Salum; isang propetisang naninirahan sa Jerusalem noong panahon ng paghahari ng tapat na si Haring Josias ng Juda.

Nang marinig ni Josias ang pagbasa sa “mismong aklat ng kautusan” na nasumpungan ni Hilkias na mataas na saserdote noong panahon ng pagkukumpuni sa templo, nagsugo siya ng isang delegasyon upang sumangguni kay Jehova. Pumaroon sila kay Hulda, na nagtawid naman ng salita ni Jehova, na nagsabing sasapit sa apostatang bansa ang lahat ng kapahamakang nakatala sa “aklat” bilang resulta ng pagkamasuwayin. Sinabi rin ni Hulda na dahil nagpakumbaba si Josias sa harap ni Jehova, hindi nito makikita ang kapahamakan kundi pipisanin sa mga ninuno nito at dadalhin nang payapa sa dakong libingan nito.​—2Ha 22:8-20; 2Cr 34:14-28.

Itinuturing ng ilan na mali ang hula ni Hulda dahil namatay si Josias sa isang walang-saysay na pakikipagbaka. (2Ha 23:28-30) Gayunman, ang ‘kapayapaan’ na doo’y pipisanin si Josias sa kaniyang dakong libingan ay maliwanag na ibang-iba sa “kapahamakan” na nakatakdang sumapit sa Juda. (2Ha 22:20; 2Cr 34:28) Namatay si Josias bago dumating ang kapahamakang iyon noong 609-607 B.C.E., nang kubkubin at wasakin ng mga Babilonyo ang Jerusalem. Bukod diyan, ang pananalitang ‘pipisanin sa mga ninuno ng isa’ ay hindi naman laging nangangahulugan na wala itong kalakip na marahas na kamatayan sa pakikipagdigma. Ipinahihiwatig ito ng paggamit ng kahawig na pananalitang ‘humigang kasama ng mga ninuno ng isa’ upang tumukoy sa pagkamatay sa pakikipagbaka o sa di-marahas na kamatayan.​—Ihambing ang Deu 31:16; 1Ha 2:10; 22:34, 40.