Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Hulog

Hulog

[sa Ingles, plummet].

Isang panghulog; isang panali na sa dulo ay kinabitan ng pabigat na metal, bato, o luwad. Dahil sa pabigat, nananatiling deretso ang panali anupat sa pamamagitan nito ay posibleng magtayo ng mga pader at iba pang mga istraktura na tuwid na tuwid. Kung minsan, ang pabigat mismo ay tinatawag na pabato, o hulog. Noong sinaunang mga panahon, gumamit ng hulog ang mga karpintero, mga mason, at iba pang mga bihasang manggagawa.

May kaugnayan sa muling pagtatayo ng templo sa Jerusalem, si Zerubabel ay inilalarawang may hawak na isang hulog, sa literal, “ang bato [o, pabigat], ang lata,” ayon sa tekstong Masoretiko. (Zac 4:9, 10) Gaya ng inihula, hindi lamang nailatag ni Zerubabel ang pundasyon ng templo kundi natapos din ang gawaing ito sa ilalim ng kaniyang pangangasiwa.​—Ezr 3:8-10; 6:14, 15.

Sa isang pangitain, nakita ni Amos si Jehova na nakatayo sa isang pader na ginawa sa pamamagitan ng isang hulog, samakatuwid, isang pader na sa pasimula ay tuwid na tuwid. Nakitang hawak ni Jehova ang isang hulog, at sinabihan ang propeta na maglalagay ang Diyos ng isang hulog sa gitna ng Kaniyang bayan. Dahil hindi nakapasa ang Israel nang subukin kung ito ay tuwid sa espirituwal na paraan, anupat hindi sila gumawi ayon sa mga kahilingan ng Diyos, maglalapat si Jehova ng katarungan at ‘hindi na niya iyon pagpapaumanhinan pa.’ Ang matataas na dako ng Israel ay matitiwangwang, ang kaniyang mga santuwaryo ay mawawasak, at ang Diyos ay “titindig laban sa sambahayan ni Jeroboam taglay ang isang tabak.” (Am 7:7-9) Kaayon ng mga salitang ito, ang Israel ay winasak at ang Samaria ay giniba ng mga Asiryano noong 740 B.C.E.