Hurno
[sa Ingles, furnace].
Isang istrakturang dinisenyo pangunahin na bilang (1) tunawan o dalisayan ng mga inambato, (2) tunawan ng mga metal na dati nang dinalisay upang mahulma o mapainit ang mga ito bago pandayin, at (3) lutuan ng mga kagamitang luwad at iba pang mga bagay na seramik. Noong panahon ng Bibliya, ang mga hurno ay yari sa laryo o bato. May pabilog na mga hurnong tunawan ng tanso, pinaniniwalaang mula pa noong kapanahunan ng mga Hukom, na natagpuan sa Tell Qasileh sa hilagaang hangganan ng Tel Aviv-Yafo at sa Tell Jemmeh (Tel Gamma), sa T ng Gaza. Ang mga hurnong ito ay may malalaking daanan ng hangin na yari sa mga laryong putik at dinisenyong magdala ng hangin patungo sa apuyan. Ang mga krisol na luwad na naglalaman ng tanso ay ipinapatong sa mga tisang bato na nakalatag sa ibabaw ng mga abo ng apoy sa loob ng hurno.
Ang tatlong tapat na kasamahang Hebreo ni Daniel ay ipinahagis ni Nabucodonosor sa isang maapoy na hurno dahil sa pagtangging yumukod sa harap ng ginintuang imahen na itinayo ng hari. (Dan 3) Hindi sinasabi ng ulat kung ito ay isang pantanging hurno na ginawa para sa gayong layunin o kung isa itong hurno na karaniwang ginagamit para sa iba pang ordinaryong layunin.
Maaari ring gamitin ang terminong “hurno” upang tumukoy sa isang “pugon” na pinaglulutuan ng tinapay.—Os 7:4; Lev 2:4.
Sa makasagisag na diwa, ang Ehipto, na nanupil sa Israel sa isang malupit na pamatok ng pagkaalipin, ay inihahambing sa isang hurnong bakal. (Deu 4:20) Gayundin, ang pagbubuhos ng galit ng Diyos sa sambahayan ng Israel ay inihahalintulad sa paglusaw sa metal sa isang hurno. (Eze 22:18-22) Para sa iba pang pagkagamit ng salitang ito bilang paghahalintulad o ilustrasyon, tingnan ang Kawikaan 17:3; 27:21; Awit 12:6 (“tunawang hurno”).—Tingnan ang HURNUHAN; PAGDADALISAY, TAGAPAGDALISAY; PUGON.