Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Hurnuhan

Hurnuhan

[sa Ingles, kiln].

Isang kulob na painitan na dinisenyo para sa pagpoproseso ng iba’t ibang materyales. Ang mga hurnuhan noong sinaunang mga panahon ay ginamit sa pagluluto ng mga laryo at ng mga kagamitang luwad, at sa pagpoproseso ng apog. Di-gaya ng makabagong kahulugan ng terminong Ingles na “kiln,” hindi saklaw ng salitang Hebreo na kiv·shanʹ ang mga kayariang inuuri bilang mga pugon [sa Ingles, oven].​—Tingnan ang PUGON.

Yamang masulong na ang pagpapanday ng mga kasangkapang tanso at bakal noong panahon bago ang Baha (Gen 4:22), malamang na naimbento ang mga hurnuhan maaga sa kasaysayan ng tao. Bagaman hindi tuwirang binanggit ang mga ito, may katibayan na ginamit ang mga hurnuhan noong mga araw ni Nimrod. Pagkaraan ng Baha, noong itatayo na ng mga tao ang lunsod ng Babel at ang tore nito sa lupain ng Sinar, sinabi nila: “Halikayo! Gumawa tayo ng mga laryo at lutuin ang mga iyon sa pamamagitan ng apoy.” (Gen 11:3) Isinisiwalat ng mga guho sa sinaunang Babilonya na ginagamit na ang mga laryong niluto sa hurnuhan mula pa noong sinaunang mga panahon. Ginamit ang gayong matitibay na laryo sa mas mahahalagang istraktura bilang pangkalupkop sa mga pader at bilang kongkretong panlatag sa lupa. Sa ilang bahay na nahukay sa Ur (dating tirahan ni Abraham), ang unang palapag ay itinayo gamit ang nilutong mga laryo, samantalang ang ikalawang palapag naman ay maliwanag na gawa sa mga laryong pinatuyo sa araw. Bagaman hindi kasintibay ng mga laryong niluto sa hurnuhan, ang mga laryong pinatuyo sa araw ay mura, madaling gawin, at angkop gamitin sa mga tuyong klima.​—Tingnan ang LARYO.

Noon, ang mga hurnuhan ng mga kagamitang luwad sa Ehipto ay kahugis ng papakitid na tsiminea, na may butas-butas na parilya sa pagitan ng apuyan sa ibaba at ng lutuang kompartment sa itaas. Sa kompartment na ito inilalagay ang mga kagamitang luwad bago sindihan ang panggatong. Isang sekreto ng mga magpapalayok na Ehipsiyo ang tamang pagpapainit sa hurnuhan, at kailangan ang kasanayan upang mapalitaw sa nayaring mga produkto ang kanais-nais na mga katangian. Dahil papataas ang daloy ng hangin mula sa apuyan patungo sa daanan ng hangin, nahihigop nito ang apoy anupat lumulusot iyon sa mga butas ng parilya at kumakalat sa mga kagamitang luwad bago ito tuluyang maglaho sa ibabaw ng salansan.

Bilang paghahanda para sa Kaniyang ikaanim na dagok laban sa Ehipto at sa mapagmapuring Paraon nito, iniutos ni Jehova kina Moises at Aaron: “Punuin ninyo ng abo mula sa hurnuhan ang inyong dalawang kamay, at isaboy iyon ni Moises sa langit sa paningin ni Paraon.” Kasuwato ng mga tagubiling ito, “kumuha sila ng abo sa hurnuhan at tumayo sa harap ni Paraon, at isinaboy iyon ni Moises sa langit, at iyon ay naging bukol na nagnanaknak, na tumutubo sa tao at sa hayop.”​—Exo 9:8-10.

Ang mga hurnuhan, o mga hurno, ng mga Palestino, na natuklasan sa Megido, ay may sukat na mga 2.5 por 3 m (8 por 10 piye) at hugis-U. Sa ganitong uri ng hurnuhan, ang apuyan ay nasa kurba ng kulob na kayarian nito. Maliwanag na ang hanging pumapasok sa ilalim ng pinto ng apuyan ang nagtutulak sa apoy patungo sa dalawang painitang kompartment at pagkatapos ay papalabas sa dalawang daanan ng hangin na nasa bandang likod ng hurnuhan.

Hurnuhan ng Batong-Apog. Sa sinaunang Palestina, ginamit ang mga hurnuhan ng batong-apog dahil maraming batong-apog doon. Kamakailan lamang sa lupaing iyon, itinayo ang gayong mga hurnuhan sa mga dalisdis ng burol, anupat ang burol ay naging bahagi ng likuran ng hurnuhan. Ang mga hurnuhang ito ay gawa sa magagaspang na bato at walang argamasa, bagaman pinasakan ng luwad ang mga puwang sa pagitan ng mga bato at mayroon itong malaki at bukás na daanan ng hangin sa itaas. Maayos itong pinupuno ng dinurog na batong-apog, pagkatapos ay nagpapaningas ng malakas na apoy sa apuyan na nasa paanan ng hurnuhan gamit ang mga tuyong sanga. Dahil malakas ang daloy ng hangin na pumapasok sa isang lagusan sa ilalim ng hurnuhan, tinatangay nito ang apoy papataas sa batong-apog, anupat pinaiinit iyon hanggang sa maging apog. Karaniwa’y inaabot nang ilang araw ang prosesong ito.​—Tingnan ang APOG.

Ang unang tuwirang pagtukoy ng Bibliya sa isang hurnuhan ay nasa Genesis 19:28. Doon, ginamit ang maitim at makapal na usok ng isang hurnuhan upang ilarawan ang tanawing nakita ni Abraham nang tumingin siya sa nasusunog na mga lunsod ng Sodoma at Gomorra at sa buong Distrito anupat namasdan niya na “makapal na usok ang pumapailanlang mula sa lupain tulad ng makapal na usok ng isang hurnuhan!”

Nang magtipon ang mga Israelita sa paanan ng Bundok Sinai upang “salubungin ang tunay na Diyos,” kalakip sa kasindak-sindak na panooring nakita nila ang pag-usok ng Bundok Sinai sa buong palibot nito, “sa dahilang si Jehova ay bumaba sa ibabaw niyaon na nasa apoy; at ang usok niyaon ay pumapailanlang na tulad ng usok ng isang hurnuhan, at ang buong bundok ay yumayanig nang malakas.”​—Exo 19:17, 18.

Pinalilitaw ng salin ng King James Version sa 2 Samuel 12:31 na ‘pinaraan ni David sa hurnuhan ng laryo’ ang mga bihag na Ammonita, ngunit waring ang diwa ng tekstong Hebreo, kung itutuwid ang isang titik, ay na “pinapaglingkod niya sila sa paggawa ng laryo.”​—NW; AT; RS.