Iconio
Isang sinaunang lunsod ng Asia Minor na mga 1,027 m (3,370 piye) ang taas mula sa kapantayan ng dagat. Ang Iconio ay kilala sa kasalukuyan bilang Konya (Konia), mga 240 km (150 mi) sa T ng Ankara sa TK gilid ng gitnang talampas ng Turkey. Noong unang siglo C.E., ang Iconio ay isa sa mga pangunahing lunsod sa Romanong probinsiya ng Galacia at nasa mismong pangunahing ruta ng kalakalan mula sa Efeso patungong Sirya.
Ang lunsod ay nagkaroon ng maimpluwensiyang populasyong Judio. Sina Pablo at Bernabe, pagkatapos silang mapilitang lisanin ang Antioquia ng Pisidia, ay nangaral sa lunsod ng Iconio at sa sinagoga nito, at doon ay natulungan nila ang maraming Judio at Griego na maging mga mananampalataya. Ngunit nang pagtangkaan silang batuhin, tumakas sila mula sa Iconio patungong Listra. Gayunman, di-nagtagal ay dumating sa Listra ang mga Judio mula sa Antioquia at Iconio at sinulsulan ng mga ito ang mga pulutong doon anupat binato nila si Pablo. Pagkatapos nito, sina Pablo at Bernabe ay pumaroon sa Derbe at saka sila lakas-loob na bumalik sa Listra, Iconio, at Antioquia, anupat pinalakas nila ang mga kapatid at nag-atas sila ng “matatandang lalaki” upang manungkulan sa mga kongregasyong naitatag sa mga lunsod na ito.—Gaw 13:50, 51; 14:1-7, 19-23.
Nang maglaon, pagkatapos bumangon ang usapin ng pagtutuli at malutas ito ng mga apostol at matatandang lalaki ng kongregasyon sa Jerusalem, maaaring dinalaw muli ni Pablo ang Iconio. Noong ikalawang paglalakbay na ito bilang misyonero isinama ni Pablo si Timoteo, isang kabataang lalaki na may mainam na reputasyon sa mga kapatid sa Listra at Iconio.—Gaw 16:1-5; 2Ti 3:10, 11.
Ang Iconio ay nasa hanggahan sa pagitan ng Frigia at Licaonia. Maaaring ito ang dahilan kung bakit itinakda ito ng ilang sinaunang manunulat, kabilang na sina Strabo at Cicero, sa Licaonia, samantalang tinawag ito ni Xenophon bilang huling lunsod ng Frigia. Mula sa heograpikong pangmalas, ang Iconio ay bahagi ng Licaonia, ngunit gaya ng ipinahihiwatig ng mga tuklas sa arkeolohiya, ang kultura at pananalita nito ay mula sa Frigia. Ipinakikita ng mga inskripsiyong natagpuan sa lugar na ito noong 1910 na Frigiano ang wikang ginamit dito sa loob ng dalawang siglo pagkamatay ni Pablo. Kaya nga, angkop lamang na hindi inilakip ng manunulat ng Mga Gawa ang Iconio bilang bahagi ng Licaonia, kung saan “wikang Licaonia” ang sinasalita.—Gaw 14:6, 11.