Idolo, Idolatriya
Ang idolo ay isang imahen, isang wangis ng anumang bagay, o isang sagisag na pinag-uukulan ng masidhing debosyon; maaaring ito’y isang bagay na materyal o imahinasyon lamang. Sa pangkalahatan, ang idolatriya ay pagpapakundangan, pag-ibig, pagsamba, o pagpipitagan sa idolo. Kadalasan na, ang pinag-uukulan ng idolatriya ay isang tunay o ipinapalagay lamang na nakatataas na kapangyarihan; ang kapangyarihang iyon ay maaaring pinaniniwalaang may buhay (gaya ng isang tao, isang hayop, o isang organisasyon) o kaya’y walang buhay (gaya ng isang puwersa o isang walang-buhay na bagay sa kalikasan). Ang idolatriya ay karaniwan nang may sinusunod na pormalidad, seremonya, o ritwal.
Kadalasan nang itinatampok ng mga terminong Hebreo na ginamit para sa mga idolo ang pinagmulan at ang kawalang-kabuluhan ng mga idolo, o maaaring ang mga terminong ito ay mapanghamak. Kabilang sa mga ito ang mga salita na isinalin bilang “inukit o nililok na imahen” (sa literal, isang bagay na inukit); “binubong estatuwa, imahen, o idolo” (sa literal, isang bagay na hinulma o ibinuhos); “kakila-kilabot na idolo”; “walang-kabuluhang idolo” (sa literal, kawalang-kabuluhan); at “karumal-dumal na idolo.” “Idolo” ang karaniwang salin ng salitang Griego na eiʹdo·lon.
Hindi Lahat ng Imahen ay Idolo. Ang kautusan ng Diyos na huwag gumawa ng mga imahen (Exo 20:4, 5) ay hindi nangangahulugang ipinagbawal ang paggawa ng lahat ng uri ng larawan at estatuwa. Ipinahihiwatig ito ng utos ni Jehova nang dakong huli na igawa ng dalawang ginintuang kerubin ang takip ng Kaban at burdahan ng mga wangis ng kerubin ang panloob na pantakip na sampung telang pantolda para sa tabernakulo at ang kurtinang naghihiwalay sa dakong Banal at sa Kabanal-banalan. (Exo 25:18; 26:1, 31, 33) Gayundin, ang loob ng templo ni Solomon, na ang arkitektural na mga plano ay ibinigay ng Diyos kay David (1Cr 28:11, 12), ay pinalamutian ng nililok na inukit na mga kerubin, mga larawan ng puno ng palma, at mga bulaklak. Dalawang kerubin na yari sa kahoy ng punong-langis na kinalupkupan ng ginto ang nakatayo sa loob ng Kabanal-banalan ng templong iyon. (1Ha 6:23, 28, 29) Ang binubong dagat ay nakapatong sa 12 torong tanso, at ang mga panggilid na dingding ng mga karwaheng tanso ng templo ay pinalamutian ng mga larawan ng mga leon, mga toro, at mga kerubin. (1Ha 7:25, 28, 29) Labindalawang leon ang nakahanay sa mga baytang na paakyat sa trono ni Solomon.—2Cr 9:17-19.
Gayunman, ang mga wangis na ito ay hindi mga idolo na sinamba. Ang mga nanunungkulang saserdote lamang ang nakakakita sa mga wangis na nasa loob ng tabernakulo at yaong mga nasa loob ng templo. Tanging ang mataas na saserdote ang nakapapasok sa Kabanal-banalan, at iyan ay tuwing Araw ng Pagbabayad-Sala lamang. (Heb 9:7) Kaya naman hindi nasilo ang mga Israelita na sambahin ang mga ginintuang kerubin sa santuwaryo. Pangunahin na, ang mga iyon ay nagsilbing paglalarawan ng makalangit na mga kerubin. (Ihambing ang Heb 9:23, 24.) Hindi dapat sambahin ang mga iyon yamang ang mga anghel mismo ay hindi dapat sambahin.—Col 2:18; Apo 19:10; 22:8, 9.
Sabihin pa, may mga panahon na ginawang mga idolo ang mga imahen, bagaman ang mga iyon ay hindi nilayon para sambahin. Ang tansong serpiyente na ginawa ni Moises sa ilang ay sinamba nang dakong huli, kaya naman pinagdurug-durog ito ng tapat na si Haring Hezekias. (Bil 21:9; 2Ha 18:1, 4) Ang epod na ginawa ni Hukom Gideon ay naging “silo” sa kaniya at sa kaniyang sambahayan.—Huk 8:27.
Mga Imahen Bilang Pantulong sa Pagsamba. Hindi pinahihintulutan ng Kasulatan ang paggamit ng mga imahen sa pakikipag-usap sa Diyos sa panalangin. Ang gayong gawain ay salungat sa simulain na yaong mga nais maglingkod kay Jehova ay dapat sumamba sa kaniya sa espiritu at katotohanan. (Ju 4:24; 2Co 4:18; 5:6, 7) Hindi niya ipinahihintulot na haluan ng idolatrosong mga gawain ang tunay na pagsamba, gaya ng ipinakikita ng paghatol niya sa pagsamba sa guya, bagaman ang kaniyang pangalan ay iniugnay roon ng mga Israelita. (Exo 32:3-10) Hindi babahaginan ni Jehova ng kaniyang kaluwalhatian ang mga nililok na imahen.—Isa 42:8.
Hebreo 11:21, na ayon sa Katolikong Douay Version ay kababasahan: “Sa pananampalataya, si Jacob, noong mamamatay na, ay nagpala sa bawat isa sa mga anak na lalaki ni Jose, at sumamba sa puno ng kaniyang tungkod.” Sa isang talababa ng kasulatang ito, sinasabing si Jacob ay nag-ukol ng relatibong pagpaparangal at pagpapakundangan sa puno ng tungkod ni Jose, at pagkatapos ay binanggit ang ganitong komento: “Binago ng ilang tagapagsalin, na hindi sang-ayon sa relatibong pagpaparangal na ito, ang teksto, nang isalin nila iyon nang ganito: sumamba siya, na nakahilig sa puno ng kaniyang baston.” Gayunman, sa halip na isang pagbago sa teksto, gaya ng iginigiit ng talababang ito, ang huling nabanggit na salin at ang mga saling kahawig nito ay kasuwato ng diwa ng tekstong Hebreo sa Genesis 47:31 at sinunod pa nga ito ng ilang saling Katoliko, kasama na ang The Jerusalem Bible.
Walang iniulat ang Kasulatan na ang tapat na mga lingkod ni Jehova ay gumamit ng mga pantulong kapag nananalangin sa Diyos o na sila’y nakibahagi sa isang anyo ng relatibong pagsamba. Sabihin pa, maaaring itawag-pansin ng ilan angMga Anyo ng Idolatriya. Kabilang sa mga gawa ng idolatriya na binanggit sa Bibliya ang karima-rimarim na mga gawaing gaya ng seremonyal na pagpapatutot, paghahain ng mga anak, paglalasing, at paghihiwa sa sarili hanggang sa mapadanak ang dugo. (1Ha 14:24; 18:28; Jer 19:3-5; Os 4:13, 14; Am 2:8) Pinakundanganan ang mga idolo sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom bilang parangal sa mga iyon sa panahon ng mga kapistahan o mga seremonya (Exo 32:6; 1Co 8:10), ng pagyukod at paghahain sa mga iyon, ng pag-awit at pagsasayaw sa harap ng mga iyon, at ng paghalik pa nga sa mga iyon. (Exo 32:8, 18, 19; 1Ha 19:18; Os 13:2) Isinagawa rin ang idolatriya sa pamamagitan ng paghahanda ng isang mesa na may pagkain at inumin para sa huwad na mga diyos (Isa 65:11), ng paggawa ng mga handog na inumin, mga haing tinapay, at haing usok (Jer 7:18; 44:17), at ng pagtangis sa relihiyosong seremonya (Eze 8:14). Ang ilang gawain, gaya ng pagtatato sa balat, pagkukudlit ng mga hiwa sa katawan, pagpapakalbo ng noo, paggupit sa buhok sa gilid ng mukha, at pagsira sa dulo ng balbas, ay ipinagbawal ng Kautusan, posibleng dahil iniuugnay ang mga ito sa idolatrosong mga gawain na laganap sa karatig na mga bayan.—Lev 19:26-28; Deu 14:1.
Nariyan din ang mas tusong mga anyo ng idolatriya. Ang kaimbutan ay idolatriya (Col 3:5), yamang ang pagmamahal ng isang indibiduwal sa Maylalang ay inaagaw ng bagay na kaniyang pinagnanasahan, at sa diwa, iyon ay nagiging idolo. Sa halip na maglingkod sa Diyos na Jehova nang may katapatan, ang isang tao ay maaaring maging alipin ng kaniyang tiyan, samakatuwid nga, ng makalamang pagnanasa o pita, at maaaring ito ang maging kaniyang diyos. (Ro 16:18; Fil 3:18, 19) Yamang ang pag-ibig sa Maylalang ay ipinakikita sa pamamagitan ng pagkamasunurin (1Ju 5:3), ang paghihimagsik at pagkilos nang may kapangahasan ay maitutulad sa mga gawa ng idolatriya.—1Sa 15:22, 23.
Idolatriya Bago ang Baha. Nagsimula ang idolatriya sa di-nakikitang dako ng mga espiritu. Isang maluwalhating espiritung nilalang ang tinubuan ng mapag-imbot na pagnanasang maging katulad ng Kataas-taasan. Napakatindi ng kaniyang pagnanasa anupat nailayo siya nito sa kaniyang Diyos na si Jehova, at ang kaniyang idolatriya ang nagtulak sa kaniya na maghimagsik.—Job 1:6-11; 1Ti 3:6; ihambing ang Isa 14:12-14; Eze 28:13-15, 17.
Sa katulad na paraan, si Eva ang naging unang taong mananamba sa idolo nang imbutin niya ang ipinagbabawal na bunga, anupat inakay siya ng maling pagnanasang iyon na suwayin ang utos ng Diyos. Nang pahintulutan naman ni Adan na maging kaagaw ng pag-ibig niya kay Jehova ang kaniyang sakim na pagnanasa at pagkatapos ay sumuway siya sa Diyos, nagkasala rin siya ng idolatriya.—Gen 3:6, 17.
Mula noong paghihimagsik sa Eden, kakaunti lamang ang mga taong hindi nasangkot sa idolatriya. Noong panahong nabubuhay ang apo ni Adan na si Enos, lumilitaw na ang mga tao ay nagsagawa ng isang anyo ng idolatriya. “Nang panahong iyon pinasimulan ang pagtawag sa pangalan ni Jehova.” (Gen 4:26) Ngunit maliwanag na hindi ito pagtawag kay Jehova taglay ang pananampalataya, na gaya ng ginawa ng matuwid na si Abel maraming taon bago nito anupat dahil doon ay namatay siya bilang isang martir sa kamay ng kaniyang kapatid na si Cain. (Gen 4:4, 5, 8) Waring ang pinasimulan noong mga araw ni Enos ay isang huwad na anyo ng pagsamba kung saan ang pangalan ni Jehova ay ginamit sa maling paraan o ikinapit nang di-wasto. Maaaring ang pangalan ni Jehova ay ikinapit ng mga tao sa kanilang sarili o sa ibang mga tao (na sa pamamagitan ng mga iyon ay pakunwari silang lumalapit sa Diyos sa pagsamba), o kaya’y ikinapit nila ang banal na pangalan sa mga bagay na idolo (bilang nakikita at nahahawakang pantulong sa kanilang pagsamba sa di-nakikitang Diyos).
Hindi isinisiwalat ng rekord ng Bibliya kung gaano kalubha ang idolatriya mula noong mga araw ni Enos hanggang noong Baha. Tiyak na patuloy na sumamâ ang kalagayan, sapagkat noong mga araw ni Noe ay “nakita ni Jehova na ang kasamaan ng tao ay laganap sa lupa at ang bawat hilig ng mga kaisipan ng kaniyang puso ay masama na lamang sa lahat Gen 6:4, 5.
ng panahon.” Bukod sa makasalanang hilig na minana ng tao, nakaimpluwensiya rin nang malaki sa ikasasama ng sanlibutan ng panahong iyon ang nagkatawang-taong mga anghel, na sumiping sa mga anak na babae ng mga tao, at ang mga mestisong supling na ibinunga ng mga pagsasamang iyon, ang mga Nefilim.—Idolatriya Noong Panahon ng mga Patriyarka. Bagaman napuksa sa Baha noong mga araw ni Noe ang lahat ng mananamba sa idolo, muling lumitaw ang idolatriya sa pangunguna ni Nimrod, “isang makapangyarihang mangangaso na salansang kay Jehova.” (Gen 10:9) Tiyak na sa pangangasiwa ni Nimrod, sinimulan ang pagtatayo ng Babel at ng tore nito (malamang na isang ziggurat na para sa idolatrosong pagsamba). Nabigo ang mga plano ng mga tagapagtayong iyon nang guluhin ni Jehova ang kanilang wika. Dahil hindi na sila magkaintindihan, nang maglaon ay itinigil nila ang pagtatayo ng lunsod at sila’y nangalat. Gayunman, ang idolatriyang nagsimula sa Babel ay hindi nagwakas doon. Saanman pumaroon ang mga tagapagtayong iyon, dala-dala nila ang kanilang huwad na relihiyosong mga konsepto.—Gen 11:1-9; tingnan ang DIYOS AT DIYOSA, MGA.
Tulad ng Babel, ang sumunod na lunsod na binanggit sa Kasulatan, ang Ur ng mga Caldeo, ay hindi sumasamba sa tunay na Diyos na si Jehova. Isiniwalat ng arkeolohikal na paghuhukay roon na ang patrong bathala ng lunsod na iyon ay ang diyos-buwan na si Sin. Sa Ur naninirahan noon si Tera na ama ni Abram (Abraham). (Gen 11:27, 28) Palibhasa’y nakatira sa gitna ng mga mananamba sa idolo, maaaring nagsagawa si Tera ng idolatriya, gaya ng ipinahihiwatig ng mga salita ni Josue sa mga Israelita pagkaraan ng maraming siglo: “Sa kabilang ibayo ng Ilog [Eufrates] nanahanan ang inyong mga ninuno noong sinaunang panahon, si Tera na ama ni Abraham at ama ni Nahor, at naglilingkod sila noon sa ibang mga diyos.” (Jos 24:2) Ngunit si Abraham ay nagpakita ng pananampalataya sa tunay na Diyos, si Jehova.
Saanman pumunta si Abraham at ang kaniyang naging mga inapo, sila ay nahantad sa idolatriya, na dulot ng impluwensiya ng apostasyang nagsimula sa Babel. Kaya naman lagi silang nanganganib na mahawa sa gayong idolatriya. Kahit ang mga kamag-anak ni Abraham ay may mga idolo. Si Laban, na biyenan ng apo ni Abraham na si Jacob, ay may terapim, o mga diyos ng pamilya. (Gen 31:19, 31, 32) Kinailangan ni Jacob mismo na tagubilinan ang kaniyang sambahayan na alisin ang lahat ng kanilang mga banyagang diyos, at itinago niya ang mga idolong isinuko sa kaniya. (Gen 35:2-4) Marahil ay inalis niya ang mga iyon sa ganitong paraan upang hindi na muling gamitin ng sinuman sa kaniyang sambahayan ang metal ng mga iyon bilang mahalagang bagay dahil ginamit ito sa mga idolo. Hindi sinasabi kung ang mga imahen ay tinunaw o dinurog muna ni Jacob.
Idolatriya at ang Katipang Bayan ng Diyos. Gaya ng sinabi ni Jehova kay Abraham, ang kaniyang mga inapo, ang mga Israelita, ay naging mga naninirahang dayuhan sa lupain na hindi kanila, samakatuwid ay sa Ehipto, at pinighati sila roon. (Gen 15:13) Sa Ehipto, nalantad sila sa talamak na idolatriya, sapagkat napakapalasak ng paggawa ng mga imahen sa bansang iyon. Marami sa mga bathalang sinamba roon ay inilalarawan na may mga ulo ng hayop, anupat ang ilan sa mga iyon ay si Bast na may ulo ng pusa, si Hathor na may ulo ng baka, si Horus na may ulo ng halkon, si Anubis na may ulo ng chakal (LARAWAN, Tomo 1, p. 946), at si Thoth na may ulo ng ibis. Sinamba ang mga nilalang na nasa dagat, himpapawid, at katihan, at kapag namatay ang “sagradong” mga hayop, ang mga ito ay ginagawang momya.
Ang Kautusang ibinigay ni Jehova sa kaniyang bayan matapos silang palayain mula sa Ehipto ay malinaw na laban sa idolatrosong mga gawain na napakalaganap sa gitna ng sinaunang mga tao. Tuwirang ipinagbawal ng ikalawa sa Sampung Utos ang paggawa ng inukit na imahen o ng kawangis ng anumang nasa langit, nasa lupa, o nasa tubig, para sa pagsamba. (Exo 20:4, 5; Deu 5:8, 9) Sa kaniyang panghuling mga payo sa mga Israelita, idiniin ni Moises na imposibleng igawa ng imahen ang tunay na Diyos at binabalaan niya sila na mag-ingat sa silo ng idolatriya. (Deu 4:15-19) Upang higit pa silang maingatan laban sa pagiging mga mananamba sa idolo, inutusan silang huwag makipagtipan sa mga paganong tumatahan sa lupain na kanilang papasukin o makipag-alyansa sa mga iyon ukol sa pag-aasawa, kundi sa halip ay dapat nilang lipulin ang mga iyon. Ang lahat ng kagamitan sa idolatriya na madaratnan nila—mga altar, mga sagradong haligi, mga sagradong poste, at mga nililok na imahen—ay dapat wasakin.—Deu 7:2-5.
Tinipon sa Sikem ng kahalili ni Moises na si Josue ang lahat ng tribo ng Israel at pinayuhan niya sila na alisin ang huwad na mga diyos at maglingkod kay Jehova nang may katapatan. Ang bayan ay sumang-ayong gawin ang gayon at patuloy na naglingkod kay Jehova habang nabubuhay si Josue at ang matatandang lalaki na ang mga araw ay lumawig pa pagkaraan ni Josue. (Jos 24:14-16, 31) Ngunit nang maglaon ay pumasok ang malawakang apostasya. Ang bayan ay nagsimulang sumamba sa mga bathala ng Canaan—kay Baal, kay Astoret, at sa sagradong poste o kay Asera. Dahil dito, pinabayaan ni Jehova ang mga Israelita sa kamay ng kanilang mga kaaway. Gayunman, nang sila’y magsisi, buong-kaawaan siyang nagbangon ng mga hukom upang iligtas sila.—Huk 2:11-19; 3:7; tingnan ang ASTORET; BAAL Blg. 4; SAGRADONG HALIGI; SAGRADONG POSTE.
Sa ilalim ng pamamahala ng mga hari. Noong panahon ng mga paghahari ng unang hari ng Israel na si Saul, ng kaniyang anak na si Is-boset, at ni David, walang binabanggit na nagsagawa ng malawakang idolatriya ang mga Israelita. Ngunit may mga pahiwatig na nanatili ang idolatriya sa kaharian. Halimbawa, ang mismong anak na babae ni Saul, si Mical, ay may isang imaheng terapim. (1Sa 19:13; tingnan ang TERAPIM.) Gayunman, noon lamang huling bahagi ng paghahari ng anak ni David na si Solomon naging lantaran ang pagsasagawa ng idolatriya, anupat mismong ang monarka, sa ilalim ng impluwensiya ng kaniyang maraming asawang banyaga, ang nagpasigla sa idolatriya sa pamamagitan ng pagpapahintulot dito. Nagtayo sila ng matataas na dako para kina Astoret, Kemos, at Milcom, o Molec. Ang mga tao sa pangkalahatan ay nagpatangay sa huwad na pagsamba at nagsimulang yumukod sa mga idolong diyos na ito.—1Ha 11:3-8, 33; 2Ha 23:13; tingnan ang KEMOS; MOLEC.
Dahil sa idolatriyang ito, sampung tribo ang pinunit ni Jehova mula sa anak ni Solomon na si Rehoboam at ibinigay niya ang mga ito kay Jeroboam. (1Ha 11:31-35; 12:19-24) Ngunit nang si Jeroboam ay maging hari, bagaman patiunang tiniyak sa kaniya na ang kaniyang kaharian ay mananatiling matatag kung patuloy siyang maglilingkod kay Jehova nang may katapatan, itinatag niya ang pagsamba sa guya sa pangambang baka maghimagsik ang bayan laban sa kaniyang pamamahala kung patuloy silang paroroon sa Jerusalem upang sumamba. (1Ha 11:38; 12:26-33) Nagpatuloy ang idolatrosong pagsamba sa guya sa lahat ng mga araw ng sampung-tribong kaharian, anupat nakapasok ang Baalismo ng Tiro noong panahon ng paghahari ni Ahab. (1Ha 16:30-33) Ngunit hindi lahat ay nag-apostata. Samantalang naghahari si Ahab, may nalabi pa ring 7,000 na hindi nagluhod ng tuhod o humalik kay Baal, at ito’y noong panahong ipinapapatay ang mga propeta ni Jehova sa pamamagitan ng tabak, walang alinlangang dahil sa sulsol ng asawa ni Ahab na si Jezebel.—1Ha 19:1, 2, 14, 18; Ro 11:4; tingnan ang GUYA (Pagsamba sa Guya).
Maliban sa pagpawi ni Jehu sa pagsamba kay Baal (2Ha 10:20-28), walang rekord na nagsagawa ng anumang reporma sa relihiyon ang sinumang monarka ng sampung-tribong kaharian. Ang mga propetang paulit-ulit na isinugo ni Jehova ay hindi pinakinggan ng taong-bayan at ng mga tagapamahala ng hilagang kaharian, anupat nang dakong huli ay pinabayaan na sila ng Makapangyarihan-sa-lahat sa kamay ng mga Asiryano dahil sa kanilang nakaririmarim na rekord ng idolatriya.—2Ha 17:7-23.
Sa kaharian ng Juda ay halos gayundin ang naging situwasyon, maliban sa mga repormang isinagawa ng ilang hari. Bagaman ang pagkahati ng kaharian ay tuwirang resulta ng idolatriya, hindi isinapuso ng anak ni Solomon na si Rehoboam ang disiplina ni Jehova anupat hindi niya iniwasan ang idolatriya. Nang tumibay na ang kaniyang posisyon, siya at ang buong Juda na kasama niya ay nag-apostata. (2Cr 12:1) Ang mga tao ay nagtayo ng matataas na dako, na nilagyan nila ng mga sagradong haligi at mga sagradong poste, at nagsagawa ng seremonyal na pagpapatutot. (1Ha 14:23, 24) Bagaman si Abiam (Abias) ay nanampalataya kay Jehova noong panahong nakikipagdigma siya kay Jeroboam at pinagpala na magtagumpay, sa kalakhang bahagi ay tinularan niya ang makasalanang landasin ng kaniyang amang si Rehoboam na hinalinhan niya sa trono.—1Ha 15:1, 3; 2Cr 13:3-18.
Ang sumunod na dalawang Judeanong hari, sina Asa at Jehosapat, ay naglingkod kay Jehova nang may katapatan at nagsikap na alisin sa kaharian ang idolatriya. Ngunit noo’y talamak na talamak sa Juda ang pagsamba sa matataas na dako anupat, sa kabila ng mga pagsisikap ng dalawang haring ito na wasakin ang mga iyon, waring palihim na nanatili ang matataas na dako o maaaring muling lumitaw ang mga iyon.—1Ha 15:11-14; 22:42, 43; 2Cr 14:2-5; 17:5, 6; 20:31-33.
Ang paghahari ng sumunod na hari ng Juda, si Jehoram, ay nag-umpisa sa pagbububo ng dugo at nagpasimula ng isang bagong kabanata sa idolatriya ng Juda. Ipinakikitang ito’y dahil napangasawa niya si Athalia na anak ng idolatrosong si Ahab. (2Cr 21:1-4, 6, 11) Naging tagapayo rin ng anak ni Jehoram na si Ahazias ang inang reyna na si Athalia. Kaya naman noong panahon ng pamamahala ni Ahazias at ng mang-aagaw ng kapangyarihan na si Athalia, nagpatuloy ang idolatriya taglay ang pagsang-ayon ng monarka.—2Cr 22:1-3, 12.
Noong pasimula ng paghahari ni Jehoas, pagkatapos ng pagpatay kay Athalia, ang tunay na pagsamba ay isinauli. Ngunit nang mamatay ang mataas na saserdoteng si Jehoiada, ibinalik ang pagsamba sa idolo sa sulsol ng mga prinsipe ng Juda. (2Ha 12:2, 3; 2Cr 24:17, 18) Dahil dito, pinabayaan ni Jehova ang mga hukbong Judeano sa kamay ng sumasalakay na mga Siryano, at si Jehoas ay pinaslang ng kaniyang sariling mga lingkod.—2Cr 24:23-25.
Tiyak na ang paglalapat ng kahatulan ng Diyos sa Juda at ang marahas na kamatayan ng ama ni 2Cr 25:1-4) Ngunit matapos niyang talunin ang mga Edomita at kunin ang mga imahen ng mga iyon, nagsimula siyang maglingkod sa mga diyos ng kaniyang nalupig na mga kalaban. (2Cr 25:14) Dumating ang kagantihan nang matalo ng sampung-tribong kaharian ang Juda at, sa kalaunan, nang paslangin si Amazias ng mga nagsabuwatan. (2Cr 25:20-24, 27) Bagaman si Azarias (Uzias) at ang kaniyang anak na si Jotam ay iniulat na gumawa ng tama sa paningin ni Jehova, ang kanilang mga sakop ay patuloy na nagsagawa ng idolatriya sa matataas na dako.—2Ha 15:1-4, 32-35; 2Cr 26:3, 4, 16-18; 27:1, 2.
Amazias na si Jehoas ay natimo sa isip ni Amazias, kaya naman sa pasimula ay ginawa niya ang tama sa paningin ni Jehova. (Noong panahon ng paghahari ng anak ni Jotam na si Ahaz, ang relihiyosong kalagayan ng Juda ay lalo pang sumamâ. Si Ahaz ay nagsimulang magsagawa ng idolatriya sa antas na hindi pa kailanman nangyayari sa Juda; siya ang unang napaulat na Judeanong hari na naghain ng kaniyang supling sa apoy bilang pagsasagawa ng huwad na pagsamba. (2Ha 16:1-4; 2Cr 28:1-4) Pinarusahan ni Jehova ang Juda sa pamamagitan ng mga pagkatalo sa kamay ng kanilang mga kaaway. Sa halip na magsisi, ipinalagay ni Ahaz na ang mga diyos ng mga hari ng Sirya ang nagbibigay sa mga ito ng tagumpay at sa gayo’y ipinasiya niyang maghain sa mga bathalang iyon upang tulungan din siya ng mga iyon. (2Cr 28:5, 23) Isinara rin niya ang mga pinto ng templo ni Jehova, at ang mga kagamitan nito ay pinagputul-putol niya.—2Cr 28:24.
Bagaman hindi nakinabang si Ahaz sa disiplina ni Jehova, nakinabang dito ang kaniyang anak na si Hezekias. (2Cr 29:1, 5-11) Noon mismong unang taon ng kaniyang pagiging hari, isinauli ni Hezekias ang tunay na pagsamba kay Jehova. (2Cr 29:3) Winasak niya ang mga kagamitan ng huwad na pagsamba hindi lamang sa Juda at Benjamin kundi pati sa Efraim at Manases.—2Cr 31:1.
Ngunit lubusang binuhay-muli ng mismong anak ni Hezekias na si Manases ang idolatriya. (2Ha 21:1-7; 2Cr 33:1-7) Hindi sinasabi sa rekord ng Bibliya kung bakit niya iyon ginawa. Nang magsimulang mamahala si Manases noong siya’y 12 taóng gulang, maaaring naakay siya sa maling paraan ng mga tagapayo at mga prinsipe na hindi tapat na naglilingkod kay Jehova. Ngunit di-tulad ni Ahaz, si Manases, na naging bihag sa Babilonya, ay nagsisi nang matanggap niya ang matinding disiplinang ito mula kay Jehova at nagsagawa ng mga reporma nang makabalik siya sa Jerusalem. (2Cr 33:10-16) Gayunman, ang kaniyang anak na si Amon ay bumalik sa paghahain sa mga nililok na imahen.—2Cr 33:21-24.
Pagkatapos nito, nang mamahala si Josias, lubusang pinawi ang idolatriya mula sa Juda. Nilapastangan ang mga lugar ng idolatrosong pagsamba roon at pati sa mga lunsod ng Samaria. Inalisan ng trabaho ang mga saserdote ng mga banyagang diyos at yaong mga gumagawa ng haing usok para kay Baal, gayundin para sa araw, sa buwan, sa mga konstelasyon ng sodyako, at sa buong hukbo ng langit. (2Ha 23:4-27; 2Cr 34:1-5) Ngunit hindi pa rin nagdulot ng permanenteng reporma ang malawakang kampanyang ito laban sa idolatriya. Patuloy na nagsagawa ng idolatriya ang huling apat na Judeanong hari, sina Jehoahaz, Jehoiakim, Jehoiakin, at Zedekias.—2Ha 23:31, 32, 36, 37; 24:8, 9, 18, 19; tingnan ang ASTROLOGO; MATATAAS NA DAKO; SODYAKO.
Ang pagbanggit ng mga propeta sa idolatriya ay higit pang nagbibigay-linaw sa kung ano ang naganap noong mga huling taon ng kaharian ng Juda. Patuloy na umiral ang mga lugar ng idolatriya, seremonyal na pagpapatutot, at paghahain ng mga anak. (Jer 3:6; 17:1-3; 19:2-5; 32:29, 35; Eze 6:3, 4) Maging ang mga Levita ay nagkasala ng idolatriya. (Eze 44:10, 12, 13) Nang sa pangitain ay dalhin si Ezekiel sa templo ng Jerusalem, nakita niya roon ang isang karima-rimarim na idolo, na “sagisag ng paninibugho,” at ang isinasagawang pagpapakundangan sa mga wangis ng gumagapang na mga bagay at karima-rimarim na mga hayop, gayundin ang pagpipitagan sa huwad na diyos na si Tamuz at sa araw.—Eze 8:3, 7-16.
Kasabay ng pagsamba ng mga Israelita sa mga idolo at ng paghahain pa nga nila ng kanilang sariling mga anak, nagsagawa rin sila ng isang anyo ng pagsamba kay Jehova at nangatuwiran na walang kapahamakang sasapit sa kanila. (Jer 7:4, 8-12; Eze 23:36-39) Naging napakamangmang ng bayan sa pangkalahatan dahil sa pagtataguyod nila ng idolatriya anupat nang dumating ang kapahamakan at itiwangwang ng mga Babilonyo ang Jerusalem noong 607 B.C.E., bilang katuparan ng salita ni Jehova, ipinalagay nilang ito’y dahil hindi sila nakagawa ng haing usok at mga handog na inumin para sa “reyna ng langit.”—Jer 44:15-18; tingnan ang REYNA NG LANGIT.
Kung Bakit Bumaling sa Idolatriya ang Israel. May ilang dahilan kung bakit paulit-ulit na iniwan ng napakaraming Israelita ang tunay na pagsamba. Palibhasa’y isa sa mga gawa ng laman, ang idolatriya ay nakaaakit sa mga pagnanasa ng laman. (Gal 5:19-21) Nang manirahan na sa Lupang Pangako ang mga Israelita, maaaring napuna nila na ang kanilang kalapit na mga pagano, na hindi nila ganap na napalayas, ay matagumpay sa pagtatanim dahil sa mas mahabang karanasan ng mga ito sa pagsasaka ng lupain. Malamang na marami sa kanila ang nag-usisa at sumunod sa payo ng kalapit nilang mga Canaanita hinggil sa kung ano ang kailangan upang mapalugdan ang Baal, o “may-ari,” ng bawat piraso ng lupain.—Aw 106:34-39.
Ang isa pang nakaganyak sa kanila upang mag-apostata ay ang pakikipag-alyansa sa mga mananamba sa idolo ukol sa pag-aasawa. (Huk 3:5, 6) Malakas ang tukso ng walang-taros na pagpapakasasa sa sekso na kaugnay ng idolatriya. Halimbawa, sa Sitim na nasa Kapatagan ng Moab, libu-libong Israelita ang nagpadala sa imoralidad at nagsagawa ng huwad na pagsamba. (Bil 22:1; 25:1-3) Para sa ilan, maaaring nakatutukso ang makibahagi sa walang-taros na inuman sa mga santuwaryo ng huwad na mga diyos.—Am 2:8.
Naging kaakit-akit din ang diumano’y pag-alam sa mangyayari sa hinaharap, anupat ito’y dahil sa pagnanais na matiyak na walang suliranin ang babangon. Ang ilang halimbawa nito ay noong sumangguni si Saul sa isang espiritista at noong magsugo si Ahazias upang sumangguni kay Baal-zebub na diyos ng Ekron.—1Sa 28:6-11; 2Ha 1:2, 3.
Ang Kahibangan ng Pagsamba sa Idolo. Paulit-ulit na itinatawag-pansin ng Kasulatan ang kamangmangan ng pananalig sa mga diyos na kahoy, bato, o metal. Inilarawan ni Isaias ang paggawa ng mga idolo at ipinakita niya ang kahangalan ng isang tao na pagkatapos magluto ng pagkain at magpainit gamit ang isang bahagi ng kahoy ay gumawa naman ng isang diyos mula sa natirang kahoy at umasang tutulungan siya nito. (Isa 44:9-20) Sumulat si Isaias na sa araw ng poot ni Jehova, itatapon ng mga huwad na mananamba ang kanilang walang-kabuluhang mga idolo sa mga musaranya at sa mga paniki. (Isa 2:19-21) “Sa aba niyaong nagsasabi sa piraso ng kahoy: ‘Gumising ka!’ sa isang batong pipi: ‘Gising na!’” (Hab 2:19) Yaong mga gumagawa ng piping mga idolo ay magiging tulad nila, samakatuwid nga, walang-buhay.—Aw 115:4-8; 135:15-18; tingnan ang Apo 9:20.
Pangmalas sa Idolatriya. Kinamumuhian ng tapat na mga lingkod ni Jehova ang mga idolo. Sa Kasulatan, ang huwad na mga diyos at ang mga idolo ay paulit-ulit na tinutukoy sa mapanghamak na mga termino, gaya ng walang-silbi (1Cr 16:26; Aw 96:5; 97:7), kakila-kilabot (1Ha 15:13; 2Cr 15:16), kahiya-hiya (Jer 11:13; Os 9:10), karima-rimarim (Eze 16:36, 37), at kasuklam-suklam (Eze 37:23). Madalas ding banggitin ang pananalitang “mga karumal-dumal na idolo,” na isang salin ng salitang Hebreo na gil·lu·limʹ, na nauugnay naman sa isang salita na nangangahulugang “dumi.” (1Ha 14:10; Zef 1:17) Ang terminong ito ng paghamak, na unang lumitaw sa Levitico 26:30, ay masusumpungan nang halos 40 ulit sa aklat ng Ezekiel pa lamang, pasimula sa kabanata 6, talata 4.
Kinilala ng tapat na si Job na kung lihim na maaakit ang kaniyang puso na magmasid sa mga bagay sa langit gaya ng buwan, at kung ang kaniyang ‘kamay ay hahalik sa kaniyang bibig’ (lumilitaw na nagpapahiwatig ng paghahagis ng halik sa pamamagitan ng kamay bilang idolatrosong kaugalian), iyon ay katumbas na rin ng pagkakaila sa Diyos, samakatuwid ay idolatriya. (Job 31:26-28; ihambing ang Deu 4:15, 19.) May kaugnayan sa isa na nagsasagawa ng katuwiran, sinabi ni Jehova sa pamamagitan ng propetang si Ezekiel, “Ang kaniyang mga mata ay hindi niya itiningin sa mga karumal-dumal na idolo ng sambahayan ng Israel,” samakatuwid nga, upang magsumamo sa mga iyon o upang umasa sa tulong ng mga iyon.—Eze 18:5, 6.
Ang isa pang mainam na halimbawa ng pag-iwas sa idolatriya ay ang ginawa ng tatlong Hebreo na sina Sadrac, Mesac, at Abednego. Bagaman pinagbantaan ng kamatayan sa maapoy na hurno, sila ay tumangging yumukod sa harap ng imaheng ginto na itinayo ni Haring Nabucodonosor sa Kapatagan ng Dura.—Dan 3.
Sinunod ng unang mga Kristiyano ang kinasihang payo: “Tumakas kayo mula sa idolatriya” (1Co 10:14), at ang Kristiyanismo ay itinuring ng mga manggagawa ng imahen bilang isang banta sa kanilang malakas na negosyo. (Gaw 19:23-27) Gaya ng pinatototohanan ng sekular na mga istoryador, ang mga Kristiyanong naninirahan sa Imperyo ng Roma ay madalas na nalalagay sa posisyong kagaya ng sa tatlong Hebreo dahil sa pag-iwas nila sa idolatriya. Kung kikilalanin ng gayong mga Kristiyano ang pagkadiyos ng emperador bilang ulo ng estado sa pamamagitan ng paghahandog ng kaunting insenso, makaliligtas sana sila sa kamatayan, ngunit iilan lamang ang nakipagkompromiso. Lubusang naunawaan ng unang mga Kristiyanong iyon na minsang talikuran nila ang mga idolo upang maglingkod sa tunay na Diyos (1Te 1:9), ang pagbalik sa idolatriya ay mangangahulugan na sila’y hindi tatanggapin sa Bagong Jerusalem at mawawalan ng gantimpalang buhay.—Apo 21:8; 22:14, 15.
Dapat bantayan ng mga lingkod ni Jehova ang kanilang sarili laban sa mga idolo (1Ju 5:21), maging sa ngayon. Ayon sa hula, ang lahat ng tumatahan sa lupa ay lubhang gigipitin upang sumamba sa makasagisag na “mabangis na hayop” at sa “larawan” nito. Ang sinumang nananatili sa gayong idolatrosong pagsamba ay hindi tatanggap ng kaloob ng Diyos na walang-hanggang buhay. “Dito nangangahulugan ng pagbabata para sa mga banal.”—Apo 13:15-17; 14:9-12; tingnan ang KASUKLAM-SUKLAM NA BAGAY, KARIMA-RIMARIM NA BAGAY.