Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Idolo, Karneng Inihandog sa mga

Idolo, Karneng Inihandog sa mga

Sa paganong daigdig noong unang siglo C.E., isang karaniwang kaugalian ang maghandog ng karne sa mga idolo sa seremonyal na paraan. Sa gayong mga okasyon, ang ilang bahagi ng inihaing hayop ay inilalagay sa altar ng idolo, ang isang parte ay napupunta sa mga saserdote, at ang isang parte naman ay napupunta sa mga mananamba, upang kainin nila sa isang salu-salo o piging, maaaring sa templo o sa isang pribadong bahay. Gayunman, ang ilang bahagi ng karneng inihandog sa mga idolo ay kadalasang dinadala sa maʹkel·lon, o pamilihan ng karne, upang ipagbili.

Maraming Kristiyano, bago sila nakumberte, ang namihasang kumain ng karneng inihandog sa mga idolo taglay ang damdamin ng pagpipitagan sa idolo. (1Co 8:7) Sa paggawa nila nito, ang dating mga paganong iyon ay naging mga kabahagi ng demonyong diyos na kinakatawanan ng idolo. (1Co 10:20) Kaya naman angkop lamang na sa pamamagitan ng isang pormal na liham mula sa Jerusalem at sa ilalim ng patnubay ng banal na espiritu, ipinagbawal ng lupong tagapamahala ng sinaunang kongregasyong Kristiyano ang gayong pormal at relihiyosong pagkain ng karneng inihandog sa mga idolo, sa gayo’y naingatan ang mga Kristiyano laban sa idolatriya may kaugnayan sa bagay na ito.​—Gaw 15:19-23, 28, 29.

Ang mga Kristiyano, gaya niyaong mga naninirahan sa paganong Corinto, ay napaharap sa ilang tanong hinggil sa bagay na ito. Maaari ba silang pumasok sa isang templo ng idolo at kumain ng karne kung iyon ay gagawin nila nang wala namang intensiyong parangalan ang idolo? At, mali bang bumili sa maʹkel·lon ng karneng inihandog sa mga idolo sa seremonyal na paraan? Bilang panghuli, ano ang dapat gawin ng isang Kristiyano hinggil dito kung siya’y inanyayahang kumain bilang panauhin sa bahay ng ibang tao?

Sa ilalim ng pagkasi, binigyan ni Pablo ang mga Kristiyanong taga-Corinto ng napapanahong impormasyon na makatutulong sa kanila sa paggawa ng tamang mga pasiya. Bagaman “ang isang idolo ay walang anuman,” hindi nararapat sa isang Kristiyano ang pumaroon sa templo ng idolo upang kumain ng karne (kahit na ang pagkain niyang ito ay hindi bahagi ng relihiyosong seremonya), sapagkat maaari itong magbigay ng maling impresyon sa mga nagmamasid na mahina sa espirituwal. Baka isipin ng gayong mga nagmamasid na sinasamba ng Kristiyanong iyon ang idolo, at maaaring ikatisod nila ito. Maaari pa ngang mahikayat ang gayong mahihina na aktuwal na kumain ng karneng inihain sa mga idolo bilang bahagi ng relihiyosong seremonya, na tuwirang labag sa utos ng lupong tagapamahala. May panganib din na malabag ng Kristiyanong kumain ng karne ang kaniyang sariling budhi at magpadala sa pagsamba sa idolo.​—1Co 8:1-13.

Gayunman, yamang wala namang epekto sa karne ang seremonyal na paghahandog nito sa mga idolo, ang isang Kristiyano, taglay ang mabuting budhi, ay maaaring bumili ng karne sa isang pamilihang kumukuha ng karne mula sa mga relihiyosong templo. Ang karneng ito ay hindi na “sagrado.” Kapareho na lamang ito ng ibang karne, at samakatuwid ay hindi na obligado ang Kristiyano na magtanong kung saan ito nanggaling.​—1Co 10:25, 26.

Karagdagan pa, kapag inanyayahan sa kainan ang isang Kristiyano, hindi na siya kailangang magtanong kung saan nanggaling ang karne kundi maaari niya itong kainin taglay ang isang mabuting budhi. Gayunman, kung mabanggit ng isang indibiduwal na naroon sa kainan na ang karne ay “inihandog bilang hain,” hindi ito kakainin ng isang Kristiyano upang maiwasan niyang makatisod sa iba.​—1Co 10:27-29.

Ipinahihiwatig ng mga salita ng niluwalhating si Jesu-Kristo kay Juan may kaugnayan sa mga kongregasyong Kristiyano sa Pergamo at Tiatira na may ilan na hindi sumunod sa utos ng mga apostol na ingatan nilang malinis ang kanilang sarili mula sa mga bagay na inihain sa mga idolo.​—Apo 2:12, 14, 18, 20.