Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Igos

Igos

[sa Heb., teʼe·nahʹ; sa Gr., sy·keʹ, syʹkon; sa Ingles, fig].

Bukod sa olibo at punong ubas, ang puno ng igos (Ficus carica) ay isa sa pinakaprominenteng mga halaman sa Bibliya, anupat binabanggit ito sa mahigit na 50 teksto. (Huk 9:8-13; Hab 3:17) Ang igos ay katutubo sa TK Asia, Israel, Sirya, at Ehipto at kilalá dahil sa kahanga-hangang haba ng buhay nito. Bagaman ang punong ito ay tumutubo nang ligáw, kailangan itong alagaan upang magluwal ng mabuting bunga. (Luc 13:6-9) Napakahusay nitong bumagay sa iba’t ibang uri ng lupa, anupat tumutubo maging sa mabatong lupa. Maaari itong umabot sa taas na mga 9 na m (30 piye), anupat ang diyametro ng katawan ay mga 0.6 m (2 piye), at mahahaba ang sanga. Bagaman pangunahin itong pinahahalagahan dahil sa bunga nito, lubha rin itong nagugustuhan dahil sa mainam na lilim nito. (Ju 1:48-50) Ang mga dahon nito ay malalaki, anupat may lapad na hanggang 20 sentimetro (8 pulgada) o mahigit pa. Unang binanggit ang igos may kinalaman sa pagtahi ng mga dahon nito upang magamit nina Adan at Eva bilang mga panakip sa balakang. (Gen 3:7) Sa ilang bahagi ng Gitnang Silangan, ang mga dahon ng igos ay pinagtatahi pa rin at ginagamit bilang pambalot ng prutas at para sa iba pang mga layunin.​—Tingnan ang SIKOMORO.

Maaga at Huling Ani. Karaniwan na, dalawang ani ng igos ang iniluluwal ng mga punong ito bawat taon: ang mga unang hinog na igos, o maagang mga igos (sa Heb., bik·ku·rahʹ), na gumugulang kapag Hunyo o maagang bahagi ng Hulyo (Isa 28:4; Jer 24:2; Os 9:10), at ang mas huling mga igos, na sumisibol naman sa bagong sanga at bumubuo sa kalakhang bahagi ng ani, karaniwan ay gumugulang mula Agosto at patuloy. Kapag hinog na, ang maagang mga igos ay madaling mapalaglag mula sa puno kapag inuga, at lubhang pinahahalagahan ang mga ito dahil sa kaayaayang lasa nila.​—Na 3:12.

Mga bandang Pebrero, ang unang mga buko ng bunga ay sumisibol sa mga sanga na mula sa kalilipas na kapanahunan ng mga igos, at ang mga ito ay nauuna sa mga dahon nang mga dalawang buwan, yamang kadalasa’y sumisibol lamang ang mga dahon sa huling bahagi ng Abril o sa Mayo. (Mat 24:32) Sa Awit ni Solomon 2:13 ang unang mga tanda ng paggulang ng bago at luntiang mga igos (sa Heb., pagh) ay binabanggit may kaugnayan sa pamumulaklak ng mga puno ng ubas, na nagsisimulang mamulaklak nang mga bandang Abril. Kaya naman kapag madahung-madahon na ang puno, dapat ay namumunga na rin ito. Ang puno ng igos na isinumpa ni Jesu-Kristo ay waring di-pangkaraniwang nagdahon nang maaga sa panahon, yamang Nisan 10 pa lamang noon ng taóng 33 C.E. Dahil sa hitsura nito ay maaasahang maaga rin sa panahon ang pagluluwal nito ng bunga na makakain, at ipinahihiwatig ng rekord sa Marcos 11:12-14 na iyon ang nasa isip ni Jesus nang lapitan niya ang puno bagaman noon ay “hindi kapanahunan ng mga igos,” samakatuwid nga, hindi panahon ng pagtitipon ng bunga. Yamang mga dahon lamang ang nasa puno, ipinakikita nito na hindi ito mamumunga at sa gayon ay mapanlinlang ang hitsura nito. Isinumpa ni Jesus ang puno bilang di-mabunga, anupat pinangyari niyang ito ay malanta.​—Ihambing ang Mat 7:19; 21:43; Luc 13:6-9.

Paggamit Bilang Pagkain at Gamot. Ang mga igos ay isang pangunahing pinagmumulan ng pagkain noong panahon ng Bibliya at maging hanggang sa ngayon sa ilang bansa sa Gitnang Silangan. Ang mga ito ay ginagawang “kakaning igos na pinipi” (sa Heb., deve·limʹ), na kumbinyenteng dalhin. (1Sa 25:18; 30:12; 1Cr 12:40) Ang gayong kakanin ay ginamit bilang gamot na panapal sa bukol ni Haring Hezekias, at maging sa ngayon, ang ganitong uri ng kakanin ay ginagamit pa rin sa ganitong paraan sa Gitnang Silangan.​—2Ha 20:7.

Makasagisag at Makahulang Paggamit. Ang igos at ang punong ubas ay magkasamang binabanggit sa maraming teksto, at ipinakikita ng mga salita ni Jesus sa Lucas 13:6 na ang mga puno ng igos ay kadalasang itinatanim sa mga ubasan. (2Ha 18:31; Joe 2:22) Ang pananalitang ‘nakaupo sa ilalim ng sariling punong ubas at puno ng igos’ ay sumasagisag sa mga kalagayang mapayapa, masagana, at tiwasay.​—1Ha 4:25; Mik 4:4; Zac 3:10.

Sa dahilang prominente ang puno ng igos sa buhay ng mga tao, mauunawaan kung bakit napakalimit itong gamitin sa hula. Dahil sa kahalagahan nito sa panustos na pagkain ng bansa, ang ganap na pagmimintis ng ani ng igos ay magiging kapaha-pahamak. Kaya naman ang puno ng igos ay pantanging binanggit nang ihula ang pagkawasak, o pagkapahamak, ng lupain.​—Jer 5:17; 8:13; Os 2:12; Joe 1:7, 12; Am 4:9; Hab 3:17.

Ang bansang Israel mismo ay inihalintulad ni Jehova sa dalawang uri ng igos. (Jer 24:1-10) Upang ilarawan kung paanong ang mga bulaang propeta ay makikilala sa pamamagitan ng kanilang masasamang bunga, binanggit ni Jesus na imposibleng makakuha ng “mga igos mula sa mga dawag.” (Mat 7:15, 16; ihambing ang San 3:12.) Ang ‘pagsisibol ng mga dahon’ ng puno ng igos sa bandang kalagitnaan ng tagsibol ay ginamit ni Jesus bilang isang kilaláng tagapagpahiwatig ng panahon. (Mat 24:32-34) Bilang panghuli, ang pagiging madaling malaglag sa lupa ng “hilaw na igos” (sa Gr., oʹlyn·thos) kapag inuga ito ng malakas na hangin ay ginagamit ng manunulat ng Apocalipsis bilang isang simili.​—Apo 6:13.