Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ilang

Ilang

Sa pangkalahatan, ang terminong Hebreo para sa ilang (midh·barʹ) ay tumutukoy sa isang lupaing kakaunti ang naninirahan at di-nililinang. (Jer 2:2) Maaaring kasama rito ang mga pastulan (Aw 65:12; Jer 23:10; Exo 3:1), mga imbakang-tubig (2Cr 26:10), mga bahay, at pati ang ilang lunsod (1Ha 2:34; Jos 15:61, 62; Isa 42:11). Bagaman kadalasang tumutukoy lamang sa mga tuyong lupain na may palumpungan at damuhan, ang midh·barʹ ay maaari ring kumapit sa mga pook na walang tubig at matatawag na tunay na mga disyerto. Ang iba pang mga terminong Hebreo na ginagamit upang tukuyin nang mas espesipiko ang gayong mga lugar ay kadalasang matatagpuang kasama ng midh·bar sa mga bahaging patula.​—Aw 78:40; Jer 50:12.

Ang salitang yeshi·mohnʹ ay nangangahulugan ng isang dakong likas na tiwangwang o disyerto. (Aw 68:7; Isa 43:19, 20) Lumilitaw na mas matinding termino ito kaysa sa midh·barʹ, anupat nagpapahiwatig ng pagiging higit na tigang, gaya sa pananalitang “tiwangwang at umaalulong na disyerto [yeshi·monʹ].” (Deu 32:10) Kapag ginamit ito kalakip ang pamanggit na pantukoy, tumutukoy ito sa espesipikong mga lugar ng ilang.​—Bil 21:20; 1Sa 23:19, 24; tingnan ang JESIMON.

Inilalarawan naman ng ʽara·vahʹ ang mga lupaing tigang at walang pananim, tulad niyaong mga lupain sa kabila ng Jordan mula sa Jerico. (Bil 22:1) Ang gayong mga disyertong kapatagan ay maaaring resulta ng pagsira sa kagubatan at kawalan ng wastong konserbasyon at paglinang, o maaaring ang mga iyon ay resulta ng mahabang tagtuyot, anupat dahil sa mga kalagayang ito, ang produktibong kalupaan ay nagiging mga ilang na di-mabunga. (Isa 33:9; Jer 51:43) Kapag kalakip nito ang pamanggit na pantukoy, ang salitang ito ay tumutukoy rin sa isang espesipikong bahagi ng Lupang Pangako. (Tingnan ang ARABA; ARABA, AGUSANG LIBIS NG.) Ang isa pang termino, tsi·yahʹ, ay naglalarawan naman sa alinmang “pook na walang tubig” at ginagamit kahanay ng mga salitang nabanggit na.​—Aw 107:35; Isa 35:1.

Maging ang mga rehiyon na inilalarawan bilang “disyerto” sa Bibliya ay bihirang tumukoy sa isang mabuhanging disyerto na gaya ng ilang bahagi ng Disyerto ng Sahara na may alun-along mga burol ng buhangin. Kadalasang ang mga ito ay mga patag na lupain na halos walang punungkahoy at tigang o medyo tigang, mababatong talampas, o mga libis na tiwangwang at walang tubig na napalilibutan ng matataas na bundok at kalbong mga taluktok.​—Job 30:3-7; Jer 17:6; Eze 19:13.

Noong panahon ng kanilang Pag-alis mula sa Ehipto, ang bansang Israel ay inakay ng Diyos papasók sa ilang sa kahabaan ng Dagat na Pula, anupat inakala ni Paraon na naligaw sila. (Exo 13:18-20; 14:1-3) Nang mapasakabilang panig ng Dagat na Pula, at sa nalalabing bahagi ng 40 taon, ang Israel ay nagpalipat-lipat sa iba’t ibang seksiyon ng ilang, kabilang ang mga pook na ilang ng Sur, Sin, Sinai, Paran, at Zin (Exo 15:22; 16:1; 19:1; Bil 10:12; 20:1), anupat kung minsan ay nagkakampo sila sa mga oasis, gaya sa Elim, na may 12 bukal at 70 puno ng palma (Exo 15:27), at sa Kades.​—Bil 13:26; Deu 2:14; MAPA, Tomo 1, p. 541.

Ang Lupang Pangako mismo, na bahagi ng tinatawag na Fertile Crescent, ay isang makitid na lupaing nililinang na ang kahangga sa isang panig ay ang Dagat Mediteraneo at sa dalawang panig naman ay ang malalawak na pook na ilang​—ang Disyerto ng Sirya-Arabia sa S at ang Peninsula ng Sinai sa T. (Exo 23:31) Sa loob ng mga hangganan ng lupain ay may mas maliliit na seksiyon ng ilang, halimbawa ay yaong nasa malapit sa Dotan, sa T lamang ng Libis ng Jezreel, kung saan inihagis si Jose ng kaniyang mga kapatid sa balon (Gen 37:17, 22); ang Ilang ng Juda, na may ilang seksiyong nasa palibot ng mga lunsod ng Zip, Maon, at En-gedi, mga ilang kung saan nanganlong si David mula kay Saul (Huk 1:16; 1Sa 23:14, 24; 24:1); at ang mga pook na ilang sa S panig ng Jordan, na sumasanib sa Disyerto ng Sirya-Arabia (Bil 21:13; Deu 1:1; 4:43). Ang kalakhan ng rift valley na binabagtas ng Ilog Jordan (sa ngayon ay tinatawag na Ghor) ay pangunahin nang isang disyertong lupain.

Bagaman sa ngayon ay lubusan nang tiwangwang ang marami sa mga pook na ilang na binabanggit sa Bibliya, may katibayan na hindi ganito ang dating kalagayan ng ilan. Sa The Geography of the Bible (1957, p. 91), sinabi ni Denis Baly na “malamang na ang kaurian ng mga pananim ay sumailalim sa napakalalaking pagbabago mula noong panahon ng Bibliya.” Ang orihinal na mga kalagayan na mahusay ang pagkakatimbang kung saan ang lupa, klima, at mga pananim ay bumubuo ng isang matatag na kapaligiran, anupat di-gaanong naaagnas ang lupa, ay nasira dahil sa pagkasalanta ng mga kagubatan na hindi na muling tinamnan. Palibhasa’y wala nang lilim, at wala nang ugat na pipigil sa lupa, nasira ito ng nakapapasong init ng tag-araw at ng humahagupit na ulan sa taglamig. Ang lupa ay tinigang ng araw, pinalis ng hangin, pinagbitak-bitak ng matinding pagpapabagu-bago ng temperatura, at inagnas ng ulan. Ipinakikita ng arkeolohikal na pagsusuri na maraming lugar na lubusan nang tiwangwang sa ngayon ay dating “kinaroroonan ng mga pastulan, mga kapatagan, at mga oasis kung saan dahil sa mga bukal at manaka-nakang pag-ulan bukod pa sa maingat na konserbasyon ng tubig ay naging posibleng magtayo ng mga nayon at magmantini ng mahahalagang ruta ng mga pulutong na naglalakbay.” (The Interpreter’s Dictionary of the Bible, inedit ni G. Buttrick, 1962, Tomo 1, p. 828) Maging sa ngayon, marami sa gayong mga lugar ng ilang ay nababalutan ng makapal at luntiang damo kapag tagsibol, bagaman sa pagtatapos ng tag-araw ay nalalanta at naglalaho na ito dahil sa init at tagtuyot.

Mga Kalagayan sa Ilang Kung Saan Nagpagala-gala ang mga Israelita. Bagaman posible na mas kaayaaya ang mga kalagayan sa ibang mga pook na ilang noong sinaunang panahon kaysa sa kasalukuyan, masasabi ni Moises na sa paglalakbay ng Israel sa Sinai ay dumaan sila “sa malaki at kakila-kilabot na ilang, na may makamandag na mga serpiyente at mga alakdan at may uháw na lupa na walang tubig.” (Deu 1:19; 8:15; MGA LARAWAN, Tomo 1, p. 542) Iyon ay isang “lupain ng mga lagnat” (Os 13:5), isang lupain ng hukay at matinding karimlan. (Jer 2:6) Ang mas tigang na mga pook na ilang ay alinman sa hindi tinahanan (Job 38:26) o mga lugar kung saan tumahan ang mga naninirahan sa mga tolda at kung saan lumibot ang mga taong pagala-gala. (1Cr 5:9, 10; Jer 3:2) Doon ay may mga kambron at mga tinikang-palumpong (Gen 21:14, 15; Exo 3:1, 2; Huk 8:7), matitinik na punong lotus, at mga palumpungan ng nakatutusok na mga punong akasya.​—Exo 25:10; Job 40:21, 22.

Ang mga pagód na manlalakbay na tumatahak sa mga dinaraanang landas (Jer 12:12) ay maaaring sumilong sa ilalim ng payat at tulad-patpat na mga sanga ng punong retama (1Ha 19:4, 5), o sa ilalim ng mukhang-mapanglaw at bansot na enebro (Jer 48:6), o sa tabi ng mabukong katawan ng tamarisko na may mga dahong evergreen na malabalahibo at maliliit (Gen 21:33). Sa himpapawid, ang mga agila at iba pang mga ibong maninila ay paikut-ikot na lumilipad sa walang-ulap na kalangitan (Deu 32:10, 11), samantalang ang mga may-sungay na ulupong at mga ahas-palaso ay gumagapang sa ibabaw ng mga bato at sa ilalim ng mga palumpong, ang mga bayawak-buhangin ay nagtatakbuhan, at ang malalaking monitor lizard ay dahan-dahang lumalakad gamit ang kanilang maiikli at malalakas na paa. (Lev 11:30; Aw 140:3; Isa 34:15) Ang mga kambing-bundok ay makikita sa mga kabatuhan (1Sa 24:2); ang maiilap na asno, mga sebra, mga kamelyo, at mga avestruz ay nanginginain sa kakaunting pananim; at may makikita ring mga pelikano at mga porcupino. (Job 24:5; 39:5, 6; Jer 2:24; Pan 4:3; Zef 2:13, 14) Sa gabi, ang palahaw ng mga chakal at mga lobo ay sinasabayan ng huni ng mga kuwago o ng humihiging na iyak ng kandarapa, anupat lalong madarama na tiwangwang at liblib ang pook na ito. (Isa 34:11-15; Jer 5:6) Yaong mga natutulog sa isang pook na ilang ay karaniwan nang walang katiwasayan.​—Ihambing ang Eze 34:25.

Maliban sa nakapangalat na mga oasis, ang Peninsula ng Sinai ay pangunahin nang isang rehiyon ng buhangin, matigas na graba, at bato. Kakaunting pananim ang tumutubo sa mga wadi (agusang libis). Noong sinauna, maaaring mas maulan doon at mas marami ring pananim. Gayunman, kung hindi sila pinangalagaan ng Diyos, ang mga Israelita, na posibleng may bilang na tatlong milyon, ay tiyak na hindi mabubuhay sa tigang na rehiyong ito. Gaya ng sinabi sa kanila ni Moises sa Kapatagan ng Moab: “Mag-ingat ka upang hindi mo makalimutan si Jehova na iyong Diyos . . . na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Ehipto, mula sa bahay ng mga alipin; na pumatnubay sa iyo sa malaki at kakila-kilabot na ilang, na may makamandag na mga serpiyente at mga alakdan at may uháw na lupa na walang tubig; na nagpabukal ng tubig para sa iyo mula sa batong pingkian; na nagpakain sa iyo ng manna sa ilang, na hindi nakilala ng iyong mga ama, sa layuning pagpakumbabain ka at sa layuning ilagay ka sa pagsubok upang ikaw ay mapabuti sa iyong wakas.”​—Deu 8:11-16.

Ang Ilang sa Griegong Kasulatan. Dito, ang terminong Griego na eʹre·mos ay karaniwang katumbas ng Hebreong midh·barʹ. (Luc 15:4) Inilalarawan nito ang ilang na kapaligiran kung saan nangaral si Juan na Tagapagbautismo (Mat 3:1) at ang mga liblib na dako na doon itinaboy ang isang lalaking inaalihan ng demonyo. (Luc 8:27-29) Pagkatapos na mabautismuhan si Jesus, siya ay nag-ayuno at tinukso ni Satanas sa isang pook na ilang. (Mat 4:1; ihambing ang Lev 16:20-22.) Noong panahon ng kaniyang ministeryo, kung minsan ay bumubukod si Jesus patungo sa ilang upang manalangin. (Luc 5:16) Gayunman, tiniyak niya sa kaniyang mga alagad na ang kaniyang pagkanaririto taglay ang makaharing kapangyarihan ay hindi sa isang liblib na ilang lamang kundi mahahayag ito sa lahat ng dako. (Mat 24:26) Mayroon pa ring partikular na mga panganib sa ilang noong panahong naglalakbay ang apostol na si Pablo bilang misyonero.​—2Co 11:26; ihambing ang Gaw 21:38.

Makasagisag na mga Paggamit. Ang mga pook na ilang sa dakong S at TS ng Palestina ay pinagmumulan din ng malalakas at maiinit na hangin na ngayon ay tinatawag na mga sirocco, mula sa salitang Arabe (sharquiyyeh) para sa “hanging silangan.” Ang mga hanging ito na humihihip mula sa disyerto ay lubhang nakatitigang, palibhasa’y sinasagap nito ang lahat ng halumigmig sa hangin at kadalasa’y may dala itong alikabok na pino at manilaw-nilaw. (Jer 4:11) Ang mga sirocco ay pangunahin nang dumarating kapag tagsibol at taglagas, at yaong mga humihihip kapag tagsibol ay nakapagdudulot ng malaking pinsala sa mga halaman at mga pananim. (Eze 17:10) Yamang ang Efraim ang tribo na kumakatawan sa apostatang hilagang kaharian ng Israel, inihula ni Jehova na bagaman ang Efraim ay “maging mabunga, ang isang hanging silangan . . . ay darating. Mula sa ilang ay aahon ito, at tutuyuin nito ang kaniyang balon at sasairin ang kaniyang bukal. Sasamsamin ng isang iyon ang kabang-yaman ng lahat ng kanais-nais na kagamitan.” Ang mapangwasak na hanging silangang ito mula sa ilang ay sumagisag sa pagsalakay ng Asirya laban sa Israel mula sa S, anupat sasamsaman at dadalhing bihag nito ang mga Israelita.​—Os 13:12-16.

Ang mga pook na ilang mismo, palibhasa’y karaniwan nang kakaunti ang tumatahan at kulang sa pag-aasikaso at paglinang ng mga tao, ay madalas gamitin upang ilarawan ang mapaminsalang mga resulta ng pagsalakay ng kaaway. Dahil sa kawalang-katapatan ng Juda, kikilos ang mga hukbo ng Babilonya upang ang kaniyang ‘mga banal na lunsod ay maging ilang, ang Sion ay maging ganap na ilang, at ang Jerusalem naman ay maging tiwangwang na kaguhuan’ (Isa 64:10), anupat ang kaniyang mga taniman at mga sakahang bukid ay pawang magmimistulang ilang. (Jer 4:26; 9:10-12) Ang kaniyang mga prinsipeng tagapamahala, na dating tulad ng mariringal na sedro sa isang kagubatan, ay ibubuwal. (Jer 22:6, 7; ihambing ang Eze 17:1-4, 12, 13.) Sa kabilang dako, bilang kagantihan sa kanilang pagkapoot at pagsalansang sa pangkahariang kaayusan ng Diyos, gayundin ang mangyayari sa mga kaaway na bansa, gaya ng Babilonya, Ehipto, Edom, at iba pa. Partikular na binanggit na ang Babilonya ay magiging isang “ilang na walang tubig at disyertong kapatagan,” anupat di-tatahanan at malilimutan sa kaniyang pagkatiwangwang.​—Jer 50:12-16; Joe 3:19; Zef 2:9, 10.

Sa kabaligtaran, pagkatapos ng 70-taóng pagkatapon, ang pagsasauli sa Juda ay magiging gaya ng pagpapanibago sa isang pook na ilang tungo sa pagiging hardin na tulad ng Eden, na may mabubungang taniman ng punungkahoy at matatabang bukid na natutubigan ng mga batis at mga ilog, at may matambong mga halaman, madahong mga punungkahoy, at namumukadkad na mga bulaklak, anupat dahil sa lahat ng ito ay mistulang nagsasaya ang lupain.​—Isa 35:1, 2; 51:3.

Mga indibiduwal. Ipinakikita ng katulad na mga pagtukoy sa mga indibiduwal na ang gayong mga hula ay pangunahin nang kumakapit sa espirituwal na paraan sa halip na literal. Sa gayon, ang isa na nagtitiwala sa mga tao sa halip na kay Jehova ay inihahalintulad sa punong nag-iisa sa disyertong kapatagan, na walang pag-asang makakita ng mabuti. Ngunit ang isa na nagtitiwala kay Jehova ay tulad ng “punungkahoy na nakatanim sa tabi ng tubig,” anupat mabunga, mayabong, at matiwasay. (Jer 17:5-8) Ang mga pagkakaibang ito ay tumutulong din upang mabuo sa ating isip ang larawan ng isang pook na ilang.

“Ilang ng dagat.” Inuunawa ng ilang komentarista na ang “ilang [midh·barʹ] ng dagat” sa Isaias 21:1 ay pananalita na tumutukoy sa timugang bahagi ng sinaunang Babilonia. Taun-taon, kapag umaapaw ang mga ilog ng Eufrates at ng Tigris sa kanilang mga pampang, ang rehiyong ito ay nagmimistulang ‘dagat sa ilang.’

Sa Apocalipsis. Sa aklat ng Apocalipsis, ang ilang ay ginagamit sa dalawang diwa: upang kumatawan sa pag-iisa at kanlungan mula sa mga mananalakay may kaugnayan sa makasagisag na babae na nagsilang sa maharlikang batang lalaki (Apo 12:6, 14), at upang kumatawan sa tahanan ng mababangis na hayop may kaugnayan sa makasagisag na babae, ang “Babilonyang Dakila,” na nakasakay sa mabangis na hayop na may pitong ulo.​—Apo 17:3-6, 12-14.