Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ilog

Ilog

Ang terminong Hebreo na na·harʹ ay tumutukoy sa isang ilog, samakatuwid nga, isang malaking katubigan na halos patuluyang umaagos sa isang likas na tsanel. Kabaligtaran nito, ang isang wadi, o agusang libis (sa Heb., naʹchal), ay kadalasang tuyo ngunit kung minsan ay dinadaluyan ng napakalakas na agos ng tubig. Kabilang sa pangunahing mga ilog na binanggit sa Bibliya ay ang Hidekel (Tigris), Eufrates, Jordan, Abana, at Parpar. (Gen 2:14; 2Ha 5:10, 12) Ang Nilo, bagaman hindi tinutukoy sa pangalang iyon, ay tinatawag na yeʼorʹ (kung minsan ay yeʼohrʹ), na ipinapalagay na nangangahulugan din na isang batis o kanal (Isa 33:21) o isang daanan o lagusan na punô ng tubig. (Job 28:10) Nililinaw ng konteksto kung kailan tumutukoy sa Nilo ang mga terminong yeʼorʹyeʼohrʹ; kaya naman lumilitaw ang pangalang Nilo sa mga salin ng Bibliya.​—Gen 41:17, 18.

Maaaring ang “ilog ng Ehipto” (Gen 15:18) ay ang “agusang libis ng Ehipto” rin.​—Bil 34:5; tingnan ang SIHOR.

Kadalasan, ang Eufrates ay basta tinatawag na “Ilog.” (Jos 24:2, 3; Ezr 8:36; Isa 7:20; 27:12; Mik 7:12) Yamang ito ang pinakamahaba at pinakamahalagang ilog sa TK Asia, para sa mga Hebreo, ang Eufrates ay ang “malaking ilog.” (Gen 15:18) Kaya hindi lumilikha ng kalituhan ang pagtukoy rito bilang ang “Ilog.”

Sa tulong ni Jehova, napalawak ni Haring David ang mga hangganan ng Lupang Pangako hanggang sa Eufrates. (1Cr 18:3-8) Ganito ang sinabi may kinalaman sa kaniyang anak na si Solomon: “Magkakaroon siya ng mga sakop sa dagat at dagat at mula sa Ilog [Eufrates] hanggang sa mga dulo ng lupa.” (Aw 72:8) Sa hula ni Zacarias, ang mga salitang ito ay inuulit at tumutukoy sa pambuong-daigdig na pamamahala ng Mesiyas sa hinaharap.​—Zac 9:9, 10; ihambing ang Dan 2:44; Mat 21:4, 5.

Ang unang ilog na binanggit sa Bibliya ay yaong ilog na maliwanag na nagmula sa Eden at dumilig sa hardin na inilaan ni Jehova bilang tahanan nina Adan at Eva. Ang ilog na ito ay nagsanga-sanga at naging apat na bukal, na naging mga ilog naman, ang Pison, ang Gihon, ang Hidekel, at ang Eufrates. Ang mga rehiyon (Havila, Cus, at Asirya) na tinutukoy may kaugnayan sa apat na ilog na ito ay umiral noong panahon pagkaraan ng Baha. (Gen 2:10-14) Kaya waring ang manunulat ng ulat na ito, si Moises, ay gumamit ng mga terminong pamilyar noong kaniyang mga araw upang ipahiwatig ang lokasyon ng hardin ng Eden. Dahil dito, hindi matiyak kung ang mga bagay na sinasabi tungkol sa mga landas ng Pison, Gihon, at Hidekel ay kumakapit noong panahon pagkaraan ng Baha o noong panahon bago ang Baha. Kung ang paglalarawan ay kaugnay ng panahon bago ang Baha, malamang na ang Baha mismo ang bumago sa mga landas ng mga ilog na ito. Kung nauugnay naman iyon sa panahon pagkaraan ng Baha, maaaring ang ibang likas na mga penomeno, gaya ng mga lindol, ang bumago sa mga landas ng mga ito, anupat hindi na matukoy ang ilan.

Makasagisag na Paggamit. Ang mga ilog ay nagsilbing harang sa pagsalakay ng mga hukbo ng kaaway at gumanap ng mahalagang papel sa depensa ng ilang lunsod, gaya ng Babilonya. Ngunit ang Jerusalem ay walang ilog na likas na pandepensa. Gayunpaman, ang Diyos na Jehova ay inilarawan bilang ang pinagmumulan ng isang malaking ilog ng proteksiyon para sa lunsod na iyon. Ang mga kaaway na maaaring dumating laban sa Jerusalem tulad ng isang pangkat ng mga barko ng kaaway ay daranas ng kapahamakan.​—Isa 33:21, 22; tingnan ang BARKO.

Ginagamit ang kapaha-pahamak na pag-apaw ng ilog upang kumatawan sa pagsalakay ng mga hukbo ng kaaway.​—Isa 8:7.

Ang tubig ay kailangan upang mabuhay, at si Jehova ay tinutukoy bilang ang Bukal ng tubig na buháy. (Jer 2:13) Ngunit ibinaling ng mga apostatang Israelita ang kanilang pansin sa Ehipto at sa Asirya. Iyan ang dahilan kung bakit sinabi ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Jeremias: “Bakit mo ikababahala ang daan ng Ehipto upang inumin ang tubig ng Sihor? At bakit mo ikababahala ang daan ng Asirya upang inumin ang tubig ng Ilog? . . . Alamin mo nga at tingnan na ang pag-iwan mo kay Jehova na iyong Diyos ay isang bagay na masama at mapait.” (Jer 2:18, 19) Maliwanag na ang tubig na mula sa mga tao at inaasahang mahalaga sa pag-iral ng isa ay tinutukoy rin sa Apocalipsis 8:10 at 16:4.

May kinalaman sa “ilog ng tubig ng buhay” (Apo 22:1), tingnan ang BUHAY (Ang Ilog ng Tubig ng Buhay).