Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Impiyerno

Impiyerno

Isang salita na ginamit sa King James Version (gayundin sa Katolikong Douay Version at sa karamihan ng mas matatandang salin) upang isalin ang Hebreong sheʼohlʹ at ang Griegong haiʹdes. Sa King James Version, ang salitang “impiyerno” ay isinalin mula sa salitang sheʼohlʹ nang 31 ulit at mula sa salitang haiʹdes nang 10 ulit. Gayunman, hindi pare-pareho ang pagkakasalin sa bersiyong ito, yamang ang sheʼohlʹ ay 31 ulit din nitong isinalin bilang “libingan” at 3 ulit naman bilang “hukay.” Sa Douay Version, ang sheʼohlʹ ay isinalin bilang “impiyerno” nang 64 na ulit, bilang “hukay” nang isang ulit, at bilang “kamatayan” nang isang ulit.

Noong 1885, nang ilathala ang kumpletong English Revised Version, ang orihinal na salitang sheʼohlʹ ay tinumbasan ng transliterasyon sa maraming talata ng tekstong Ingles ng Hebreong Kasulatan, bagaman sa karamihan ng mga paglitaw niyaon ay “libingan” at “hukay” ang ginamit at masusumpungan din ang salitang “impiyerno” nang mga 14 na ulit. Sa puntong ito’y hindi sumang-ayon ang komiteng Amerikano sa mga Britanong rebisador. Kaya naman, nang gawin nila ang American Standard Version (1901), tinumbasan nila ng transliterasyon ang sheʼohlʹ sa lahat ng 65 paglitaw niyaon. Ang mga bersiyong ito ay kapuwa gumamit ng transliterasyon para sa haiʹdes sa lahat ng sampung paglitaw niyaon sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, bagaman ang salitang Griego na Geʹen·na (sa Ingles, “Gehenna”) ay isinalin nila bilang “impiyerno” sa lahat ng paglitaw niyaon, gaya rin ng ginawa ng maraming iba pang makabagong salin.

Tungkol sa paggamit na ito ng salitang “impiyerno” bilang salin ng orihinal na mga salitang Hebreo at Griego, ganito ang sabi ng Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words (1981, Tomo 2, p. 187): “HADES . . . Katumbas ito ng ‘Sheol’ sa M.T. [Matandang Tipan]. Sa A.V. ng M.T. [Matandang Tipan] at B.T. [Bagong Tipan], nakalulungkot na isinalin ito bilang ‘Impiyerno.’⁠”

Ganito ang sabi ng Collier’s Encyclopedia (1986, Tomo 12, p. 28) may kinalaman sa “Hell”: “Noong una’y kumakatawan ito sa Hebreong Sheol ng Matandang Tipan at sa Griegong Hades ng Septuagint at ng Bagong Tipan. Yamang ang Sheol noong panahon ng Matandang Tipan ay tumutukoy lamang sa himlayan ng mga patay anuman ang naging moralidad nila, ang salitang ‘impiyerno,’ ayon sa pagkaunawa ngayon, ay hindi isang angkop na salin.”

Sa totoo, ang kasalukuyang pagkaunawa sa salitang “impiyerno” ang dahilan kung bakit maituturing itong di-katanggap-tanggap na salin ng orihinal na mga salitang iyon ng Bibliya. Sinasabi ng Webster’s Third New International Dictionary (unabridged), sa ilalim ng salitang “Hell”: “fr[om] . . . helan to conceal [sa Tagalog, ikubli].” Samakatuwid, ang salitang “impiyerno” noong una ay hindi nagtatawid ng ideya ng init o pagpapahirap kundi ng ideya lamang ng isang ‘dakong natatakpan o nakakubli.’

Ang kahulugang ibinibigay ngayon sa salitang “impiyerno” ay yaong inilarawan sa Divine Comedy ni Dante at Paradise Lost ni Milton, na ibang-iba sa orihinal na katuturan ng salita. Ngunit bago pa man nabuhay si Dante o si Milton, mayroon nang mga naniniwala na ang “impiyerno” ay dako ng maapoy na pagpapahirap. Ganito ang sabi ng Grolier Universal Encyclopedia (1971, Tomo 9, p. 205) sa ilalim ng paksang “Hell”: “Itinuturing ng mga Hindu at ng mga Budista ang impiyerno bilang isang dako ng espirituwal na paglilinis at pangwakas na pagsasauli. Minamalas naman ito sa tradisyong Islamiko bilang isang dako ng walang-hanggang pagpaparusa.” Ang ideya ng pagdurusa pagkatapos ng kamatayan ay masusumpungan sa paganong mga relihiyosong turo ng sinaunang mga tao sa Babilonya at Ehipto. Inilalarawan ng mga paniniwalang Babilonyo at Asiryano ang “daigdig sa ilalim ng lupa . . . bilang isang dako na punô ng kahila-hilakbot na mga bagay, . . . anupat pinangangasiwaan ng mga diyos at ng mga demonyo na napakalalakas at napakababangis.” Bagaman hindi itinuturo ng sinaunang mga tekstong relihiyoso ng Ehipto na magpapatuloy magpakailanman ang pagsunog sa indibiduwal na mga biktima, inilalarawan naman nila na sa “Kabilang Daigdig” ay may “mga hukay ng apoy” para sa “mga hinatulan.”​—The Religion of Babylonia and Assyria, ni Morris Jastrow, Jr., 1898, p. 581; The Book of the Dead, na may pambungad ni E. Wallis Budge, 1960, p. 135, 144, 149, 151, 153, 161, 200.

Maraming siglo nang itinuturo ng Sangkakristiyanuhan ang “apoy ng impiyerno.” Kaya naman mauunawaan kung bakit sinabi ng The Encyclopedia Americana (1956, Tomo XIV, p. 81) ang ganito: “Nagkaroon ng malaking kalituhan at maling pagkaunawa dahil laging isinasalin ng mas naunang mga tagapagsalin ng Bibliya ang Hebreong Sheol at ang Griegong Hades at Gehenna sa pamamagitan ng salitang impiyerno. Ang simpleng pagtutumbas ng transliterasyon sa mga salitang ito gaya ng ginawa ng mga tagapagsalin ng nirebisang mga edisyon ng Bibliya ay hindi naging sapat upang lubos na mabigyang-linaw ang kalituhan at maling pagkaintinding iyon.” Gayunpaman, dahil sa gayong transliterasyon at pare-parehong pagkakasalin, maaaring paghambingin ng mga estudyante ng Bibliya ang mga teksto kung saan lumilitaw ang orihinal na mga salitang ito at sa gayon, taglay ang bukás na isip, mararating nila ang tamang unawa sa tunay na kahulugan ng mga ito.​—Tingnan ang GEHENNA; HADES; LIBINGAN; SHEOL; TARTARO.