Insekto, Mga
Kapag nasa hustong gulang na, ang walang-gulugod na mga nilalang na ito ay makikilala dahil sa katawang may tatlong bahagi: ang ulo, dibdib, at tiyan. Mayroon silang anim na paa, isang pares ng sungot, at karaniwan nang may dalawa o apat na pakpak.
Sinasabi ng matingkad na pananalita ng Bibliya na ang mga insekto ay “lumalakad na may apat na paa.” Maliwanag na alam ni Moises na anim ang paa ng mga insekto. Kaya walang alinlangang tinutukoy niya ang paraan ng paglalakad nila sa halip na ang bilang ng kanilang mga paa. Inilalakad ng ilang may-pakpak na insekto, gaya ng bubuyog, langaw, at putakti, ang kanilang anim na paa sa paraang gaya ng mga hayop na may apat na paa. Ang ibang mga insekto naman, gaya ng mga balang, ay may dalawang panluksong binti, kung kaya literal nilang ginagamit ang natitirang apat na paa sa paggapang.—Lev 11:20-23.
Pagkasari-sari ng mahigit na 800,000 kilaláng uri ng mga insekto! Bagaman madidilim ang kulay ng ilan, ang iba’y nagagayakan ng matitingkad na kulay at magagandang disenyo. Makikita sa kanila ang lahat ng kulay ng bahaghari. Nagkakaiba-iba ang laki ng mga insekto, mula sa napakaliit na mga uwang na makapapasok sa butas ng karayom hanggang sa kakatwang mga “walking stick” na may habang mahigit sa 30 sentimetro (1 piye). Sa gitna ng mga insekto, makikita ang organisadong mga komunidad, mga tagapagtayo, mga agrikulturista, mga manggagawa, mga lumilipad nang malayuan, mga bihasang manlulukso, mga manlalangoy, at mga humuhukay ng lungga. Sa pamamagitan ng pag-aaral at pagmamasid, maraming matututuhan ang mga tao mula sa mga insekto. Ang pinakamahalaga ay na nilalang sila ng Diyos, anupat may likas na karunungang hindi nagkataon lamang, kundi ipinagkaloob ng Bukal ng lahat ng karunungan, si Jehova.—Job 12:7-9.
Bagaman kadalasa’y itinuturing ng marami ang mga insekto bilang mga pesteng naninira ng pananim at pag-aari ng tao at nagkakalat ng sakit, sa totoo, napakaliit na porsiyento lamang ng mga insekto ang maituturing na mapaminsala sa ngayon. Ang karamihan ay alinman sa neutral, tuwiran, o di-tuwirang kapaki-pakinabang sa tao.
Mahalaga ang kaugnayan ng mga insekto sa mga halaman. Tinataya na 85 porsiyento ng mga halamang namumulaklak ay lubusan o bahagyang dumedepende sa polinasyon ng insekto. Gumaganap din ng kapaki-pakinabang na papel ang mga insekto sa paglinang at paglilinis ng lupa. Ang mga pantina at shellac ay galing sa mga scale insect. Sa loob ng maraming siglo, ang mga insekto, gaya ng mga balang, ay kinakain sa Gitnang Silangan. Kung walang mga insekto, wala ring pulot-pukyutan at seda.
Talagang mahalaga ang papel ng mga insekto may kaugnayan sa iba pang mga nilalang sa lupa. Ganito ang komento ni Carl D. Duncan, propesor ng entomolohiya at botanika: “Hindi kalabisang sabihin na itinatalaga ng mga insekto ang karakter ng daigdig ng tao nang higit kaysa sa ginagawa ng tao, at na kung sila’y biglang maglalaho nang lubusan, ang daigdig ay magbabago nang husto anupat talagang kaduda-duda kung kayang panatilihin ng tao ang anumang uri ng organisadong lipunan.”—Annual Report of the Smithsonian Institution, 1947, p. 346.