Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ipa

Ipa

Ang manipis na balot o balat ng mga binutil na gaya ng sebada at trigo. Bagaman makasagisag ang mga pagtukoy ng Bibliya sa ipa, masasalamin sa mga pagtukoy na ito ang mga kaugalian sa paggigiik na karaniwan noong sinaunang panahon. Pagkatapos ng pag-aani, wala nang silbi ang di-nakakaing balat na ito ng mahahalagang butil, kaya naman angkop itong maging sagisag ng isang bagay na magaan, walang halaga, at di-kanais-nais, anupat dapat ihiwalay sa bahaging mabuti at saka itapon.

Sa pamamagitan ng paggigiik, humihiwalay ang ipa sa butil. Pagkatapos, sa pagtatahip, ang magaan na ipa ay tinatangay ng hangin gaya ng alabok. (Tingnan ang PAGTATAHIP.) Inilalarawan nito kung paano inaalis ng Diyos na Jehova ang mga apostata mula sa kaniyang bayan at kung paano rin niya nililipol ang mga taong balakyot at mga bansang sumasalansang. (Job 21:18; Aw 1:4; 35:5; Isa 17:13; 29:5; 41:15; Os 13:3) Dudurugin ng Kaharian ng Diyos ang mga kaaway nito anupat gaya ng ipa ay madali silang tatangayin ng hangin.​—Dan 2:35.

Kadalasan, ang walang-silbing ipa ay tinitipon at sinusunog upang huwag na itong tangayin ng hangin at mapahalong muli sa mga bunton ng butil. Sa katulad na paraan, inihula ni Juan na Tagapagbautismo ang dumarating at nagliliyab na pagkapuksa ng balakyot at bulaang mga relihiyonista kung saan titipunin ng Manggigiik na si Jesu-Kristo ang trigo, “ngunit ang ipa ay kaniyang susunugin sa apoy na hindi mapapatay.”​—Mat 3:7-12; Luc 3:17; tingnan ang PAGGIGIIK.