Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Is-boset

Is-boset

[nangangahulugang “Lalaking Kahiya-hiya”].

Maliwanag na ang bunso sa mga anak ni Saul, na kahalili niya sa trono. Mula sa mga talaan ng angkan, lumilitaw na siya ay may pangalan ding Esbaal, nangangahulugang “Lalaki ni Baal.” (1Cr 8:33; 9:39) Gayunman, sa ibang dako, gaya sa Ikalawang Samuel, ay tinatawag siyang Is-boset, isang pangalan kung saan ang “baal” ay hinalinhan ng “boset.” (2Sa 2:10) Ang salitang Hebreong ito na boʹsheth ay masusumpungan sa Jeremias 3:24 at isinaling “kahiya-hiyang bagay.” (AS, AT, JP, NW, Ro, RS) Sa dalawa pang paglitaw, ang baʹʽal at boʹsheth ay masusumpungang pinagtutulad at magkasunod, na doon ay ipinaliliwanag at ipinakikilala ng isa ang ikalawa. (Jer 11:13; Os 9:10) May iba pa ring mga halimbawa kung saan ang mga indibiduwal ay mayroon ding “boset” o isang anyo nito na inihalili sa “baal” sa kanilang mga pangalan, gaya halimbawa ng “Jerubeset” para sa “Jerubaal” (2Sa 11:21; Huk 6:32) at “Mepiboset” para sa “Merib-baal,” anupat itong huli ay isang pamangkin ni Is-boset.​—2Sa 4:4; 1Cr 8:34; 9:40.

Hindi alam ang dahilan kung bakit may ganitong doblihang mga pangalan o mga paghahalili. Sinisikap na ipaliwanag ng isang teoriyang iniharap ng ilang iskolar na ang dalawahang pangalan ay isang pagbabagong ginawa nang ang pangngalang pambalana na “baal” (may-ari; panginoon) ay higit na tumukoy tangi lamang sa kasuklam-suklam na diyos ng pag-aanak ng Canaan, si Baal. Gayunman, sa aklat ding iyon ng Bibliya na Ikalawang Samuel, kung saan lumilitaw ang ulat tungkol kay Is-boset, iniuulat na pinanganlan ni Haring David mismo ang isang dako ng pagbabaka na Baal-perazim (nangangahulugang “May-ari ng mga Paglansag”), bilang parangal sa Panginoong Jehova, sapagkat gaya ng sinabi niya: “Nilansag ni Jehova ang aking mga kaaway.” (2Sa 5:20) Ang isa pang pangmalas ay na ang pangalang Is-boset ay maaaring makahula hinggil sa kahiya-hiyang kamatayan ng indibiduwal na iyon at sa kapaha-pahamak na pagwawakas ng dinastiya ni Saul.

Pagkamatay ni Saul at ng iba pa nitong mga anak sa larangan ng pakikipagbaka sa Gilboa, si Is-boset ay dinala ni Abner, isang kamag-anak ni Saul at pinuno ng mga hukbo nito, sa ibayo ng Jordan patungong Mahanaim, kung saan itinalaga niya ito bilang hari sa lahat ng tribo maliban sa Juda, na kumikilala kay David bilang hari. Noong panahong iyon ay 40 taóng gulang si Is-boset, at sinasabing siya ay naghari sa loob ng dalawang taon. Yamang hindi sinasabi ng Bibliya kung saan eksaktong tumatapat ang dalawang-taóng paghaharing ito sa pito-at-kalahating-taóng yugto noong namamahala si David bilang hari sa Hebron, walang paraan upang malutas ang mga pagkakaiba ng opinyon na pinanghahawakan ng mga iskolar tungkol sa puntong ito. Gayunman, waring higit ngang makatuwirang isipin na si Is-boset ay ginawang hari di-kalaunan pagkamatay ng kaniyang ama (sa halip na pagkaraan ng limang taon), na sa kasong ito ay magkakaroon sana ng agwat na mga limang taon sa pagitan ng pagpaslang sa kaniya at ng pagtatalaga kay David bilang hari sa buong Israel.​—2Sa 2:8-11; 4:7; 5:4, 5.

Ang maikling pamamahala ni Is-boset ay kinakitaan ng kapuwa panloob at panlabas na mga kaguluhan. Ang digmaan sa pagitan ng kaniyang sambahayan at niyaong kay David “ay lubhang tumagal”; namatayan siya ng 360 tauhan at 20 naman kay David sa isang sagupaan. (2Sa 2:12-31; 3:1) Kasabay nito, ang kaniyang kamag-anak na si Abner ay patuloy na nagpalakas ng sarili nito sa kalugihan ni Is-boset, hanggang sa punto pa nga na sinipingan nito ang isa sa mga babae ni Saul, na ayon sa kaugalian sa Silangan ay katumbas ng pagtataksil. Nang sawayin ni Is-boset dahil dito, binawi ni Abner ang kaniyang suporta at gumawa ng isang tipan kay David, na ang isang bahagi nito ay nagtatakda na ibabalik ang asawa ni David, si Mical, na kapatid mismo ni Is-boset. (2Sa 3:6-21) Ang pagkamatay ni Abner sa kamay ni Joab ay lalo pang nagpahina ng posisyon ni Is-boset, at di-nagtagal pagkaraan nito ay pinaslang siya ng dalawa sa kaniyang sariling mga kapitan habang nagpapahinga siya sa katanghaliang tapat. (2Sa 3:22-27; 4:1, 2, 5-7) Gayunman, nang dalhin ng mga mamamaslang na ito, na naghahangad ng gantimpala, ang ulo ni Is-boset kay David, ipinapatay sila ni David at iniutos na ilibing ang ulo sa libingan ni Abner sa Hebron.​—2Sa 4:8-12.

Sa gayon ang dinastiya ni Saul, na tatagal sana “hanggang sa panahong walang takda,” ay sumapit sa isang biglaan at kahiya-hiyang wakas, hindi dahil sa mga kasalanan ni Is-boset, kundi sa halip, dahil sa mga kasalanan ng kaniyang ama. (1Sa 13:13; 15:26-29) Totoo naman na si Is-boset ay isang mahinang tagapamahala, isa na nagtamo at humawak ng trono pangunahin na dahil sa lakas ni Abner. Gayunpaman, tinukoy siya ni David bilang “isang lalaking matuwid.”​—2Sa 4:11.