Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isaac

Isaac

[Pagtawa].

Ang kaisa-isang anak ni Abraham sa kaniyang asawang si Sara. Samakatuwid, isang mahalagang kawing sa linya ng angkan na umaakay tungo kay Kristo. (1Cr 1:28, 34; Mat 1:1, 2; Luc 3:34) Si Isaac ay inawat sa suso noong siya’y mga limang taóng gulang, tinangkang ihandog ni Abraham bilang hain marahil sa edad na 25, nag-asawa sa edad na 40, nagkaanak ng kambal na lalaki sa edad na 60, at namatay sa edad na 180.​—Gen 21:2-8; 22:2; 25:20, 26; 35:28.

Ipinanganak si Isaac sa ilalim ng lubhang di-pangkaraniwang mga kalagayan. Napakatatanda na noon ng kaniyang mga magulang, anupat matagal nang huminto ang pagreregla ng kaniyang ina. (Gen 18:11) Kaya nang sabihin ng Diyos kay Abraham na magsisilang si Sara ng isang anak na lalaki, natawa siya anupat sinabi: “Ang isang lalaki ba na isang daang taóng gulang ay magkakaroon pa ng anak na isisilang, at si Sara ba, oo, ang isang babae ba na siyamnapung taóng gulang ay magsisilang pa?” (Gen 17:17) Natawa rin si Sara nang malaman niya kung ano ang mangyayari. (Tingnan ang PAGTAWA.) Pagkatapos, “sa takdang panahon” nang sumunod na taon, ang bata ay isinilang, anupat pinatunayan na walang bagay na “lubhang pambihira para kay Jehova.” (Gen 18:9-15) Nang magkagayon ay bumulalas si Sara: “Ang Diyos ay naghanda ng katatawanan sa akin,” at sinabi pa, “pagtatawanan ako ng lahat ng makaririnig niyaon.” At gaya nga ng sinabi ni Jehova, ang bata ay angkop na pinanganlang Isaac, nangangahulugang “Pagtawa.”​—Gen 21:1-7; 17:19.

Yamang si Isaac ay kabilang sa sambahayan ni Abraham at tagapagmana ng mga pangako, wasto lamang na tinuli siya noong ikawalong araw.​—Gen 17:9-14, 19; 21:4; Gaw 7:8; Gal 4:28.

Ilang taon si Isaac nang awatin siya sa suso?

Naghanda si Abraham ng isang malaking piging noong araw na awatin si Isaac sa suso. Maliwanag na sa okasyong iyon ay napansin ni Sara si Ismael na “nanunukso” kay Isaac na nakababatang kapatid nito sa ama. (Gen 21:8, 9) Sa ilang salin (JB, Mo, RS) ay sinasabing “nakikipaglaro” lamang si Ismael kay Isaac, samakatuwid nga, sa diwa ng laro ng bata. Gayunman, ang salitang Hebreo na tsa·chaqʹ ay maaari ring magkaroon ng diwa ng pananakit. Kaya naman kapag ang salitang ito ay lumilitaw sa ibang mga teksto (Gen 19:14; 39:14, 17), isinasalin ito sa mga saling iyon bilang “nangangantiyaw” o “nagbibiro” at “mang-insulto.”

Ayon sa ilang Targum, gayundin sa Syriac na Peshitta, ang pananalita ni Ismael sa Genesis 21:9 ay may diwa ng “pang-aalipusta.” Sinasabi ng Commentary ni Cook tungkol sa tsa·chaqʹ: “Ito’y malamang na nangangahulugan sa bahaging ito, gaya ng karaniwang pagkaunawa rito, na ‘mapanlibak na pagtatawa.’ Kung paanong tumawa si Abraham dahil sa kagalakan may kaugnayan kay Isaac, at tumawa si Sara dahil hindi siya makapaniwala sa narinig niya, si Ismael naman ngayon ay tumawa bilang pang-aalipusta, at malamang na taglay ang saloobin ng pang-uusig at paniniil.” Hinggil sa bagay na ito, malinaw na ipinakikita ng kinasihang apostol na si Pablo na ang pakikitungo ni Ismael kay Isaac ay pagpighati, pag-uusig, hindi larong pambata. (Gal 4:29) Batay sa pagpupumilit ni Sara sa sumunod na talata (Gen 21:10) na “ang anak ng aliping babaing ito ay hindi magiging tagapagmanang kasama ng aking anak, kasama ni Isaac,” sinasabi ng ilang komentarista na posibleng si Isaac ay inaway at tinuya ni Ismael (14 na taon ang tanda kay Isaac) may kinalaman sa pagiging tagapagmana.

Sinabi na ni Jehova kay Abraham na bilang mga naninirahang dayuhan, ang kaniyang binhi ay pipighatiin sa loob ng 400 taon, na nagwakas nang iligtas ang Israel mula sa Ehipto noong 1513 B.C.E. (Gen 15:13; Gaw 7:6) Kung aatras tayo nang 400 taon mula sa taóng iyon, sasapit tayo sa 1913 B.C.E. bilang ang pasimula ng kapighatiang iyon. Dahil diyan, masasabi rin natin na sa taóng 1913 inawat sa suso si Isaac, yamang kung petsa ang pag-uusapan, ang dalawang pangyayari, ang pag-awat sa kaniya sa suso at ang pagmamalupit sa kaniya ni Ismael, ay lubhang magkaugnay sa ulat na iyon. Nangangahulugan ito na si Isaac ay mga limang taóng gulang nang awatin sa suso, anupat isinilang noong 1918 B.C.E. Samantala, ang kaniyang kapanganakan ang nagsilbing pasimula ng 450 taon na binanggit sa Gawa 13:17-20, isang yugto ng panahon na nagwakas noong mga 1467 B.C.E. nang matapos ang kampanya ni Josue sa Canaan at maipamahagi ang lupain sa iba’t ibang tribo.

Sa ngayon na napakaraming babae sa Kanluraning daigdig ang ayaw magpasuso sa kanilang mga sanggol, o nagpapasuso sa mga ito sa loob lamang ng anim hanggang siyam na buwan, ang limang taon ay waring napakatagal. Ngunit iniulat ni Dr. D. B. Jelliffe na sa maraming lugar sa daigdig, ang mga bata ay hindi inaawat sa suso hangga’t wala pa silang isa at kalahati hanggang dalawang taóng gulang, at sa Arabia ay kaugalian nang pasusuhin ng ina ang kaniyang anak sa loob ng 13 hanggang 32 buwan. Sa medikal na pangmalas, ang pagpapasuso, o pagkakaroon ng gatas sa suso, ay kadalasan nang maipagpapatuloy hanggang sa umabot na nang ilang buwan ang kasunod na pagdadalang-tao.​—Infant Nutrition in the Subtropics and Tropics, Geneva, 1968, p. 38.

Noong Edad Medya sa Europa, ang katamtamang edad ng pag-awat sa suso ay dalawang taon, at noong panahon ng mga Macabeo (una at ikalawang siglo B.C.E.), pinasususo ng mga babae ang kanilang mga anak na lalaki sa loob ng tatlong taon. (2 Macabeo 7:27) Apat na libong taon ang nakalilipas, noong hindi pa mabilis ang takbo ng buhay ng mga tao, at wala pa ang makabagong-panahong panggigipit o pangangailangan na pagkasyahin ang napakaraming gawain sa loob ng umikling haba ng buhay, madaling maunawaan kung paano nagawa ni Sara na pasusuhin si Isaac sa loob ng limang taon. Isa pa, siya ang kaisa-isang anak ni Sara pagkatapos ng maraming taon ng pagkabaog.

Handang Maihain. Matapos awatin si Isaac sa suso, wala nang sinabi pa tungkol sa kaniyang pagkabata. Muli siyang nabanggit sa ulat nang sabihin ng Diyos sa kaniyang amang si Abraham: “Pakisuyo, kunin mo ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak na pinakaiibig mo, si Isaac, at maglakbay ka patungo sa lupain ng Moria at doon ay ihandog mo siya bilang handog na sinusunog.” (Gen 22:1, 2) Pagkatapos ng tatlong-araw na paglalakbay, nakarating sila sa dako na pinili ng Diyos. Dala ni Isaac ang kahoy; dala naman ng kaniyang ama ang apoy at ang kutsilyong pangkatay. “Ngunit nasaan ang tupa bilang handog na sinusunog?” ang tanong ni Isaac. Ang sagot sa kaniya: “Ang Diyos ang maglalaan sa kaniyang sarili ng tupa.”​—Gen 22:3-8, 14.

Pagdating sa dakong tinukoy, nagtayo sila ng isang altar at inayos ang kahoy. Pagkatapos ay tinalian si Isaac sa kamay at paa at inilagay sa ibabaw ng kahoy. Nang itaas ni Abraham ang kutsilyo, pinigilan ng anghel ni Jehova ang kaniyang kamay. Hindi nagkamali si Abraham sa kaniyang pananampalataya; naglaan si Jehova ng isang barakong tupa, na nasabit sa palumpungan sa bundok at siyang maihahandog bilang handog na sinusunog kahalili ni Isaac. (Gen 22:9-14) Sa gayon, si Abraham, palibhasa’y iniisip niya “na magagawa ng Diyos na ibangon siya kahit mula sa mga patay,” ay tumanggap kay Isaac mula sa mga patay “sa makatalinghagang paraan.”​—Heb 11:17-19.

Pinatunayan ng madulang pangyayaring ito hindi lamang ang pananampalataya at pagkamasunurin ni Abraham kundi pati rin yaong sa kaniyang anak na si Isaac. Ayon sa tradisyong Judio, na iniulat ni Josephus, si Isaac ay 25 taóng gulang nang panahong iyon. Anuman ang kalagayan, mayroon na siyang sapat na gulang at lakas upang makapagpasan ng maraming kahoy paakyat ng bundok. Kaya maaari sana siyang manlabán sa kaniyang 125-taóng-gulang na ama nang tatalian na siya nito kung nais niyang maghimagsik laban sa mga utos ni Jehova. (Jewish Antiquities, I, 227 [xiii, 2]) Sa halip, nagpasakop si Isaac at hinayaan ang kaniyang ama na ipagpatuloy na ihandog siya bilang hain kasuwato ng kalooban ng Diyos. Dahil sa pagtatanghal ni Abraham ng kaniyang pananampalataya, inulit at pinalawak ni Jehova ang kaniyang tipan kay Abraham, na isinalin naman ng Diyos kay Isaac pagkamatay ng ama ni Isaac.​—Gen 22:15-18; 26:1-5; Ro 9:7; San 2:21.

Higit na mahalaga, isang dakilang makahulang larawan ang isinadula roon, anupat ipinakita kung paanong sa takdang panahon ay kusang-loob na iaalay ni Kristo Jesus, na Lalong Dakilang Isaac, ang kaniyang buhay-tao bilang ang Kordero ng Diyos para sa kaligtasan ng sangkatauhan.​—Ju 1:29, 36; 3:16.

Pag-aasawa at Pamilya. Pagkamatay ng ina ni Isaac, naisip ng kaniyang ama na panahon na para mag-asawa ang kaniyang anak. Gayunman, determinado si Abraham na huwag makapag-asawa si Isaac ng isang paganong Canaanita. Kaya, sa ilalim ng patriyarkal na kaayusan, isinugo ni Abraham sa mga kamag-anak niya sa Mesopotamia ang kaniyang pinagkakatiwalaang lingkod sa sambahayan upang pumili ng isang babae na lahing Semitiko na sumasamba rin sa Diyos ni Abraham na si Jehova.​—Gen 24:1-9.

Ang atas ay talagang magtatagumpay, sapagkat sa pasimula pa lamang ay lubusan nang ipinaubaya sa mga kamay ni Jehova ang pagpili. Ayon sa kinalabasan, ang pinsan ni Isaac na si Rebeka ang pinili ng Diyos, at kusang-loob naman nitong iniwan ang kaniyang mga kamag-anak at pamilya upang sumama sa pulutong pabalik sa lupain ng Negeb kung saan nakatira si Isaac. Inilahad ng ulat ang pagkikita ng dalawa sa unang pagkakataon at saka sinabi: “Pagkatapos ay dinala siya ni Isaac sa tolda ni Sara na kaniyang ina. Sa gayon ay kinuha niya si Rebeka at ito ay naging kaniyang asawa; at inibig niya ito, at si Isaac ay nakasumpong ng kaaliwan matapos na mawala ang kaniyang ina.” (Gen 24:10-67) Yamang ang edad noon ni Isaac ay 40, naganap ang kasal noong 1878 B.C.E.​—Gen 25:20.

Batay sa kasaysayan ni Isaac, makikita natin na nanatiling baog si Rebeka sa loob ng 20 taon. Nagbigay ito kay Isaac ng pagkakataon na ipakita kung siya, tulad ng kaniyang ama, ay nananampalataya sa pangako ni Jehova na pagpapalain ang lahat ng pamilya sa lupa sa pamamagitan ng isang binhi na di-pa-naisisilang, at talagang ipinakita niya ito sa pamamagitan ng patuloy na pamamanhik kay Jehova na bigyan siya ng anak. (Gen 25:19-21) Gaya ng nangyari sa kaniya noon, muling natanghal na ang binhing ipinangako ay darating, hindi sa pamamagitan ng likas na takbo ng mga pangyayari, kundi tanging sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Jehova. (Jos 24:3, 4) Sa wakas, noong 1858 B.C.E., sa edad na 60, binigyan si Isaac ng dobleng pagpapala nang magkaanak siya ng kambal, sina Esau at Jacob.​—Gen 25:22-26.

Dahil sa isang taggutom, inilipat ni Isaac ang kaniyang pamilya sa Gerar na nasa teritoryong Filisteo, anupat sinabihan siya ng Diyos na huwag bumaba sa Ehipto. Noong pagkakataong iyon ay pinagtibay ni Jehova ang kaniyang layunin na tuparin ang Abrahamikong pangako sa pamamagitan ni Isaac at inulit ang mga kundisyon nito: “Pararamihin ko ang iyong binhi tulad ng mga bituin sa langit at ibibigay ko sa iyong binhi ang lahat ng lupaing ito; at sa pamamagitan ng iyong binhi ay tiyak na pagpapalain ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili.”​—Gen 26:1-6; Aw 105:8, 9.

Sa lupaing Filisteong ito na di-gaanong palakaibigan, si Isaac, tulad ng kaniyang amang si Abraham, ay gumamit ng estratehiya sa pagsasabing ang kaniyang asawa ay kapatid niya. Nang maglaon, ang pagpapala ni Jehova kay Isaac ay kinainggitan ng mga Filisteo, anupat kinailangan niyang lumipat, una ay sa agusang libis ng Gerar, at pagkatapos ay sa Beer-sheba, sa dulo ng tigang na rehiyon ng Negeb. Habang naroroon, ang dating napopoot na mga Filisteo ay humiling kay Isaac ng “isang sumpaang pananagutan,” o kasunduang pangkapayapaan, sapagkat gaya ng kinilala nila, “Ikaw ngayon ang pinagpala ni Jehova.” Sa dakong ito nakahukay ng tubig ang kaniyang mga tauhan at tinawag ito ni Isaac na Siba. “Iyan ang dahilan kung bakit ang pangalan ng lunsod ay Beer-sheba [nangangahulugang “Balon ng Sumpa; o, Balon ng Pito”], hanggang sa araw na ito.”​—Gen 26:7-33; tingnan ang BEER-SHEBA.

Sa mula’t sapol ay kinagigiliwan ni Isaac si Esau, sapagkat ito ay isang mangangaso at isang lalaki sa parang, at nangangahulugan ito ng pinangasong pagkain sa bibig ni Isaac. (Gen 25:28) Kaya nang malabung-malabo na ang kaniyang paningin at nadarama niyang hindi na siya magtatagal, naghanda si Isaac na ibigay kay Esau ang pagpapala sa panganay. (Gen 27:1-4) Walang nakaaalam kung batid niya na ipinagbili ni Esau ang pagkapanganay sa kapatid nito na si Jacob at kung nakalimutan na niya ang itinalaga ng Diyos bago ipanganak ang dalawang bata, na “ang nakatatanda ay maglilingkod sa nakababata.” (Gen 25:23, 29-34) Anuman ang kalagayan, naalaala iyon ni Jehova, at pati ni Rebeka, na mabilis na nagsaayos ng mga bagay-bagay upang si Jacob ang tumanggap ng pagpapala. Nang matuklasan ni Isaac ang isinagawang pakana, tumanggi siyang baguhin ang maliwanag na kalooban ni Jehova hinggil sa bagay na iyon. Inihula rin ni Isaac na si Esau at ang kaniyang mga inapo ay mananahanang malayo sa matatabang bukid, mabubuhay sa pamamagitan ng tabak, at sa dakong huli ay babaliin nila ang pamatok ng pagkaalipin kay Jacob mula sa kanilang leeg.​—Gen 27:5-40; Ro 9:10-13; tingnan ang ESAU.

Pagkatapos nito, pinapunta ni Isaac si Jacob sa Padan-aram upang makatiyak na hindi ito mag-aasawa ng isang babaing Canaanita, gaya ng ginawa ng kapatid niyang si Esau na nakapighati sa kaniyang mga magulang. Nang bumalik si Jacob pagkalipas ng maraming taon, si Isaac ay naninirahan na sa Kiriat-arba, samakatuwid ay sa Hebron, sa maburol na lupain. Dito, noong 1738 B.C.E., ang taon bago ginawang punong ministro ng Ehipto ang kaniyang apo na si Jose, ay namatay si Isaac sa edad na 180, “matanda na at puspos ng mga araw.” Inilibing si Isaac sa yungib ng Macpela na pinaglibingan sa kaniyang mga magulang at asawa, na nang dakong huli ay pinaglibingan din sa kaniyang anak na si Jacob.​—Gen 26:34, 35; 27:46; 28:1-5; 35:27-29; 49:29-32.

Kahulugan ng Iba Pang Pagtukoy kay Isaac. Sa buong Bibliya, si Isaac ay napakaraming beses na binabanggit sa pamilyar na pananalitang “Abraham, Isaac at Jacob.” Kung minsan, ang puntong tinutukoy ay hinggil kay Jehova bilang ang Diyos na sinamba at pinaglingkuran ng mga patriyarkang ito. (Exo 3:6, 16; 4:5; Mat 22:32; Gaw 3:13) Sa ibang pagkakataon naman, ang itinatawag-pansin ay ang tipan na pinagtibay ni Jehova sa kanila. (Exo 2:24; Deu 29:13; 2Ha 13:23) Ginamit din ni Jesus ang pananalitang ito sa makatalinghagang paraan. (Mat 8:11) Sa isang pagkakataon, si Isaac, ang ninunong patriyarka, ay binanggit sa isang paralelismong Hebreo kasama ng kaniyang mga inapo, ang bansang Israel.​—Am 7:9, 16.

Si Isaac bilang ang binhi ni Abraham ay lumarawan kay Kristo, na sa pamamagitan niya ay darating ang walang-hanggang mga pagpapala. Gaya ng nasusulat: “Ngayon ang mga pangako ay sinalita kay Abraham at sa kaniyang binhi. Hindi nito sinasabi: ‘At sa mga binhi,’ gaya ng sa marami, kundi gaya ng sa iisa: ‘At sa iyong binhi,’ na si Kristo.” At kung palalawakin ang pagkakapit, si Isaac ay lumarawan din doon sa mga “kay Kristo,” na “talaga ngang binhi ni Abraham, mga tagapagmana ayon sa isang pangako.” (Gal 3:16, 29) Bukod diyan, ang dalawang bata, sina Isaac at Ismael, kasama ang kani-kanilang ina, “ay nagsisilbing isang makasagisag na drama.” Samantalang ang likas na Israel (tulad ni Ismael) “ay talagang ipinanganak ayon sa laman,” yaong mga bumubuo sa espirituwal na Israel “ay mga anak na nauukol sa pangako gaya rin ni Isaac.”​—Gal 4:21-31.

Si Isaac ay kabilang din sa ‘ganito kalaking ulap ng mga saksi na nakapalibot sa atin,’ sapagkat kasama rin siya sa mga ‘naghihintay sa lunsod na may tunay na mga pundasyon, na ang tagapagtayo at maygawa ng lunsod na ito ay ang Diyos.’​—Heb 12:1; 11:9, 10, 13-16, 20.