Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isda

Isda

Nilikha ng Diyos ang mga isda at iba pang mga hayop sa tubig noong ikalimang araw ng paglalang. (Gen 1:20-23) Bagaman ang tao’y pinahintulutan lamang na kumain ng isda pagkatapos ng Baha, mula’t sapol ay dapat siyang magkaroon ng kapamahalaan sa mga nilalang na ito. (Gen 1:28; 9:2, 3) Ngunit sa halip na pamunuan nang wasto ang mga hayop, ang ilang tao ay naging “walang-isip” sa kanilang mga pangangatuwiran at nagpakundangan sa mga nilalang. (Ro 1:20-23) Halimbawa, ang Babilonyong si Ea, isang diyos ng mga katubigan, ay inilalarawan bilang tao na may katawan na bahaging isda. Si Atargatis ng Sirya ay isang diyosang isda. Sa Ehipto, may ilang uri ng isda na itinuring na sagrado at ginawa pa ngang mga momya. Sabihin pa, ipinagbabawal ng kautusan ng Diyos sa Israel ang gayong pagsamba sa isda.​—Deu 4:15-18.

Sa hinaharap, si Jesu-Kristo, “ang Anak ng tao” (Mat 17:22), ay magkakaroon ng kapamahalaan pati sa mga isda. Kaya naman angkop na angkop na sa dalawang pagkakataon ay ipinakita niya ang kaniyang kapangyarihan nang makahimala niyang punuin ng maraming isda ang mga lambat ng kaniyang mga apostol. (Aw 8:4-8; Heb 2:5-9; Luc 5:4-7; Ju 21:6) Noong kailangan silang magbayad ng buwis sa templo, ginamit din ni Jesus ang kaniyang pamumuno nang tagubilinan niya si Pedro: “Pumunta ka sa dagat, maghagis ka ng kawil, at kunin mo ang unang isda na lilitaw at, kapag ibinuka mo ang bibig nito, makasusumpong ka ng isang baryang estater. Kunin mo iyon at ibigay mo sa kanila para sa akin at sa iyo.”​—Mat 17:24-27.

Mga Isda Bilang Pagkain. Ang isda ay pagkaing napakasustansiya at madaling tunawin. Maliwanag na naging mahalagang pagkain ito ng mga Ehipsiyo at gayundin ng mga inaliping Hebreo, sapagkat sa ilang ay ninasa ng haluang pulutong at ng mga anak ni Israel ang isda na kinakain nila noon sa Ehipto. (Bil 11:5) Kaya naman naging matinding dagok sa ekonomiya ng Ehipto nang mamatay ang mga isda sa Nilo dahil pinangyari ni Jehova na maging dugo ang mga tubig ng Ehipto.​—Exo 7:20, 21.

Nang mamirmihan na sila sa Lupang Pangako, patuloy na naging mahalagang pagkain ng mga Israelita ang isda. “Pintuang-daan ng mga Isda” ang tawag sa isa sa mga pintuang-daan ng Jerusalem, na nagpapahiwatig na may pamilihan ng mga isda roon o kalapit niyaon. (2Cr 33:14) Nang maglaon, gaya ng binanggit ni Nehemias, ang mga taga-Tiro ay nagtinda ng isda sa Jerusalem kahit Sabbath.​—Ne 13:16.

Ang isda’y karaniwang iniihaw o kaya’y inaasnan at pinatutuyo. Kadalasa’y kinakain ito kasama ng tinapay. Malamang na pinatuyo at inasnan ang mga isdang ginamit ni Jesus nang makahimala niyang pakainin ang 5,000 lalaki at nang maglao’y 4,000 lalaki, bukod pa sa mga babae at mga bata. (Mat 14:17-21; 15:34-38) Matapos siyang buhaying-muli, kumain si Jesus ng inihaw na isda upang patunayan sa kaniyang mga apostol na hindi espiritu ang nakikita nila, at noong minsa’y naghanda siya ng agahan na tinapay at isdang inihaw sa nagbabagang uling.​—Luc 24:36-43; Ju 21:9-12.

Mga Isda sa Israel. Sagana sa isda ang mga katubigan sa looban ng Palestina, maliban sa Dagat na Patay. Ang ilan sa mga isda na makikita roon ay ang bream, karpa, perch, at ang kakaibang isda na nagpapalaki ng anak sa kaniyang bibig, gaya ng Chromis simonis. Isinusubo ng lalaking Chromis simonis ang mga 200 itlog, at pagkapisa, nananatili ang mga ito sa kaniyang bibig sa loob ng ilang linggo.

May ilang uri ng isda na nabubuhay kahit sa maaalat na bukal malapit sa Dagat na Patay, ngunit agad silang namamatay kapag inilagay sa tubig na nanggaling sa mismong dagat. Sinasabing dahil ito sa malaking porsiyento ng magnesium chloride sa Dagat na Patay. Tinatangay ng malakas na agos ng Jordan, lalo na kapag umaapaw ito, ang maraming isda patungo sa Dagat na Patay, kung saan ang nabiglang mga isda ay nagiging pagkain ng mga ibong maninila o kung saan ang mga patay na isda ay inaanod sa baybayin at kinakain ng mga ibon. Sa kabaligtaran naman, sa pangitain ay nakita ng propetang si Ezekiel na lumalabas mula sa templo ni Jehova ang isang ilog na nagpagaling sa tubig ng Dagat na Patay, anupat dahil dito’y nagkaroon ng maunlad na industriya ng pangingisda.​—Eze 47:1, 8-10.

Malilinis at Maruruming Isda. Bagaman saklaw ng karunungan ni Haring Solomon ang larangan ng kalikasan, pati na ang kaalaman tungkol sa mga isda (1Ha 4:33), ni minsan ay hindi bumanggit ng espesipikong uri ng isda ang Kasulatan. Gayunman, ipinakita ng Kautusan ang pagkakaiba ng malinis at ng maruming mga hayop sa tubig. Tanging ang mga hayop sa tubig na may mga palikpik at kaliskis ang malinis sa seremonyal na paraan bilang pagkain. Hindi kasama rito ang mga nilalang na gaya ng hito, igat, lamprey, pagi, pating, at mga crustacean, dahil ang karamihan sa mga ito’y nabubuhay sa pagkain ng mga dumi at nabubulok na bagay. Kadalasa’y pinamumugaran din sila ng baktiryang nagdudulot ng mga lagnat na tipus at paratyphoid. (Lev 11:9-12) Kaya naman, kailangang ibukod ng mga mangingisdang Israelita ang maiinam na isda mula sa mga di-karapat-dapat kainin, isang puntong itinampok ng ilustrasyon ni Jesus tungkol sa lambat na pangubkob.​—Mat 13:47, 48.

Ang Isdang Lumulon kay Jonas. Bagaman pinatotohanan ng Anak ng Diyos ang ulat tungkol sa paglulon ng “pagkalaki-laking isda” kay Jonas, malimit banggitin ang insidenteng ito para pag-alinlanganan ang rekord ng Kasulatan. (Mat 12:40) Sabihin pa, dapat tandaan na ang sinasabi lamang ng Bibliya ay “itinalaga ni Jehova ang isang malaking isda upang lulunin si Jonas,” at hindi nito binanggit kung anong uri ng isda iyon. (Jon 1:17) Tiyak na may mga nilalang sa dagat na kayang lumulon ng isang tao. Kabilang sa mga ito ang white shark at ang sperm whale.​—Tingnan ang Mammals of the World ni E. P. Walker, nirebisa nina R. Nowak at J. Paradiso, 1983, Tomo II, p. 901; Australian Zoological Handbook, The Fishes of Australia, ni G. P. Whitley, Sydney, 1940, Part 1​—The Sharks, p. 125.

Makasagisag na Paggamit. Sa Kasulatan, kung minsa’y inihahalintulad sa mga isda ang mga tao. Inihambing ng tagapagtipon ang mga tao sa mga isda, sa diwang tulad ng mga isda sa lambat, ang mga tao’y ‘nasisilo sa isang kapaha-pahamak na panahon.’ (Ec 9:12) Inatasan ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga tagasunod bilang mga mangingisda ng mga tao, at inihalintulad niya ang mga taong matuwid sa maiinam na isda at ang mga balakyot naman sa di-karapat-dapat na mga isdang itinatapon.​—Mar 1:17; Mat 13:47-50; tingnan ang PANGANGASO AT PANGINGISDA.