Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ismael

Ismael

[Naririnig (Pinakikinggan) ng Diyos].

1. Anak ni Abraham kay Hagar na Ehipsiyong aliping babae ni Sara; ipinanganak noong 1932 B.C.E., ang kaniyang ama ay 86 na taóng gulang nang panahong iyon.​—Gen 16:1-4, 11-16.

Nang sabihan siya na si Sara ay magkakaroon din ng isang anak na lalaki na siyang pagmumulan ng “mga hari ng mga bayan,” nakiusap si Abraham sa Diyos alang-alang sa kaniyang panganay: “O mabuhay sana si Ismael sa harap mo!” Matapos ipahayag na ang kaniyang magiging anak na si Isaac ang magiging tagapagmana ng tipan, ang tugon ng Diyos ay: “Kung tungkol kay Ismael ay narinig kita. Narito! Pagpapalain ko siya at gagawin ko siyang palaanakin at pararamihin ko siya nang lubhang napakarami. Siya ay tiyak na pagmumulan ng labindalawang pinuno, at gagawin ko siyang isang dakilang bansa.” (Gen 17:16, 18-20) Nang magkagayon ay tinuli si Ismael, sa edad na 13, pati na ang kaniyang ama at ang mga lingkod ng kaniyang ama.​—Gen 17:23-27.

Pagkaraan ng isang taon ay ipinanganak si Isaac; si Ismael noon ay 14 na taóng gulang na. (Gen 16:16; 21:5) Pagkalipas ng limang taon, noong 1913 B.C.E., nang araw na awatin sa suso si Isaac, si Ismael ay nahuling “nanunukso” sa kaniyang nakababatang kapatid sa ama. (Gen 21:8, 9) Hindi ito isang inosenteng laro ng bata sa bahagi ni Ismael. Sa halip, gaya ng ipinahihiwatig ng sumunod na talata sa ulat, maaaring may kasangkot ito na panunuya kay Isaac hinggil sa pagiging tagapagmana. Sinabi ng apostol na si Pablo na ang mga pangyayaring ito ay “isang makasagisag na drama” at ipinakita niya na ang pagmamalupit kay Isaac ng mestisong Ehipsiyo na si Ismael ay pag-uusig. Kaya nga, ito ang pasimula ng inihulang 400-taóng kapighatian ng Israel na nagwakas sa pagkatubos mula sa pagkaalipin sa Ehipto noong 1513 B.C.E.​—Gal 4:22-31; Gen 15:13; Gaw 7:6; tingnan ang ISAAC.

Ang pagpapakita ni Ismael ng panlilibak kay Isaac ay humantong sa pagpapaalis sa kaniya at sa kaniyang ina mula sa sambahayan ni Abraham, ngunit pinabaunan naman sila ng mga panustos para sa kanilang paglalakbay. Si Abraham ay “kumuha ng tinapay at isang pantubig na sisidlang balat at ibinigay iyon kay Hagar, na ipinapatong iyon sa kaniyang balikat, at ang bata, at pagkatapos ay pinaalis siya.” (Gen 21:14) Binigyang-kahulugan ito ng ilan na si Ismael, na noon ay 19 na taóng gulang na, ay ipinasan din sa likod ni Hagar, at ganito nga ang mababasa sa ilang salin. (JB, Mo, LXX ni Bagster) Gayunman, itinuturing ng ilang iskolar na ang pariralang “na ipinapatong iyon sa kaniyang balikat” ay isang karagdagang impormasyon lamang, na isiningit upang ipaliwanag kung paano binuhat ang tinapay at tubig, kaya nga, kung ang pariralang ito ay ipapaloob sa mga panaklong o ihihiwalay sa pamamagitan ng mga kuwit, ang kalituhan ay mawawala. Idiniriin ng mga propesor na sina Keil at Delitzsch na ang pananalitang “at ang bata” ay nakasalig sa pangunahing pandiwa ng pangungusap na “kumuha,” hindi sa pandiwang “ibinigay” o sa salitang “ipinapatong.” Ang pag-uugnay na ito ng “bata” sa “kumuha” ay ginawa sa pamamagitan ng pang-ugnay na “at.” Kaya ang diwa ay ito: Si Abraham ay kumuha ng tinapay at tubig at ibinigay iyon kay Hagar (na ipinapatong iyon sa kaniyang balikat) at kinuha ang bata at ibinigay rin ito sa kaniya.​—Commentary on the Old Testament, 1973, Tomo I, The First Book of Moses, p. 244, 245.

Lumilitaw na naligaw si Hagar sa ilang ng Beer-sheba, kaya nang maubos ang tubig at manlupaypay si Ismael, “inihagis niya ang bata sa ilalim ng isa sa mga palumpong.” (Gen 21:14, 15) Ang pananalitang ‘inihagis ang bata’ ay hindi nangangahulugang si Ismael ay isang sanggol na karga sa mga braso. Ang salitang Hebreo na yeʹledh (bata) ay hindi lamang tumutukoy sa isang sanggol kundi madalas ay ikinakapit sa isang binatilyo o kabataang lalaki. Kaya, nabanggit may kinalaman sa kabataang si Jose (17 taóng gulang nang panahong iyon) na ipinagbili siya sa pagkaalipin sa kabila ng pagtutol ni Ruben, “Huwag kayong magkasala laban sa bata [vai·yeʹledh].” May binanggit din si Lamec tungkol sa “isang kabataang lalaki [yeʹledh]” na sumugat sa kaniya.​—Gen 42:22; 4:23; tingnan din ang 2Cr 10:8.

Hindi rin ipinahihiwatig ng ‘paghahagis’ ni Hagar sa bata na karga niya ito sa kaniyang mga braso o sa kaniyang likod, bagaman maliwanag na inaalalayan niya ang kaniyang pagód na anak. Lumilitaw na bigla niya itong binitiwan, gaya ng ginawa niyaong mga nagdala ng mga pilay at maysakit kay Jesus at “halos ipaghagisan nila sila sa kaniyang paanan.”​—Mat 15:30.

Kaayon ng kahulugan ng pangalan ni Ismael, “narinig ng Diyos” ang kaniyang paghingi ng tulong, inilaan ang kinakailangang tubig, at pinahintulutan siyang mabuhay upang maging isang mamamana. Bilang isang pagala-galang nananahanan sa Ilang ng Paran, tinupad niya ang hula na nagsabi tungkol sa kaniya: “Siya ay magiging isang tao na tulad ng sebra. Ang kaniyang kamay ay magiging laban sa lahat, at ang kamay ng lahat ay magiging laban sa kaniya; at sa harap ng mukha ng lahat ng kaniyang mga kapatid ay magtatabernakulo siya.” (Gen 21:17-21; 16:12) Si Hagar ay nakasumpong ng isang asawang Ehipsiyo para sa kaniyang anak, at sa kalaunan ay nagkaanak ito ng 12 lalaki, mga pinuno at mga ulo ng pamilya ng ipinangakong “dakilang bansa” ng mga Ismaelita. Si Ismael ay nagkaroon din ng di-kukulangin sa isang anak na babae, si Mahalat, na napangasawa ni Esau.​—Gen 17:20; 21:21; 25:13-16; 28:9; tingnan ang ISMAELITA.

Sa edad na 89, tinulungan ni Ismael si Isaac sa paglilibing sa kanilang amang si Abraham. Pagkaraan nito ay nabuhay pa siya ng 48 taon, at namatay noong 1795 B.C.E. sa edad na 137. (Gen 25:9, 10, 17) Walang ulat na si Ismael ay inilibing sa yungib ng Macpela, ang dakong pinaglibingan kay Abraham at kay Isaac, pati na ng kanilang mga asawa.​—Gen 49:29-31.

2. Isang inapo ni Saul sa pamamagitan ni Jonatan; anak ni Azel na mula sa tribo ni Benjamin.​—1Cr 8:33-38, 40; 9:44.

3. Ama ni Zebadias na hinirang ni Jehosapat upang maglingkod bilang isang maharlikang kinatawan para sa mga hudisyal na bagay; mula sa tribo ni Juda.​—2Cr 19:8, 11.

4. Isa sa “mga pinuno ng daan-daan” na nakipagtipan sa mataas na saserdoteng si Jehoiada upang ibagsak ang balakyot na si Athalia at iluklok sa trono si Jehoas; anak ni Jehohanan.​—2Cr 23:1, 12-15, 20; 24:1.

5. Ang pasimuno niyaong mga pumatay kay Gobernador Gedalias tatlong buwan lamang pagkaraan ng pagbagsak ng Jerusalem noong 607 B.C.E.; anak ni Netanias na mula sa maharlikang angkan. Nang panahong atasan ni Nabucodonosor ang gobernador, si Ismael, na anak ni Netanias, ay nasa parang bilang isa sa mga pinuno ng militar. Nang maglaon, pumaroon siya kay Gedalias at lumilitaw na gumawa siya ng isang ipinanatang tipan ng pakikipagpayapaan at pagsuporta sa gobernador. Gayunman, lihim na nakipagsabuwatan si Ismael kay Baalis, ang hari ng mga Ammonita, upang patayin si Gedalias. Binabalaan si Gedalias ng ibang mga kumandante ng militar, kasama na rito si Johanan, tungkol sa kasamaan ni Ismael, ngunit dahil hindi pinaniwalaan ng gobernador ang ulat, tumanggi siyang pahintulutan si Johanan na pabagsakin si Ismael.​—2Ha 25:22-24; Jer 40:7-16.

Bilang resulta, nang inaasikaso ni Gedalias si Ismael at ang kaniyang pangkat ng sampung lalaki sa isang kainan, tumindig sila at pinatay ang kanilang punong-abala pati na ang mga Judio at mga Caldeo na kasama niya. Nang sumunod na araw ay dinakip ng mga mamamatay-taong ito ang 80 lalaki na nanggaling sa Sikem, Shilo, at Samaria, anupat pinatay ang lahat maliban lamang sa 10 sa kanila, at itinapon ang kanilang mga bangkay sa malaking imbakang-tubig na itinayo ni Haring Asa. Pagkatapos ay binihag ni Ismael at ng kaniyang mga tauhan ang mga nalabi sa mga naninirahan sa Mizpa at nagtungo sa teritoryo ng mga Ammonita. Habang nasa daan, inabutan at iniligtas ni Johanan at ng kaniyang mga hukbo ang mga bihag, ngunit si Ismael at ang walo sa kaniyang mga tauhan ay tumakas patungo sa kanilang kublihan sa lugar ng mga Ammonita.​—2Ha 25:25; Jer 41:1-18.

6. Isa sa mga saserdote mula sa sambahayan ni Pasur sa panig ng ama na nagpaalis sa kanilang mga asawang banyaga noong mga araw ni Ezra.​—Ezr 10:22, 44.