Israel ng Diyos
Ang pananalitang ito, na minsan lamang matatagpuan sa Kasulatan, ay tumutukoy sa espirituwal na Israel at hindi sa lahi ng mga inapo ni Jacob, na ang pangalan ay pinalitan ng Israel. (Gen 32:22-28) Tinutukoy ng Bibliya ang “Israel ayon sa laman” (1Co 10:18), gayundin ang espirituwal na Israel na binubuo kahit niyaong hindi mga inapo ni Abraham. (Mat 3:9) Nang gamitin ng apostol na si Pablo ang pananalitang “Israel ng Diyos,” ipinakita niya na wala itong kinalaman kung ang isa man ay tinuling inapo ni Abraham o hindi.—Gal 6:15, 16.
Dahil itinakwil ng Diyos ang likas na Israel alang-alang sa espirituwal na bansang ito na kinabibilangan ng mga Gentil, inihula ng propetang si Oseas na sasabihin ng Diyos “sa kanila na hindi ko bayan: ‘Kayo ang aking bayan.’” (Os 2:23; Ro 9:22-25) Nang dumating ang takdang panahon, ang Kaharian ng Diyos ay kinuha mula sa bansa ng likas na mga Judio at ibinigay sa isang espirituwal na bansang nagluluwal ng mga bunga ng Kaharian. (Mat 21:43) Sa totoo, may likas na mga Judiong kabilang sa espirituwal na Israel. Ang mga apostol at iba pa na tumanggap ng banal na espiritu noong Pentecostes ng 33 C.E. (mga 120), yaong mga naparagdag nang araw na iyon (mga 3,000), at yaong mga naparagdag nang maglaon anupat ang bilang ng mga lalaki pa lamang ay umabot na nang mga 5,000, ay pawang mga Judio at mga proselita. (Gaw 1:13-15; 2:41; 4:4) Magkagayunman, sila, gaya ng pagkakalarawan sa kanila ni Isaias, ay ‘isa lamang nalabi’ na iniligtas mula sa itinakwil na bansang iyon.—Isa 10:21, 22; Ro 9:27.
Nililiwanag ng ibang mga kasulatan ang bagay na ito. Nang putulin ang ilan sa “likas na mga sanga” ng makasagisag na punong olibo, inihugpong ang “ligáw” na mga sangang di-Israelita, kaya naman yaong mga “talaga ngang binhi ni Abraham, mga tagapagmana ayon sa isang pangako” ay hindi na itatangi ayon sa lahi at katayuan nila sa buhay. (Ro 11:17-24; Gal 3:28, 29) “Hindi lahat ng nagmumula sa Israel ay talagang ‘Israel.’” “Sapagkat siya ay hindi Judio na gayon sa panlabas, ni ang pagtutuli man ay yaong nasa panlabas sa laman. Kundi siya ay Judio na gayon sa panloob, at ang kaniyang pagtutuli ay yaong sa puso sa pamamagitan ng espiritu.” (Ro 9:6; 2:28, 29) Hindi nailuwal ng likas na Israel ang takdang bilang, kung kaya “ibinaling ng Diyos ang kaniyang pansin sa mga bansa upang kumuha mula sa kanila ng isang bayan ukol sa kaniyang pangalan.” (Gaw 15:14) May kinalaman sa kanila, ganito ang sinabi: “Dati ay hindi kayo bayan, ngunit ngayon ay bayan na ng Diyos.” (1Pe 2:10) Sinipi ng apostol na si Pedro yaong ipinangako sa likas na Israel at ikinapit niya ito sa espirituwal na Israel ng Diyos, anupat sinabi niyang ito ay “isang piniling lahi, isang maharlikang pagkasaserdote, isang banal na bansa, isang bayang ukol sa pantanging pag-aari.”—Exo 19:5, 6; 1Pe 2:9.
Dahil sa ilang makatuwirang kadahilanan, tiyak na ang 12 tribong binanggit sa Apocalipsis kabanata 7 ay tumutukoy sa espirituwal na Israel. Ang talaan dito ay naiiba sa talaan ng likas na Israel sa Bilang kabanata 1. Isa pa, matagal na panahon nang wasak ang templo ng Jerusalem, nagwakas na ang pagkasaserdote nito, at tuluyan nang naglaho ang lahat ng rekord ng mga tribo ng likas na Israel, nang makita ni Juan ang kaniyang pangitain noong 96 C.E. Ngunit ang mas mahalaga, alam na ni Juan ang nabanggit na mga pangyayari mula noong Pentecostes 33 C.E. at pagkatapos niyaon, nang matanggap niya ang kaniyang pangitain. Sa liwanag ng mga pangyayaring iyon, ang pangitain ni Juan tungkol sa mga nakatayo sa makalangit na Bundok Sion kasama ng Kordero, na tinanggihan ng likas na Israel, ay nagsisiwalat na ang bilang ng espirituwal na Israel na ito ng Diyos ay 144,000 na “binili mula sa sangkatauhan.”—Apo 7:4; 14:1, 4.