Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Italya

Italya

[posibleng mula sa Latin, vitulus, “guya”].

Ang hugis-botang peninsula na nakausli nang patimog-silangan sa Dagat Mediteraneo mula sa kontinente ng Europa. Ang haba nito mula sa Alps sa H hanggang sa “hinlalaki” sa Kipot ng Messina sa T ay mga 1,130 km (700 mi). Ito ay may iba’t ibang lapad na mula 160 hanggang 240 km (100 hanggang 150 mi) at ang hangganan nito sa S ay ang Dagat Adriatico at sa K naman ay ang Dagat Tirreno. Ang kabundukan ng Apennines ang pinakagulugod sa gitna ng peninsulang ito, anupat may matatabang libis patungo sa mga baybaying kapatagan. Ang pangunahing mga ilog ay ang Tiber at ang Po. Ang Italya ay halos kasinlaki ng Pilipinas.

Noong una, ayon kay Antiochus ng Siracusa (nabuhay noong ikalimang siglo B.C.E.), ang pangalang Italia ay tumutukoy lamang sa probinsiya ng Calabria sa T kung saan naninirahan ang mga Itali. Ang pangalang ito ay waring anyong Griego ng Vitelia, na nauugnay sa Latin na vitulus, nangangahulugang “guya.” Posibleng ikinapit ito sa rehiyong iyon dahil sa mga pastulan at bakahan nito o dahil inangkin ng mga naninirahan dito na sila ay mga inapo ng kanilang diyos na toro. Pagsapit ng unang siglo C.E., ang pangalang Italya ay sumasaklaw na sa mismong teritoryo na saklaw nito sa ngayon.

Sa paglipas ng mga siglo, ang mga tao mula sa iba’t ibang lupain ay nandayuhan sa napakatabang lupaing ito. Bahagi ng maagang kasaysayan ng Italya ang mga digmaan sa pagitan ng mga dati nang naroroon at ng mga pulutong ng mga bagong-dating na sa pana-panahon ay sumasalakay sa lupain. Nang ang iba’t ibang mga liping pambansang ito ay mamayan doon at mag-asawa sa isa’t isa, nagkasama-sama sa peninsula ang sari-saring wika, lahi, at kaugalian.

Maagang nakarating sa Italya ang Kristiyanismo, sapagkat noong araw ng Pentecostes, 33 C.E., nasaksihan ng mga Italyanong proselita at gayundin ng mga Judiong taga-Roma ang pagbubuhos ng banal na espiritu at narinig nila ang paliwanag ni Pedro; tiyak na ang ilan sa kaniya ay kabilang sa “mga tatlong libong” nabautismuhan noong pagkakataong iyon. (Gaw 2:1, 10, 41) Pagbalik sa Italya, maaaring sila ang naging pinakapundasyon ng kongregasyong Kristiyano sa Roma na sinulatan ni Pablo ng isa sa kaniyang mga liham pagkaraan ng mga ilang taon. (Ro 1:1-7) Maaaring sina Aquila at Priscila ay kaugnay sa kongregasyong iyon sa Italya nang ipag-utos ni Emperador Claudio, noong mga taóng 49 o maagang bahagi ng 50 C.E., na lisanin nila ang bansa. Pagdating nila sa Corinto, di-nagtagal ay dumating din doon si Pablo noong unang pagdalaw niya sa lunsod na iyon sa kaniyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero.​—Gaw 18:1, 2.

Si Cornelio, tiyak na isang Italyano at isang opisyal ng hukbo ng “pangkat na Italyano,” ay may tahanan sa Cesarea. (Gaw 10:1) Noong nililitis si Pablo sa Cesarea sa harap ni Festo, iniapela niya kay Cesar ang kaniyang kaso. Pagkatapos ay isinakay siya sa barko patungong Mira, at doon ay inilipat siya, kasama ng iba pang mga bilanggo, sa isang barko na may lulang mga butil mula sa Alejandria na patungong Italya. (Gaw 25:6, 11, 12; 27:1, 5, 6) Palibhasa’y nawasak ang barko sa biyahe, kinailangan nilang magpalipas ng taglamig sa pulo ng Malta. Pagkatapos, malamang na noong tagsibol ng 59 C.E., unang nakatuntong si Pablo sa Italya sa Regio na nasa “hinlalaki” ng Italya, at di-nagtagal pagkatapos nito ay bumaba siya sa Puteoli sa Look ng Pozzuoli (Naples). Dito, na mahigit 160 km (100 mi) sa T ng Roma, tumigil si Pablo nang isang linggo kasama ng lokal na kongregasyon bago siya pumaroon sa Roma sa pamamagitan ng Appian Way, anupat bago pa siya nakarating sa lunsod, sinalubong siya ng mga kapatid na nanggaling sa Roma sa “Pamilihan ng Apio at sa Tatlong Taberna.” (Gaw 28:11-16) Malamang, sa pagtatapos ng unang pagkabilanggo ni Pablo sa Roma, o di-katagalan matapos siyang palayain noong mga 61 C.E., isinulat niya ang aklat ng Mga Hebreo habang nasa Italya pa siya.​—Heb 13:24.