Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Itamar

Itamar

[posible, Ama (o, Kapatid) ng Puno ng Palma].

Ang ikaapat sa nakatalang mga anak ni Aaron. (Exo 6:23; Bil 26:60; 1Cr 6:3) Matapos niyang pangasiwaan ang pagbilang sa mga kagamitan sa tabernakulo, si Itamar, kasama ng kaniyang ama at mga kapatid, ay itinalaga bilang saserdote sa seremonyang inilarawan sa Exodo 29. (Exo 28:1; 38:21; 40:12-15) Nang dakong huli, nang ang kaniyang dalawang nakatatandang kapatid, na sina Nadab at Abihu, ay patayin dahil sa paghahandog ng “kakaibang apoy,” si Itamar at ang kaniyang ikatlong kapatid na si Eleazar ay sinabihang huwag magdalamhati para sa kanila. Nang maglaon, sina Itamar at Eleazar ay tumanggap ng mas maraming makasaserdoteng tungkulin habang patuloy na binabalangkas ni Jehova ang mga ito. (Lev 10:1-20) Si Itamar ay ginawang tagapangasiwa ng iba’t ibang paglilingkod sa tabernakulo na isinasagawa ng mga Gersonita at mga Merarita.​—Bil 3:2-4; 4:28, 33; 7:8.

Ang mga inapo ni Itamar ay nagpatuloy bilang mga saserdote, at noong panahon ng mga paghahari nina Saul, David, at Solomon, ang mga miyembro ng sambahayan ng inapo ni Itamar na si Eli ay pansamantalang nanungkulan bilang mataas na saserdote. Nang organisahin ni David ang paglilingkod sa templo, ang 8 sa 24 na pangkat ng mga saserdote ay nagmula sa sambahayan ni Itamar. (1Cr 24:1-6; 1Sa 14:3; 22:9; tingnan ang MATAAS NA SASERDOTE.) Ang mga anak ni Itamar ay nakatala rin sa mga sambahayan ng Israel sa panig ng ama pagkatapos ng pagkatapon sa Babilonya.​—Ezr 8:2.