Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Jabes-gilead

Jabes-gilead

[posible, Tuyot na Dako ng Gilead].

Isang sinaunang bayan sa teritoryo ng tribo ni Gad, sa S ng Jordan. Hindi tiyak kung saan ang eksaktong lokasyon nito. Gayunpaman, naniniwala ang karamihan sa mga iskolar na ito’y bahagyang nasa S ng Jordan sa kapaligiran ng Wadi Yabis (Jabes), mga 35 km (22 mi) sa T ng Dagat ng Galilea.

Unang binanggit ang Jabes-gilead noong panahon ng mga Hukom, may kaugnayan sa kagantihang inilapat sa karatig na tribo ni Benjamin dahil sa pagkunsinti nito sa talamak na imoralidad. (Huk 21:8) Noong insidenteng iyon, nang halos malipol ng mga Israelita ang buong tribo ni Benjamin (600 lalaki lamang ang nakatakas), natuklasan na walang isa mang lalaki ng Jabes-gilead ang nakisama sa paglalapat ng makatarungang parusang ito. Kaya naman napagpasiyahan na ang bawat lalaki, babae, at bata ng Jabes-gilead, maliban sa mga dalaga, ay dapat patayin. Pagkatapos, ang 400 dalaga na pinaligtas ay ibinigay naman bilang mga asawa sa takas na mga Benjamita upang huwag maglaho nang tuluyan ang tribo.​—Huk 20:1–21:14.

Pagkaraan ng mga tatlong siglo, nang ang buong Israel ay nagpupumilit na humingi ng isang nakikitang hari na gaya ng mga hari ng ibang mga bansa, nagbanta ang mga Ammonita na dudukitin nila ang kanang mata ng bawat lalaking naninirahan sa Jabes-gilead. Naalis lamang ang bantang ito nang tipunin ni Saul ang isang hukbo ng 330,000 at mapilitan ang mga Ammonita na tumakas. (1Sa 11:1-15) Pagkaraan ng 40 taon, tinalo ng mga Filisteo ang mga Israelita. Ang katawan ni Saul at ng kaniyang tatlong anak na pinugutan ng ulo ay ibinitin nila sa pader ng liwasan sa loob ng Bet-san. Nang marinig ng magigiting na lalaki ng Jabes-gilead ang kadustaang ito, buong-tapang silang lumusob nang gabi. Kinuha nila ang mga bangkay, dinala ang mga iyon sa Jabes-gilead, sinunog ang mga iyon, at ang mga buto ay binigyan nila ng marangal na libing. Pagkatapos ay nag-ayuno sila nang pitong araw.​—1Sa 31:8-13; 1Cr 10:8-12.

Bilang ang bagong-pinahirang hari ng Juda, si David ay nagpadala ng mga komendasyon at pagpapala sa mga mamamayan ng Jabes-gilead dahil sa paggagawad nila ng maibiging-kabaitan sa ganitong paraan sa bumagsak na pinahiran ng Israel. (2Sa 2:4-7) Nang maglaon, ipinakuha ni David ang mga buto nina Saul at Jonatan mula sa Jabes-gilead at ipinalibing niya ang mga ito sa loteng libingan ng pamilya ni Saul sa teritoryo ng Benjamin.​—2Sa 21:12-14.