Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Jacob

Jacob

[Isa na Sumusunggab sa Sakong; Kaagaw].

1. Anak nina Isaac at Rebeka, at nakababatang kakambal ni Esau. Ang mga magulang ni Jacob ay 20 taon nang mag-asawa nang isilang ang kambal, ang kanilang tanging naging mga anak, noong 1858 B.C.E. Si Isaac noon ay 60 taóng gulang. Kaya gaya ng kaso ni Abraham, ang mga panalangin ni Isaac na magkaroon ng supling ay sinagot pagkatapos lamang na lubusang masubok ang kaniyang pagtitiis at pananampalataya sa mga pangako ng Diyos.​—Gen 25:20, 21, 26; Ro 9:7-10.

Sa kaniyang pagdadalang-tao, napighati si Rebeka dahil sa pagbubuno ng kambal sa loob ng kaniyang bahay-bata, na ayon kay Jehova ay pasimula ng labanan ng dalawang bansa. Bukod diyan, sinabi ni Jehova na, taliwas sa kaugalian, ang nakatatanda ay maglilingkod sa nakababata. Kaayon nito, si Jacob, na ikalawang ipinanganak, ay nakahawak sa sakong ni Esau nang ipanganak sila; dito nanggaling ang pangalang Jacob, nangangahulugang “Isa na Sumusunggab sa Sakong.” (Gen 25:22-26) Sa gayon ay ipinakita ni Jehova ang kaniyang kakayahan na mabatid ang henetikong hilig ng isang di-pa-naisisilang na sanggol at gamitin ang kaniyang patiunang kaalaman at karapatan na patiunang pumili ng sinumang ibig niya para sa kaniyang mga layunin; gayunma’y hindi niya kailanman patiunang itinatalaga ang huling kahihinatnan ng mga indibiduwal.​—Ro 9:10-12; Os 12:3.

Kabaligtaran ng paboritong anak ni Isaac na si Esau, na isang lagalag, maligalig at pagala-galang mangangaso, si Jacob ay inilalarawan bilang “isang lalaking walang kapintasan [sa Heb., tam], na tumatahan sa mga tolda,” isa na tahimik na namumuhay sa bukid at maaasahan sa pag-aasikaso sa mga gawaing-bahay, isa na mahal na mahal ng kaniyang ina. (Gen 25:27, 28) Ang salitang Hebreong tam ay ginagamit sa ibang mga talata upang lumarawan sa mga sinasang-ayunan ng Diyos. Halimbawa, “ang mga taong uháw sa dugo ay napopoot sa sinumang walang kapintasan,” gayunma’y tinitiyak ni Jehova na “ang kinabukasan ng taong [walang kapintasan] ay magiging mapayapa.” (Kaw 29:10; Aw 37:37) Ang tapat na si Job “ay walang kapintasan [sa Heb., tam] at matuwid.”​—Job 1:1, 8; 2:3.

Tumanggap ng Pagkapanganay at Pagpapala. Yamang namatay si Abraham noong 1843 B.C.E. nang ang kaniyang apong si Jacob ay 15 taóng gulang na, ang bata ay nagkaroon ng sapat na pagkakataon na tuwirang marinig ang tungkol sa pinanumpaang tipan ng Diyos mula sa kaniyang lolo at sa kaniyang ama. (Gen 22:15-18) Natanto ni Jacob na isang malaking pribilehiyo ang magkaroon ng bahagi sa katuparan ng gayong mga pangako ng Diyos. Sa wakas ay nagkaroon siya ng pagkakataong bilhin nang legal mula sa kaniyang kapatid ang karapatan ng panganay at ang lahat ng kalakip nito. (Deu 21:15-17) Dumating ang pagkakataong ito nang isang araw ay hapung-hapong umuwi si Esau mula sa parang at naamoy niya ang masarap na nilaga na niluto ng kaniyang kapatid. “Dalian mo, pakisuyo,” ang bulalas ni Esau, “bigyan mo ako ng isang subo ng mapula​—ng mapulang iyan, sapagkat ako ay pagod!” Sumagot si Jacob: “Ipagbili mo muna sa akin ang iyong karapatan sa pagkapanganay!” “Hinamak ni Esau ang pagkapanganay,” kaya ang bilihan ay mabilis na naisagawa at tinatakan ng isang taimtim na sumpa. (Gen 25:29-34; Heb 12:16) Ito ang dahilan kung bakit sinabi ni Jehova, “Inibig ko si Jacob, ngunit si Esau ay kinapootan ko.”​—Ro 9:13; Mal 1:2, 3.

Tama bang magpanggap si Jacob na siya’y si Esau?

Nang matanda na si Isaac at inaakala niyang malapit na siyang mamatay, inutusan niya si Esau na mangaso ng karne ng usa, na sinasabi: “Pakainin mo ako, upang pagpalain ka ng aking kaluluwa bago ako mamatay.” Ngunit narinig iyon ni Rebeka at dali-dali niyang pinayaon si Jacob upang kumuha ng dalawang anak ng kambing para maipaghanda niya ng masarap na pagkain si Isaac, at sinabi niya kay Jacob: “Dadalhin mo iyon sa iyong ama at kakainin niya iyon, upang pagpalain ka niya bago siya mamatay.” Ipinatong din niya ang balat ng mga anak ng kambing sa mga kamay at leeg ni Jacob upang kapag hinipo ni Isaac si Jacob ay isipin niyang ito’y si Esau. Nang dalhin ni Jacob sa kaniyang ama ang pagkain, tinanong siya ni Isaac: “Sino ka, anak ko?” At sumagot si Jacob: “Ako ay si Esau na iyong panganay.” Kung legalidad ang pag-uusapan, gaya ng alam na alam ni Jacob, may karapatan siyang gampanan ang papel ni Esau, na panganay ni Isaac. Hinipo ni Isaac si Jacob upang tiyakin kung ito nga ba’y talagang si Esau o hindi, at sinabi niya: “Ang tinig ay tinig ni Jacob, ngunit ang mga kamay ay mga kamay ni Esau.” Ngunit matagumpay ang kinalabasan ng mga pangyayari, at ayon sa ulat, “Pinagpala niya ito.” (Gen 27:1-29) Tama ba ang ginawa nina Rebeka at Jacob?

Walang alinlangan na may karapatan si Jacob sa pagpapala. Bago isilang ni Rebeka ang kambal, sinabi ni Jehova sa kaniya: “Ang nakatatanda ay maglilingkod sa nakababata.” (Gen 25:23) Nang maglaon, kaayon ng inklinasyon na patiuna nang nakita ni Jehova at siyang dahilan kung bakit higit niyang inibig si Jacob kaysa kay Esau, ipinagbili ni Esau kay Jacob ang kaniyang pagkapanganay kapalit lamang ng isang mangkok ng nilaga.​—Gen 25:29-34.

Hindi sinasabi ng ulat ng Bibliya kung gaano ang nalalaman ni Isaac sa mga pahiwatig na ito hinggil sa kung sino ang dapat tumanggap ng pagpapala. Wala rin tayong alam tungkol sa eksaktong dahilan ng mga pagkilos nina Rebeka at Jacob, maliban sa bagay na kapuwa nila batid na nauukol kay Jacob ang pagpapala. Hindi nagpanggap si Jacob taglay ang masamang hangarin upang makuha ang isang bagay na wala siyang karapatang makuha. At hindi naman hinahatulan ng Bibliya ang ginawa nina Rebeka at Jacob. Bilang resulta, tinanggap ni Jacob ang kaukulang pagpapala. Maliwanag na nakita mismo ni Isaac na naisagawa ang kalooban ni Jehova. Di-nagtagal pagkatapos nito, nang papuntahin ni Isaac si Jacob sa Haran upang humanap ng mapapangasawa, higit pang pinagpala ni Isaac si Jacob at espesipikong sinabi: “Ibibigay [ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat] sa iyo ang pagpapala ni Abraham.” (Gen 28:3, 4; ihambing ang Heb 11:20.) Kaya wasto nating maipapalagay na ang kinalabasan ng bagay na ito ang siyang nilayon ni Jehova. Malinaw na sinasabi ng Bibliya ang aral na matututuhan natin sa ulat na ito, anupat nagbabala na dapat tayong mag-ingat “na huwag magkaroon ng sinumang mapakiapid o ng sinumang hindi nagpapahalaga sa mga bagay na sagrado, tulad ni Esau, na kapalit ng isang pagkain ay ipinamigay ang kaniyang mga karapatan bilang panganay.”​—Heb 12:16.

Ang Paglipat ni Jacob sa Padan-aram. (MAPA, Tomo 1, p. 529) Si Jacob ay 77 taóng gulang nang lisanin niya ang Beer-sheba patungo sa lupain ng kaniyang mga ninuno, kung saan niya ginugol ang sumunod na 20 taon ng kaniyang buhay. (Gen 28:10; 31:38) Pagkatapos maglakbay nang mga 100 km (62 mi) patungong HHS, nagpalipas siya ng gabi sa Luz (Bethel) sa mga burol ng Juda, anupat isang bato ang ginamit niyang pinakaunan. Doon ay nakita niya sa panaginip ang isang hagdanan, o mga baytang, na umaabot hanggang sa langit at doo’y manhik-manaog ang mga anghel. Sa pinakatuktok ay makikita si Jehova, at pinagtibay Niya kay Jacob ang kaniyang tipan kina Abraham at Isaac.​—Gen 28:11-13; 1Cr 16:16, 17.

Sa tipang iyon ay ipinangako ni Jehova kay Jacob na Kaniyang babantayan at iingatan siya at hindi siya iiwan hanggang sa ang lupaing kinahihigan niya ay mapasakaniya at ang kaniyang binhi ay maging tulad ng mga butil ng alabok sa lupa sa dami. Karagdagan pa, “sa pamamagitan mo at sa pamamagitan ng iyong binhi ay tiyak na pagpapalain ng lahat ng pamilya sa lupa ang kanilang sarili.” (Gen 28:13-15) Nang lubusang matanto ni Jacob ang kahulugan ng karanasang iyon sa gabi ay bumulalas siya: “Kakila-kilabot nga ang dakong ito! Ito ay walang iba kundi ang bahay ng Diyos.” Kaya ang pangalan ng Luz ay pinalitan niya ng Bethel, nangangahulugang “Bahay ng Diyos,” at nagtayo siya ng isang haligi at binuhusan niya iyon ng langis bilang saksi sa makasaysayang mga pangyayaring ito. Bilang pasasalamat sa ipinangakong pag-alalay ng Diyos, nanata rin si Jacob na walang pagsalang ibibigay niya kay Jehova ang ikasampu ng lahat ng tatanggapin niya.​—Gen 28:16-22.

Nagpatuloy si Jacob sa paglalakbay at sa kalaunan ay nakilala niya ang kaniyang pinsang si Raquel sa kapaligiran ng Haran. Inanyayahan siya ng ama nitong si Laban, ang kapatid ng ina ni Jacob, na manuluyan sa kanila. Inibig ni Jacob si Raquel at nakipagkasundo siyang magtrabaho nang pitong taon para sa ama nito kung ibibigay ito ni Laban upang maging kaniyang asawa. Palibhasa’y napakasidhi ng pag-ibig ni Jacob kay Raquel, ang lumipas na mga taon ay ‘naging tulad ng ilang araw lamang.’ Ngunit noong kasal, ang nakatatandang kapatid ni Raquel na si Lea ang may-panlilinlang na inihalili ni Laban, at ang paliwanag niya, “Hindi kaugaliang . . . ibigay ang nakababatang babae bago ang panganay.” Matapos ipagdiwang ang kasal na ito sa loob ng isang sanlinggo, ibinigay rin ni Laban si Raquel kay Jacob bilang kaniyang asawa sa kundisyon na magtatrabaho si Jacob nang pitong taon pa bilang kabayaran para kay Raquel. Binigyan din ni Laban sina Lea at Raquel ng kani-kaniyang alilang babae, sina Zilpa at Bilha.​—Gen 29:1-29; Os 12:12.

Mula sa kaayusang iyon ng pag-aasawa ay sinimulan ni Jehova ang pagtatayo ng isang dakilang bansa. Apat na anak na lalaki ang sunud-sunod na isinilang ni Lea kay Jacob: sina Ruben, Simeon, Levi, at Juda. Nang makita ni Raquel na nananatili siyang baog, ibinigay niya kay Jacob ang kaniyang aliping babae na si Bilha at sa pamamagitan nito ay nagkaroon siya ng dalawang anak na lalaki, sina Dan at Neptali. Nang panahong iyon ay nanatiling baog si Lea. Kaya ibinigay rin niya kay Jacob ang kaniyang aliping babae na si Zilpa at sa pamamagitan nito ay nagkaroon siya ng dalawang anak na lalaki, sina Gad at Aser. Muli na namang nagkaanak si Lea, anupat isinilang niya si Isacar, pagkatapos ay si Zebulon, at pagkatapos ay isang anak na babae na pinanganlang Dina. Sa wakas ay nagdalang-tao si Raquel at isinilang niya si Jose. Bilang resulta, sa maikling yugto na pitong taon, pinagpala si Jacob na magkaroon ng maraming anak.​—Gen 29:30–30:24.

Pinayaman si Jacob Bago Umalis sa Haran. Nang matapos ang kaniyang 14-na-taóng kontrata ng pagtatrabaho upang makuha niya ang kaniyang mga asawa, sabik na si Jacob na makabalik sa kaniyang sariling lupain. Ngunit palibhasa’y nakita ni Laban na pinagpapala siya ni Jehova dahil kay Jacob, nagpumilit siya na patuloy nitong pangasiwaan ang kaniyang mga kawan; sinabihan pa nga niya si Jacob na itakda ang magiging kabayaran nito. Sa bahaging iyon ng daigdig, ang mga tupa at mga kambing ay karaniwan nang may iisang kulay, anupat puti ang mga tupa at itim ang mga kambing. Kaya hiniling ni Jacob na tanging ang mga tupa at mga kambing na may kakaibang kulay o marka ang ibigay sa kaniya​—lahat ng tupa na matingkad na kayumanggi ang kulay at lahat ng kambing na may anumang puting marka. Tumugon si Laban: “Aba, mabuti iyan!” At upang pababain pa nang husto ang kabayaran, ayon na rin sa mungkahi ni Jacob, inihiwalay ni Laban mula sa mga kawan ang lahat ng mga kambing na may guhit, batik-batik, at may tagping kulay at mga batang lalaking tupa na matingkad na kayumanggi, na pinaalagaan niya sa kaniya mismong mga anak, anupat naglagay pa nga ng agwat na tatlong araw sa pagitan nila, upang hindi magkalahian ang dalawang kawan. Tanging ang mga may kakaibang kulay na ipanganganak sa hinaharap ang magiging pag-aari ni Jacob.​—Gen 30:25-36.

Kaya sa pasimula, ang inaalagaan lamang ni Jacob ay mga tupa na may karaniwang kulay at mga kambing na walang anumang marka. Gayunman, nagsikap siya at ginawa ang inaakala niyang makapagpaparami sa bilang ng mga hayop na may naiibang kulay. Kumuha siya ng mga luntiang sangang baston mula sa mga puno ng estorake, almendras, at platano, at tinalupan niya ang mga ito upang magmukhang may mga guhit at tagpi. Ang mga ito ay inilagay niya sa mga labangang inuman ng mga hayop, maliwanag na sa pag-aakalang kung makikita ng nanganganding mga hayop ang mga guhit, magkakaroon ito ng epekto sa pagbubuntis anupat ang mga supling nila ay magiging batik-batik o may kakaibang kulay. Tiniyak din ni Jacob na ilagay lamang ang mga patpat sa mga labangan kapag ang mas malalakas at mabubulas na hayop ang nangangandi.​—Gen 30:37-42.

Ang resulta? Ang mga supling na may batik o kakaibang kulay, samakatuwid ay kabayaran kay Jacob, ay naging mas marami kaysa sa mga may iisang kulay, na magiging pag-aari naman ni Laban. Dahil dito, malamang na inakala ni Jacob na epektibo ang kaniyang estratehiya sa pamamagitan ng guhit-guhit na mga patpat. Sa bagay na ito, tiyak na naniniwala rin siya sa maling akala na pinaniniwalaan ng maraming tao, samakatuwid nga, na ang gayong mga bagay ay maaaring magkaroon ng epekto sa mga supling. Gayunman, sa isang panaginip ay iba naman ang itinuro sa kaniya ng kaniyang Maylalang.

Sa kaniyang panaginip, natutuhan ni Jacob na ang ilang simulain ng genetics, at hindi ang mga patpat, ang dahilan ng kaniyang tagumpay. Bagaman ang inaalagaan lamang ni Jacob ay mga hayop na may iisang kulay, isiniwalat ng pangitain na ang mga lalaking kambing ay may guhit, batik-batik, at may tagpi. Paano ito nangyari? Maliwanag na mestiso ang mga ito bagaman iisa ang kulay, na resulta ng pagpapalahi sa kawan ni Laban bago sinimulan ang pagbabayad kay Jacob. Kaya taglay ng ilan sa mga hayop na ito sa kanilang mga selula sa pagpaparami ang mga salik na namamana upang magkaroon ng tagpi o maging batik-batik ang kanilang magiging mga supling, ayon sa mga batas ng pagmamana na natuklasan ni Gregor Mendel noong ika-19 na siglo.​—Gen 31:10-12.

Sa loob ng anim na taon na ipinagtrabaho ni Jacob sa ilalim ng kaayusang ito, siya’y lubhang pinagpala at pinaunlad ni Jehova hindi lamang sa pamamagitan ng pagpaparami ng kaniyang mga kawan kundi pati rin ng bilang ng kaniyang mga lingkod, mga kamelyo, at mga asno, at ito’y sa kabila ng bagay na laging binabago ni Laban ang pinagkasunduang kabayaran. Sa wakas, tinagubilinan si Jacob ng “tunay na Diyos ng Bethel” na bumalik sa Lupang Pangako.​—Gen 30:43; 31:1-13, 41.

Ang Pagbabalik sa Lupang Pangako. Sa pangamba ni Jacob na muli siyang pigilan ni Laban upang hindi niya iwan ang paglilingkod dito, palihim niyang kinuha ang kaniyang mga asawa at mga anak, at ang lahat ng kaniyang pag-aari, tumawid sila sa Ilog Eufrates, at naglakbay patungong Canaan. Malamang na pinanginginain ni Jacob ang kaniyang mga kawan malapit sa Eufrates nang pag-isipan niya ang paglipat na iyon, gaya ng ipinahihiwatig ng Genesis 31:4, 21. Noon ay wala si Laban dahil ginugupitan niya ang kaniyang mga kawan anupat hindi ipinagbigay-alam sa kaniya na umalis si Jacob hanggang sa makalipas ang tatlong araw. Maaaring higit pang panahon ang lumipas para tapusin ang paggugupit at gawin ang mga paghahanda upang habulin si Jacob kasama ang kaniyang mga tauhan. Sa kabuuan, nakapagbigay ito kay Jacob ng sapat na panahon upang maakay ang kaniyang mababagal na kawan hanggang sa bulubunduking pook ng Gilead bago siya naabutan ni Laban, isang distansiya na mula sa Haran ay di-kukulangin sa 560 km (350 mi), na mabilis namang malalakbay ni Laban at ng kaniyang mga kamag-anak sa loob ng pitong araw sakay ng mga kamelyo.​—Gen 31:14-23.

Nang matagpuan ni Laban si Jacob na nagkakampo mga ilang kilometro sa H ng Jabok, hiningan niya ito ng paliwanag: Bakit siya umalis nang hindi man lamang binibigyan si Laban ng pagkakataong halikan ang kaniyang mga anak at mga apo bilang pamamaalam, at bakit niya ninakaw ang mga diyos ni Laban? (Gen 31:24-30) Maliwanag kung ano ang sagot sa unang tanong​—ang takot na pigilan siya ni Laban sa pag-alis. Kung tungkol naman sa ikalawang tanong, walang alam si Jacob hinggil sa anumang pagnanakaw, at hindi natuklasan sa isinagawang paghahanap na ninakaw ni Raquel ang terapim ng pamilya at na itinago niya ang mga iyon sa pansiyang basket ng kaniyang kamelyo.​—Gen 31:31-35.

Ang isang paliwanag kung bakit ginawa iyon ni Raquel, at kung bakit nababahala si Laban, ay ito: “Ang pagmamay-ari ng mga diyos ng sambahayan ay nagpapakilala sa isang tao bilang lehitimong tagapagmana, na siyang dahilan kung bakit nababalisa si Laban, ayon sa Gen. 31:26 at sa kasunod na mga talata, na mabawi ang kaniyang mga diyos ng sambahayan mula kay Jacob.”​—Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. B. Pritchard, 1974, p. 220, tlb. 51.

Nang malutas nang mapayapa ang kanilang pagtatalo, si Jacob ay nagtindig ng isang batong haligi at pagkatapos ay nagbunton ng mga bato, na nanatili roon nang maraming taon bilang saksi sa tipan ng kapayapaan na pinagtibay ng dalawang ito sa pamamagitan ng isang seremonyal na kainan. Ang mga pangalang ibinigay sa buntong iyon ng mga bato ay Galeed (nangangahulugang “Bunton na Saksi”) at Ang Bantayan.​—Gen 31:36-55.

Gusto rin ni Jacob na makipagpayapaan sa kaniyang kapatid na si Esau, na hindi niya nakita nang mahigit 20 taon. Upang mapahupa ang anumang pagkapoot na maaaring kinikimkim pa ng kaniyang kapatid, nagpadala si Jacob sa unahan niya ng mamahaling mga kaloob para kay Esau​—daan-daang kambing at tupa, at maraming kamelyo, asno, at baka. (Gen 32:3-21) Umalis si Jacob sa Canaan na halos walang anumang pag-aari, ngunit dahil sa pagpapala ni Jehova, bumabalik siya na isang taong mayaman.

Bakit pinangyari ng anghel na nakipagbuno kay Jacob na umika-ika si Jacob?

Nang gabing tawirin ng sambahayan ni Jacob ang Jabok patungong T upang salubungin si Esau, si Jacob ay nagkaroon ng isang lubhang di-pangkaraniwang karanasan na makipagbuno sa isang anghel, at dahil sa kaniyang pagmamatiyaga, ang kaniyang pangalan ay pinalitan ng Israel, nangangahulugang “Isa na Nakikipagpunyagi (Isa na Nagmamatiyaga) sa Diyos; o, Nakikipagpunyagi ang Diyos.” (Gen 32:22-28) Nang maglaon, ang dalawang pangalang ito ay maraming beses na lumitaw sa matulaing mga paralelismong Hebreo. (Aw 14:7; 22:23; 78:5, 21, 71; 105:10, 23) Noong nagbubuno sila, hinipo ng anghel ang hugpungan ng kasukasuan ng hita ni Jacob, at si Jacob ay habang-buhay nang umika-ika​—marahil ay upang turuan siya ng kapakumbabaan, anupat palagi niyang maaalaala na huwag labis na magmataas dahil sa kaniyang bigay-Diyos na kasaganaan o dahil nakipagbuno siya sa isang anghel. Bilang paggunita sa makasaysayang mga pangyayaring ito, ang dakong iyon ay tinawag ni Jacob na Peniel o Penuel.​—Gen 32:25, 30-32.

Nang matapos ang mapayapang pagkikita nina Jacob at Esau, ang kambal na ito, na noon ay mga 97 taóng gulang na, ay humayo na sa kani-kaniyang lakad, at maaaring hindi na sila muling nagkita hanggang noong ilibing nila ang kanilang amang si Isaac pagkalipas ng mga 23 taon. Si Esau ay nagtungo sa T sa Seir dala ang mga kaloob sa kaniya, at si Jacob naman ay lumiko sa H at muling tinawid ang Jabok.​—Gen 33:1-17; 35:29.

Ang Sumunod na 33 Taon Bilang Naninirahang Dayuhan. Nang maghiwalay sila ni Esau, si Jacob ay namayan sa Sucot. Ito ang unang lugar na tinirahan ni Jacob nang matagal-tagal pagkabalik niya mula sa Padan-aram. Hindi sinasabi kung gaano katagal siyang namalagi roon, ngunit maaaring ito’y umabot nang maraming taon, sapagkat nagtayo siya roon para sa kaniyang sarili ng isang permanenteng kayarian na matatahanan at gayundin ng mga kubol o mga kuwadrang may bubong para sa kaniyang mga alagang hayop.​—Gen 33:17.

Pagkatapos nito, pumakanluran si Jacob sa kabilang ibayo ng Jordan patungo sa kapaligiran ng Sikem, kung saan niya binili ang isang bahagi ng lupain mula sa mga anak ni Hamor sa halagang “isang daang piraso ng salapi [sa Heb., qesi·tahʹ].” (Gen 33:18-20; Jos 24:32) Hindi na alam sa ngayon ang halaga ng sinaunang salaping iyon, ng qesi·tahʹ, ngunit ang isang daang piraso nito ay maaaring umabot ng malaking halaga ng tinimbang na pilak, yamang walang mga barya noong panahong iyon.

Sa Sikem, ang anak na babae ni Jacob na si Dina ay nagsimulang makisama sa mga babaing Canaanita, at humantong ito sa panghahalay sa kaniya ni Sikem, ang anak ng pinunong si Hamor. Ang sumunod na mga pangyayari, na resulta ng kaganapang iyon, ay hindi na nakayang kontrolin ni Jacob​—pinatay ng kaniyang mga anak ang bawat lalaking naninirahan sa Sikem, kinuhang bihag ang mga babae at mga bata, sinamsam ang lahat ng ari-arian at kayamanan ng komunidad na iyon, at ginawang isang alingasaw sa mga tumatahan sa lupain ang kanilang amang si Jacob.​—Gen 34:1-31.

Pagkatapos ay tinagubilinan ng Diyos si Jacob na lumisan mula sa Sikem at bumaba sa Bethel, na ginawa naman niya. Ngunit bago umalis, inutusan niya ang kaniyang sambahayan na magpakalinis, magpalit ng kanilang mga kasuutan, alisin ang lahat ng kanilang huwad na diyos (malamang na kasama rito ang terapim ni Laban) at pati ang mga hikaw na posibleng isinusuot bilang mga agimat. Ibinaon ni Jacob ang mga ito malapit sa Sikem.​—Gen 35:1-4.

Ang Bethel, ang “Bahay ng Diyos,” ay may pantanging kahalagahan kay Jacob, sapagkat dito, marahil mga 30 taon na ang nakararaan, isinalin ni Jehova sa kaniya ang tipang Abrahamiko. At pagkatapos na magtayo si Jacob ng altar para sa dakilang Diyos na ito ng kaniyang mga ninuno, muling binigkas ni Jehova ang tipan at pinagtibay rin na ang pangalan ni Jacob ay pinalitan na ng Israel. Pagkatapos ay nagtindig si Jacob ng isang haligi na binuhusan niya ng handog na inumin at langis bilang paggunita sa makasaysayang mga pangyayaring iyon. Habang nakikipamayan din dito sa Bethel, si Debora na yaya ng kaniyang ina ay namatay at inilibing.​—Gen 35:5-15.

Muli, hindi natin alam kung gaano katagal nanirahan si Jacob sa Bethel. Nang lumisan sila mula roon at maglakbay nang patimog, at samantalang malayo pa sa Betlehem (Eprat), dinatnan ng kirot ng panganganak si Raquel, at sa matinding hirap sa pagsisilang sa kaniyang ikalawang anak, si Benjamin, siya ay namatay. Doon inilibing ni Jacob ang kaniyang minamahal na si Raquel at nagtindig siya ng isang haligi bilang palatandaan ng libingan nito.​—Gen 35:16-20.

Ang lalaking ito na si Israel, na ngayon ay pinagpala ng hustong bilang na 12 anak na lalaki na pagmumulan ng 12 tribo ng Israel, ay patuloy pang naglakbay patungong timog. Ang kaniyang sumunod na pinagkampuhan ay inilalarawan na “malayo sa ibayo ng tore ng Eder,” nangangahulugang ito’y nasa pagitan ng Betlehem at Hebron. Samantalang naninirahan sila roon, sinipingan ng kaniyang panganay na anak na si Ruben ang kaniyang babae, si Bilha, ina nina Dan at Neptali. Maaaring inakala ni Ruben na napakatanda na ng kaniyang ama upang may magawa pa tungkol doon, ngunit hindi ito sinang-ayunan ni Jehova, at dahil sa pagkakasala niya ng insesto ay naiwala ni Ruben ang karapatan sa pagkapanganay.​—Gen 35:21-26; 49:3, 4; Deu 27:20; 1Cr 5:1.

Maaaring hindi pa naipagbibili ang kaniyang anak na si Jose sa pagkaalipin sa Ehipto nang si Jacob ay lumipat sa Hebron, kung saan nakatira pa rin ang kaniyang matanda nang ama na si Isaac, ngunit hindi matiyak ang petsa ng paglipat na ito.​—Gen 35:27.

Isang araw ay isinugo ni Jacob si Jose (noon ay 17 taóng gulang na) upang alamin ang kalagayan ng kaniyang mga kapatid na nag-aalaga ng mga kawan ng kanilang ama. Nang matagpuan niya sila sa Dotan na mga 100 km (62 mi) sa H ng Hebron, sinunggaban nila siya at ipinagbili sa isang pulutong ng mga negosyante na patungong Ehipto. Naganap ito noong 1750 B.C.E. Pagkatapos ay pinapaniwala nila ang kanilang ama na si Jose ay napatay ng isang mabangis na hayop. Maraming araw na namighati si Jacob dahil dito, na tumatangging maaliw at nagsasabi: “Ako ay bababang nagdadalamhati sa aking anak patungo sa Sheol!” (Gen 37:2, 3, 12-36) Nadagdagan pa ang kaniyang pamimighati nang mamatay ang kaniyang amang si Isaac noong 1738 B.C.E.​—Gen 35:28, 29.

Ang Paglipat sa Ehipto. Mga sampung taon pagkamatay ni Isaac, dahil sa isang malawakang taggutom, napilitan si Jacob na papuntahin sa Ehipto ang sampu sa kaniyang mga anak na lalaki upang kumuha ng mga binutil. Naiwan si Benjamin. Nakilala ni Jose, na noo’y administrador ni Paraon sa pagkain, ang kaniyang mga kapatid at iniutos niya na isama nila sa Ehipto ang kanilang nakababatang kapatid na si Benjamin. (Gen 41:57; 42:1-20) Ngunit nang sabihin kay Jacob kung ano ang iniuutos, sa simula ay tumanggi siyang pasamahin si Benjamin, palibhasa’y natatakot na baka mapahamak ang minamahal na anak na ito sa kaniyang katandaan; si Benjamin noon ay di-kukulangin sa 22 taóng gulang. (Gen 42:29-38) Nang maubos na ang lahat ng pagkaing kinuha sa Ehipto, napilitan si Jacob na pasamahin si Benjamin.​—Gen 43:1-14; Gaw 7:12.

Nang magkasundo na si Jose at ang kaniyang mga kapatid, inanyayahan ni Jose si Jacob at ang buong sambahayan nito, kasama ang lahat ng kanilang alagang hayop at pag-aari, na lumipat sa matabang lupain ng Gosen sa delta ng Ehipto, sapagkat ang malaking taggutom ay nakatalagang tumagal pa nang limang taon. Naglaan pa nga si Paraon ng mga karwahe at panustos na pagkain bilang tulong sa kanila. (Gen 45:9-24) Nang naglalakbay na, tiniyak ni Jehova kay Jacob na ang paglipat na ito ay kaniyang pinagpala at sinang-ayunan. (Gen 46:1-4) Ang lahat ng kaluluwa na itinuring na bahagi ng sambahayan ni Jacob, kasama si Manases, si Efraim, at ang iba pa na maaaring ipinanganak sa Ehipto bago namatay si Jacob, ay may bilang na 70. (Gen 46:5-27; Exo 1:5; Deu 10:22) Hindi kasama rito si Lea, na namatay sa Lupang Pangako (Gen 49:31), o ang mga anak na babae ni Jacob na hindi binanggit ang pangalan, o ang mga asawa ng kaniyang mga anak na lalaki.​—Gen 46:26; ihambing ang Gen 37:35.

Pagdating sa Ehipto noong 1728 B.C.E., dinala si Jacob sa korte ni Paraon at doon ay binati niya ang hari sa pamamagitan ng isang pagpapala. Inilarawan ni Jacob ang kaniyang sarili bilang isang naninirahang dayuhan (gaya nina Abraham at Isaac, sapagkat tulad nila, hindi pa rin niya minamana ang lupaing ipinangako ng Diyos). Nang tanungin ang kaniyang edad, tumugon si Jacob na siya’y 130 taóng gulang ngunit kung ihahambing sa kaniyang mga ninuno, ang kaniyang mga araw ay “kakaunti at nakapipighati.”​—Gen 47:7-10.

Nang malapit na siyang mamatay, pinagpala ni Jacob ang kaniyang mga apo, ang mga anak ni Jose, at, sa patnubay ng Diyos, inilagay niyang una ang nakababatang si Efraim sa nakatatandang si Manases. Pagkatapos ay sinabi ni Jacob kay Jose, na siyang tatanggap ng dobleng bahagi ng panganay sa mana: “Ibinibigay ko sa iyo ang isang balikat ng lupain na higit kaysa sa iyong mga kapatid, na kinuha ko mula sa kamay ng mga Amorita sa pamamagitan ng aking tabak at sa pamamagitan ng aking busog.” (Gen 48:1-22; 1Cr 5:1) Yamang mapayapa namang binili ni Jacob mula sa mga anak ni Hamor ang lote ng lupa na malapit sa Sikem (Gen 33:19, 20), waring ang pangakong ito kay Jose ay kapahayagan ng pananampalataya ni Jacob, na doo’y inihuhula niya na ang Canaan ay masasakop ng kaniyang mga inapo anupat para bang ito’y naisagawa na ng kaniyang sariling tabak at busog. (Tingnan ang AMORITA.) Ang dobleng bahagi ni Jose sa nasakop na lupaing iyon ay binubuo ng dalawang takdang bahagi na ibinigay sa mga tribo nina Efraim at Manases.

Bago siya mamatay, nag-ipon si Jacob ng lakas upang isa-isa niyang mapagpala ang kaniyang 12 anak. (Gen 49:1-28) Nagpakita siya ng pananampalataya sa katuparan ng mga layunin ni Jehova. (Heb 11:21) Dahil sa kaniyang pananampalataya at dahil espesipikong pinagtibay sa kaniya ni Jehova ang Abrahamikong tipan ng pagpapala, sa Kasulatan ay madalas tukuyin si Jehova hindi lamang bilang Diyos ni Abraham at ni Isaac kundi bilang Diyos din ni Jacob.​—Exo 3:6; 1Cr 29:18; Mat 22:32.

Sa wakas, noong 1711 B.C.E., pagkatapos ng 17-taóng paninirahan sa Ehipto, namatay si Jacob sa edad na 147. (Gen 47:27, 28) Sa gayon ay nagwakas ang yugto ng kasaysayan mula sa kapanganakan ni Jacob hanggang sa kaniyang kamatayan, isang kasaysayan na sumaklaw sa mahigit na kalahati ng mga pahina ng aklat ng Genesis. (Kab 25-50) Kaayon ng kahilingan ni Jacob na ilibing siya sa Canaan, ipinaembalsamo muna ni Jose sa mga manggagamot na Ehipsiyo ang katawan ng kaniyang ama bilang paghahanda para sa paglalakbay. Pagkatapos, alinsunod sa pagiging prominente ng kaniyang anak na si Jose, isang maringal na prusisyon ng libing ang yumaon mula sa Ehipto. Nang makarating ito sa pook ng Jordan, nagkaroon ng pitong-araw na ritwal ng pagdadalamhati, at pagkatapos nito ay inilibing ng mga anak ni Jacob ang kanilang ama sa yungib ng Macpela kung saan nakalibing sina Abraham at Isaac.​—Gen 49:29-33; 50:1-14.

2. Ang “Jacob” ay madalas gamitin ng mga propeta sa makasagisag na diwa upang tumukoy sa bansa na nagmula sa patriyarkang ito. (Isa 9:8; 27:9; Jer 10:25; Eze 39:25; Am 6:8; Mik 1:5; Ro 11:26) Sa isang pagkakataon, ginamit ni Jesus ang pangalang Jacob sa makasagisag na paraan upang tumukoy sa mga makakasama “sa kaharian ng langit.”​—Mat 8:11.

3. Ang ama ni Jose na asawa ni Maria, na ina ni Jesus.​—Mat 1:15, 16.