Jael
[Kambing-Bundok].
Ang asawa ni Heber na Kenita, samakatuwid ay hindi Israelita, at ang pumatay sa pinuno ng hukbong Canaanita na si Sisera.
Kasama ng kaniyang asawa, si Jael ay nagtotolda malapit sa Kedes, at may kapayapaan sa pagitan ni Heber at ng mga maniniil na Canaanita. (Huk 4:10, 11, 17, 21; tingnan ang KEDES Blg. 3.) Nang matalo ng Israel si Sisera, tumakas ito patungo sa neutral na kampamento ni Heber, kung saan inanyayahan ito ni Jael sa loob ng kaniyang tolda. Pagkatapos ay tinalukbungan niya ito ng kumot. Nang humingi si Sisera ng tubig, binigyan niya ito ng isang mangkok na pampiging na may kurtadong gatas na maiinom. Matapos niya itong talukbungang muli, sinabi nito sa kaniya na tumayo sa pasukan ng tolda at magbantay. Palibhasa’y iniisip na ligtas siya bilang kaniyang panauhin, ang pagod at nanlulupaypay na si Sisera ay kaagad na nakatulog nang mahimbing. Nang magkagayon, si Jael, na tiyak na sanay magpabaon ng mga tulos ng tolda sa lupa dahil naninirahan siya sa tolda, ay tahimik na lumapit kay Sisera dala ang isang martilyo at isang tulos ng tolda, na itinarak niya sa ulo nito at pinatagos hanggang sa lupa. Nang dumating ang tumutugis na si Barak, ipinakita ni Jael sa kaniya ang pinuno ng hukbo, na patay na sa “kamay ng isang babae,” gaya ng inihula ni Debora. (Huk 4:9, 17-22) Ang lakas-loob na pagkilos ni Jael laban sa kaaway ni Jehova ay pinupuri sa awit ng tagumpay nina Debora at Barak, kung saan ipinapahayag din na si Jael ay “lubhang pagpapalain sa mga babae.”—Huk 5:6, 24-27.