Janoa
[mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “magpahinga; manatili”].
1. Isang lokasyon sa hangganan ng Efraim. Karaniwang ipinapalagay na ito ay ang Khirbet Yanun, na mga 20 km (12 mi) sa TS ng Samaria.—Jos 16:5-7.
2. Isang lunsod sa sampung-tribong kaharian. Kinuha ito ni Tiglat-pileser III noong panahon ng paghahari ni Peka (mga 778-759 B.C.E.). Ang mga naninirahan dito ay ipinatapon sa Asirya. (2Ha 15:29) Hindi tiyak kung saan ang eksaktong lokasyon ng Janoa. Bagaman ipinapalagay ng ilan na ito ay ang Yanouh, na mga 10 km (6 na mi) sa S ng Tiro, itinuturing na napakalayo ng lokasyong ito sa K ng iba pang mga lunsod na nakatala sa 2 Hari 15:29. Pinapaboran naman ng karamihan sa mga iskolar ang Tell en-Naʽmeh, na mga 10 km (6 na mi) sa HS ng Kedes sa Galilea.