Jason
[posibleng mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “pagalingin”].
Isang prominenteng Kristiyano sa Tesalonica na ‘malugod na tumanggap kina Pablo at Silas’ noong unang paglalakbay ng mga ito patungong Macedonia. Isang pangkat ng naninibughong mga Judio ang humayo upang kunin sina Pablo at Silas mula sa bahay ni Jason, ngunit, nang hindi masumpungan doon ang mga ito, kinuha nila sa halip si Jason at ginawa siyang pangunahing nasasakdal sa mga paratang ng sedisyon laban kay Cesar. Si Jason at ang iba pang kasama niya ay pinalaya pagkatapos magbigay ng “sapat na paniguro,” marahil sa pamamagitan ng pagpipiyansa.—Gaw 17:5-10.
Sa liham ni Pablo sa mga taga-Roma, isinulat mula sa Corinto noong sumunod nitong paglalakbay sa Macedonia at Gresya, si Jason ay isa sa mga nagpadala ng mga pagbati na inilakip doon. (Ro 16:21) Kung siya rin ang Jason sa Tesalonica, lumilitaw na pumaroon siya sa Corinto, posibleng kasama ni Pablo. Tinawag siyang isang “kamag-anak” ni Pablo, na maaaring mangahulugang siya ay isang kababayan, bagaman ang pangunahing kahulugan ng salitang Griego ay “kadugong kamag-anak sa iisang salinlahi.” Kung siya ay isang malapit na kamag-anak ni Pablo sa laman, natural lamang na sa kaniya makikipanuluyan si Pablo sa Tesalonica.