Jaspe
Ang makabagong jaspe ay isang uri ng kwarts na hindi napaglalagusan ng liwanag at may halong iron oxide. Ang mga kulay nito, na kadalasa’y patung-patong, ay puti, pula, dilaw, kayumanggi, o itim. Ang jaspe ay mas matigas kaysa sa salamin at matatagpuang nakadikit nang buu-buo sa mga batong metamorphic o bilang hiwalay na mga kristal. Ang pinakamaiinam na uri ay ginagamit bilang mga batong hiyas at napakikintab nang husto. Gayunman, yamang ang jaspe (sa Gr., iʹa·spis) sa Apocalipsis 21:11 ay tinatawag na “isang napakahalagang bato . . . na kumikinang na sinlinaw ng kristal,” naniniwala ang ilang iskolar na maaaring ang sinaunang batong tinutukoy ay mas bibihira at mas mahal kaysa sa makabagong jaspe na di-gaanong mamahalin, at makinang at nanganganinag sa halip na hindi napaglalagusan ng liwanag. Iminumungkahi ng ilang iskolar na ang terminong Griego nito ay aktuwal na tumutukoy sa diamante.
Isang batong jaspe (sa Heb., ya·halomʹ) na kumakatawan sa isa sa 12 tribo ng Israel ang inilagay sa huling posisyon sa ikalawang hanay ng mga bato sa “pektoral ng paghatol” ni Aaron. (Exo 28:2, 15, 18, 21; 39:11) Ang “pananamit” na punô ng hiyas na isinuot ng hari ng Tiro ay napapalamutian ng jaspe. (Eze 28:12, 13) Sa pangitain hinggil sa marilag na trono ni Jehova sa langit, namasdan ni Juan na “ang nakaupo, sa kaanyuan, ay tulad ng batong jaspe at ng mahalagang kulay-pulang bato.” (Apo 4:1-3, 10, 11) “Ang banal na lunsod, ang Bagong Jerusalem,” ay inilalarawang may kaningningang gaya ng “batong jaspe na kumikinang na sinlinaw ng kristal.” Ang istraktura ng pader ng banal na lunsod ay jaspe, gaya ng unang batong pundasyon.—Apo 21:2, 10, 11, 18, 19.