Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Javan

Javan

Ikaapat na nakatalang anak ni Japet at ama nina Elisa, Tarsis, Kitim, at Dodanim (o Rodanim). Bilang mga inapo ni Noe na nabuhay pagkaraan ng Baha, kabilang sila sa populasyon “ng mga isla ng mga bansa,” isang pariralang maaari ring tumukoy sa mga baybaying lupain at hindi lamang sa mga pulong napalilibutan ng tubig. (Gen 10:2, 4, 5; 1Cr 1:5, 7) Ipinakikita ng katibayan ng kasaysayan na ang mga inapo ni Javan at ng kaniyang apat na anak ay namayan sa mga pulo at mga baybaying lupain ng Dagat Mediteraneo mula sa Ciprus (Kitim) hanggang sa kanlurang Mediteraneo.​—Tingnan ang DODANIM; ELISA; KITIM; TARSIS Blg. 1.

Ipinakikilala si Javan (sa Heb., Ya·wanʹ) bilang ang pinagmulan ng sinaunang mga Ioniano, na tinatawag ng ilan bilang “ang tribong pinanggalingan ng mga Griego.” (Commentary on the Old Testament, ni C. F. Keil at F. Delitzsch, 1973, Tomo I, The First Book of Moses, p. 163) Ginamit ng makatang si Homer (marahil ng ikawalong siglo B.C.E.) ang pangalang I·aʹo·nes bilang pagtukoy sa sinaunang mga Griego, at pasimula kay Sargon II (ikawalong siglo B.C.E.), nagsimulang lumitaw ang pangalang Jawanu sa mga inskripsiyong Asiryano.

Sa paglipas ng panahon ang pangalang Ionia ay ikinapit na lamang sa Attica (ang rehiyon sa palibot ng Atenas), sa kanluraning baybayin ng Asia Minor (katumbas ng mga baybayin ng mga probinsiyang Lydia at Caria nang dakong huli), at sa kalapit na mga pulo ng Dagat Aegeano. Ioniano pa rin ang pangalan ng dagat na nasa pagitan ng timugang Gresya at ng timugang Italya, at kinikilala na lubhang sinauna ang pinanggalingan ng pangalang ito, anupat sumusuporta ito sa pangmalas na ang anyong ito ng pangalan ni Javan ay dating kumakapit sa pinakakontinente ng Gresya at gayundin sa mas maliit na lugar na nang dakong huli ay tinukoy bilang “Ionia.”

Pagkatapos ng ulat ng Genesis, ang mga inapo ni Javan ay unang nabanggit ng propetang si Joel noong huling bahagi ng ikasiyam na siglo B.C.E. Doon ay hinatulan ng propeta ang mga taga-Tiro, mga Sidonio, at ang mga Filisteo dahil ipinagbili ng mga ito ang mga anak ng Juda at Jerusalem sa kanilang pagbebenta ng alipin sa “mga anak ng mga Griego” (sa literal, “mga Javanita,” o “mga Ioniano”). (Joe 3:4-6) Noong ikawalong siglo B.C.E., inihula ni Isaias na ang ilan sa mga Judiong makaliligtas sa kapahayagan ng poot ng Diyos ay maglalakbay sa maraming lupain, lakip na ang “Javan,” anupat ipahahayag doon ang kaluwalhatian ni Jehova.​—Isa 66:19.

Noong huling bahagi ng ikapito o maagang bahagi ng ikaanim na siglo B.C.E., ang mga alipin at mga tansong kagamitan ay itinala bilang mga bagay na inilalaan ng “Javan, Tubal at Mesec [anupat maliwanag na ang huling nabanggit na mga dakong ito ay nasa silanganing Asia Minor o nasa H niyaon]” sa Tiro na isang mayamang sentro ng komersiyo. (Eze 27:13) Muli na namang binanggit ng talata 19 ng hula ring iyon ang Javan, ngunit dahil ang ibang mga lugar na binanggit sa konteksto ay nasa Sirya, Palestina, at Arabia, minamalas ng iba na ang paglitaw ng pangalang Javan doon ay resulta ng isang pagkakamali ng eskriba. Sa halip na kabasahan ng “ang Javan mula sa Uzal,” isinasalin ng Griegong Septuagint ang Javan bilang “alak,” sa gayo’y kababasahan ng, “at may alak. Mula sa Asel [Uzal].” (LXX, Thomson) Ang Revised Standard Version ay kababasahan ng “at alak mula sa Uzal.” Gayunman, iminumungkahi ng iba na ang Javan dito ay maaaring tumutukoy sa isang kolonyang Griego na nasa Arabia o na marahil ay pangalan ito ng isang tribo o bayang Arabe.

Sa hula ni Daniel, ang “Javan” ay karaniwang isinasalin bilang “Gresya,” yamang ang kahulugang ito ay malinaw mula sa katuparan sa kasaysayan ng mga isinulat ni Daniel. (Dan 8:21; 10:20; 11:2) Gayundin naman ang hula ni Zacarias (520-518 B.C.E.), na patiunang nagsasabi ng tungkol sa matagumpay na pakikidigma ng ‘mga anak ng Sion’ laban sa Javan (Gresya).​—Zac 9:13.