Jazer
[Tumulong Nawa [ang Diyos]].
Isang Amoritang lunsod na may mga sakop na bayan. Matatagpuan ito sa S ng Jordan. Noong panahon ni Moises, kinuha ng mga Israelita ang Jazer at ang rehiyon sa palibot nito. (Bil 21:25, 32) Bagaman noong una ang Jazer ay ipinagkaloob sa Gad at pinatibay ng tribong iyon, nang maglaon ay iniatas ito sa mga Levita. (Bil 32:1, 3-5, 34, 35; Jos 13:24, 25; 21:34, 38, 39; 1Cr 6:77, 81) Isa ito sa mga lugar na binanggit may kaugnayan sa rutang tinahak ni Joab at ng mga pinuno ng mga hukbong militar nang kunin nila ang sensus na iniutos ni David nang walang pahintulot ng Diyos. (2Sa 24:4, 5) Sa pagtatapos ng paghahari ni David, ang ilang makapangyarihang lalaki mula sa mga Hebronitang naninirahan sa Jazer ay inatasan ng mga tungkuling administratibo sa teritoryo ng Israel sa S ng Jordan.—1Cr 26:31, 32.
Noong ikawalong siglo B.C.E., ang Jazer ay nasa mga kamay ng mga Moabita. Nang panahong iyon, kung hindi man mas maaga pa roon, waring ang rehiyong ito’y napabantog sa pag-uubasan nito. Ang Jazer at ang iba pang mga Moabitang lunsod ay inihulang daranas ng kapahamakan.—Isa 16:8-10; Jer 48:32, 33.
Iba’t ibang posibleng pagkakakilanlan ang iminumungkahi para sa sinaunang Jazer, ngunit hindi pa rin alam kung saan ang eksaktong lokasyon nito.