Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Jebus

Jebus

[malamang na mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “yurakan; yapakan”], Jebusita.

Ang Jebus ay isang sinaunang lunsod ng mga Jebusita na nasa dako na kilalá ngayon bilang Jerusalem.

Noong panahon ni Abraham bago ang taóng 1900 B.C.E., ang lugar na ito ay tinawag na Salem (nangangahulugang “Kapayapaan”), na nakapaloob sa pangalang Jerusalem at maaaring isang pinaikling anyo nito. (Heb 7:2) Ang Urusalim (Jerusalem) ay binanggit sa Amarna Tablets na natagpuan sa Ehipto. At sa mga aklat ng Josue, Mga Hukom, at Unang Samuel, kung saan binanggit ang mga pangyayari bago malupig ni David ang lunsod, ang dako ay madalas na tawaging Jerusalem. (Jos 10:1, 3, 5, 23; 12:10; 15:8, 63; 18:28; Huk 1:7, 8, 21; 19:10; 1Sa 17:54) Sa dalawang teksto lamang ito tinutukoy bilang Jebus. (Huk 19:10, 11; 1Cr 11:4, 5) Sa Josue 18:28 Yevu·siʹ ang lumilitaw sa Hebreo, ang hulaping i ay nagpapahiwatig ng mga tao, ang mga tumatahan sa lunsod.

Kaya nga waring maliwanag sa karamihan sa mga iskolar na Jerusalem (o, posible, Salem) ang orihinal na pangalan ng lunsod, at na tanging noong manirahan dito ang mga Jebusita saka ito tinawag paminsan-minsan na Jebus. Sinasang-ayunan din ng karamihan na ang “Jebus” ay hindi pinaikling anyo ng Jerusalem kundi, sa halip, pinaikling anyo ng mga Jebusita, ang tawag sa mga nakatira sa dakong ito sa loob ng ilang panahon. Pagkatapos bihagin ni David ang tanggulang ito ng Sion at itatag ang kaniyang maharlikang tirahan doon, kung minsan ay tinatawag ito noon bilang ang “Lunsod ni David.”​—2Sa 5:7.

Ang mga Jebusita, na tumira sa lunsod na ito at sa nakapalibot na lupain, ay mga inapo nina Ham at Canaan. (Gen 10:15, 16, 20; 1Cr 1:13, 14) Kapag binabanggit na kasama ng kanilang mga kamag-anak (mga Hiteo, mga Girgasita, mga Amorita, mga Canaanita, mga Perizita, mga Hivita), ang mga Jebusita ay karaniwan nang huling itinatala, marahil dahil sila ang pinakakaunti ang bilang. (Deu 7:1; Huk 3:5) Inuri sila bilang isang bayan na nananahanan sa bundok (Bil 13:29), at ang kanilang lupain ay tinutukoy, sa makasagisag na paraan, bilang “isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.”​—Exo 3:8, 17.

Ipinangako ni Jehova kay Abraham na ibibigay niya rito at sa binhi nito ang lupain ng mga Jebusita. (Gen 15:18-21; Ne 9:8) Bilang pagtupad sa pangakong ito, inilabas ni Jehova ang kaniyang piling bayan mula sa Ehipto, at habang tumatawid sila sa Jordan, isinugo ng Diyos sa unahan ang kaniyang anghel, anupat nag-utos na magpakalakas sila at na paalisin nila ang lahat niyaong lumalaban sa kanila. (Exo 13:3-5; 23:23; 33:1, 2) Hindi sila makikipagtipan at hindi sila makikipag-alyansa ukol sa pag-aasawa sa mga Jebusita at sa iba pang mga Canaanita kundi, sa halip, itatalaga nila ang mga ito sa lubusang pagkapuksa, anupat walang anumang bagay na humihinga ang iiwan nilang buháy, “upang hindi nila kayo maturuang gawin ang ayon sa lahat ng kanilang mga karima-rimarim na bagay.”​—Exo 34:11-16; Deu 20:16-18.

Nang mapansin ang mga tagumpay ng mga Israelita sa pagsakop ng lupain​—ang pagbihag sa Jerico at Ai at gayundin ang pagsuko ng mga Gibeonita​—pinangunahan ng Jebusitang haring si Adoni-zedek ang isang alyansa ng limang hari na determinadong pahintuin ang pagsalakay. (Jos 9:1, 2; 10:1-5) Sa sumunod na pagbabaka, kung saan pinangyari ni Jehova na tumigil ang araw at buwan, ang mga hukbo ng kompederasyon ay natalo, ang mga hari ay binihag at pinatay, at ang kanilang mga bangkay ay ibinayubay sa mga tulos para makita ng lahat. (Jos 10:6-27; 12:7, 8, 10) Maaaring pagkatapos ng tagumpay na ito sinilaban ng mga Israelita ang Jebus, anupat lubusan itong tinupok sa apoy.​—Huk 1:8.

Sa pagwawakas ng kampanya ng pananakop ni Josue sa T at sa gitnang mga bahagi ng Lupang Pangako, ibinaling niya ang kaniyang pansin sa hilagaang seksiyon sa K ng Jordan. Muli na namang nagtipun-tipon ang mga Jebusita upang lumaban, sa pagkakataong ito ay sa ilalim ng pangunguna ni Jabin, hari ng Hazor, at muli ay natalo sila ng Israel, sa tulong ni Jehova. (Jos 11:1-8) Gayunpaman, pagkatapos ng pagsunog sa Jebus at mga ilang panahon bago ang paghahati-hati ng lupain, hawak ng mga Jebusita ang estratehikong matataas na dako ng Jerusalem, na hinawakan nila sa loob ng 400 taon.​—Jos 15:63.

Ang lunsod ng Jebus ay iniatas sa Benjamin nang hati-hatiin ang lupain, at ito ay nasa pinakahanggahan sa pagitan ng mga teritoryo ng tribo nina Juda at Benjamin. (Jos 15:1-8; 18:11, 15, 16, 25-28) Gayunman, hindi pinalayas ng mga Israelita ang mga Jebusita kundi, sa halip, pinahintulutan ang kanilang mga anak na lalaki at mga anak na babae na makipag-asawa sa mga taong ito, at sumamba pa nga sila sa huwad na mga diyos ng mga Jebusita. (Huk 1:21; 3:5, 6) Noong yugtong iyon ay nanatili itong “isang lunsod ng mga banyaga,” kung saan noong minsan ay tumangging magpalipas ng gabi ang isang Levita.​—Huk 19:10-12.

Sa wakas, noong 1070 B.C.E., nalupig ni David ang Sion, ang moog ng mga Jebusita. (2Sa 5:6-9; 1Cr 11:4-8) Nang maglaon ay binili ni David ang giikan sa dakong H mula sa isang Jebusita na nagngangalang Arauna (Ornan), at nagtayo siya roon ng isang altar at naghandog ng pantanging mga hain. (2Sa 24:16-25; 1Cr 21:15, 18-28) Pagkaraan ng ilang taon, sa dakong ito itinayo ni Solomon ang mamahaling templo. (2Cr 3:1) Pagkatapos nito, inilagay ni Solomon ang mga inapo ng mga Jebusita upang magtrabaho sa malaking programa ng pagtatayo, anupat pinagtrabaho sila bilang mga alipin.​—1Ha 9:20, 21; 2Cr 8:7, 8.

Sa huling pagtukoy sa mga Jebusita, nalaman natin na bilang isang grupong etniko ay naroon pa rin sila upang hawahan ang pagsamba ng mga Israelita pagbalik ng mga ito mula sa pagkatapon sa Babilonya.​—Ezr 9:1, 2.