Jedaias
Dalawang pangalang Hebreo, magkaiba ng baybay at kahulugan, ang tinutumbasan ng iisang transliterasyon sa Tagalog.
[1, 2: sa Heb., Yedha·yahʹ]
1. Isang Simeonita na ang inapong si Ziza ay isang pinuno noong namamahala si Hezekias.—1Cr 4:24, 37, 38, 41.
2. Isang tumatahan sa Jerusalem na nabuhay pagkaraan ng pagkatapon na nagkumpuni sa bahagi ng pader ng lunsod sa harap ng kaniyang bahay; anak ni Harumap.—Ne 3:10.
[3-8: sa Heb., Yedhaʽ·yahʹ, Alam ni Jah]
3. Isang sambahayan ng mga saserdote sa panig ng ama na pinili sa pamamagitan ng palabunutan para sa ika-2 sa 24 na grupo ng mga saserdote na dito ay hinati-hati ni David ang pagkasaserdote.—1Cr 24:1, 6, 7.
Nakatala sa ibaba ang ilang saserdoteng nabuhay pagkaraan ng pagkatapon na tinawag sa pangalang Jedaias, ang ilan ay malamang na mga miyembro ng iisang sambahayan sa panig ng ama, ngunit mahirap itong matiyak.
4. Isang saserdote, o posibleng mga miyembro ng sambahayan sa panig ng ama na binanggit sa itaas, na nanirahan sa Jerusalem pagkabalik mula sa Babilonya. Ang pagtawag kay Jedaias bilang “anak ni” Joiarib sa Nehemias 11:10 ay maaaring idinagdag ng tagakopya, gaya ng ipinahihiwatig ng paghahambing sa 1 Cronica 9:10. Ang Jedaias at ang dalawang iba pa (ang Joiarib o Jehoiarib at ang Jakin) sa pasimula ng talaan sa Nehemias at Mga Cronica ay mga pangalan din ng mga sambahayan sa panig ng ama noong panahon ni David. (1Cr 24:6, 7, 17) Kaya maaaring ang tinutukoy lamang ay yaong mga sambahayan sa panig ng ama, anupat ipinakikitang sila ay may kinatawan, samantalang ang sumusunod na mga pangalan ay maaaring mga indibiduwal; o maaaring ang lahat ng mga pangalan ay mga indibiduwal na nabubuhay noon.—1Cr 9:10-12; Ne 11:10-13.
5. Ninuno ng 973 saserdote na bumalik mula sa Babilonya kasama ni Zerubabel. (Ezr 2:1, 2, 36; Ne 7:39) Malamang na ang mga ito ay mga miyembro ng iisang sambahayan sa panig ng ama (Blg. 3), maliban kung ang kanilang pagiging “mula sa sambahayan ni Jesua” ay tumutukoy sa anumang kaugnayan sa linya ng mga mataas na saserdote.
6, 7. Dalawang saserdote na may ganitong pangalan ang kabilang sa talaan ng mga bumalik kasama nina Jesua at Zerubabel noong 537 B.C.E. (Ne 12:1, 6, 7) Noong panahon ng pagkasaserdote ng kahalili ni Jesua na si Joiakim, ang bawat isa sa dalawang ito ay tinukoy bilang isang sambahayan sa panig ng ama, ang isa ay kinatawanan ni Uzi at ang isa naman ay ni Netanel. (Ne 12:12, 19, 21) Hindi matiyak kung alinman sa dalawa o kapuwa ang mga Jedaias na ito ay may kaugnayan sa orihinal na sambahayan sa panig ng ama (Blg. 3).
8. Isa sa pinabalik na mga tapon na pinagkunan ng ginto at pilak na ginawang korona para sa mataas na saserdoteng si Josue. (Zac 6:10-14) Walang espesipikong sinasabi kung may kaugnayan siya sa mga saserdoteng binanggit sa itaas.