Jehoahaz
[Tanganan Nawa ni Jehova; Tinanganan ni Jehova].
1. Naiibang baybay sa pangalan ni Ahazias, na humalili sa kaniyang amang si Jehoram bilang hari ng Juda noong huling bahagi ng ikasampung siglo B.C.E. (2Cr 21:16, 17; 22:1) Sa isa pang baybay na ito, na masusumpungan din sa tekstong Masoretiko sa 2 Cronica 25:23, ay inililipat lamang ang banal na pangalan upang maging unlapi sa halip na hulapi. Minsan ay tinawag na Azarias ang haring ito ng Juda.—2Cr 22:6b; tingnan ang AHAZIAS Blg. 2.
2. Anak at kahalili ni Haring Jehu bilang hari ng Israel. Naghari si Jehoahaz sa loob ng 17 taon, mula 876 hanggang noong mga 860 B.C.E. (2Ha 10:35; 13:1) Nang halinhan niya ang kaniyang ama sa trono, ang malaking bahagi ng nasasakupan ay nasa panunupil ng Siryanong si Haring Hazael ng Damasco, na siyang umagaw kay Jehu ng buong teritoryo ng Israel sa S ng Ilog Jordan. (2Ha 10:32-34) At dahil ginawa ni Jehoahaz ang masama sa paningin ni Jehova, pinahintulutan ng Diyos si Hazael na patuloy na siilin ang Israel sa lahat ng mga araw ni Jehoahaz, anupat kumaunti ang kaniyang hukbong pandigma tungo na lamang sa 50 mangangabayo, 10 karo, at 10,000 kawal na naglalakad. Nang dakong huli, hinanap ni Jehoahaz ang lingap ni Jehova, at dahil sa tipan kina Abraham, Isaac, at Jacob, hindi pinahintulutan ni Jehova na lubusang lipulin ng Sirya ang Israel. (2Ha 13:2-7, 22, 23) Nang mamatay si Jehoahaz ay inilibing siya sa Samaria at hinalinhan sa trono ng kaniyang anak na si Jehoas.—2Ha 13:8, 9; 2Cr 25:17.
May mga salin, gayundin ang tekstong Masoretiko, na binabaybay ang pangalang ito bilang Joahaz sa 2 Hari 14:1.—Tingnan ang JOAHAZ Blg. 1.
3. Anak at kahalili ni Josias bilang hari ng Juda. Ang pangalan ng kaniyang ina ay Hamutal. (2Ha 23:31) Ayon sa ilang manuskrito, tinatawag siya nina Ezra at Jeremias na Salum, na iminumungkahi ng ilan na maaaring naging pangalan niya bago siya lumuklok sa trono. (1Cr 3:15; Jer 22:11) Pagkamatay ng kaniyang ama sa mga kamay ni Paraon Necoh ng Ehipto, si Jehoahaz (bagaman hindi ang pinakamatanda sa nabubuhay na mga anak ni Josias) ang lumilitaw na pinili ng bayan bilang kahalili sa trono. (2Ha 23:29, 30) Sa 2 Cronica 36:2, kung saan binanggit ang pangyayari ring ito, makikita sa ilang salin (AS, AT, JP, Ro) ang pinaikling anyo na Joahaz para sa Jehoahaz.—Tingnan ang JOAHAZ Blg. 3.
Dalawampu’t tatlong taóng gulang si Jehoahaz nang gawin siyang hari, at naging masama ang pamamahala niya sa loob ng tatlong buwan noong maagang bahagi ng taóng 628 B.C.E., hanggang nang ibilanggo siya ni Paraon sa Ribla. Nang maglaon ay dinala siya sa Ehipto, kung saan siya namatay bilang bihag, gaya ng inihula ng propetang si Jeremias.—2Ha 23:31-34; Jer 22:10-12.