Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Jehoas

Jehoas

1. Hari ng Juda sa loob ng 40 taon, mula 898 hanggang 859 B.C.E. Siya ang bunsong anak ni Haring Ahazias ng Juda; ang kaniyang ina ay si Zibia na mula sa Beer-sheba. (2Ha 12:1; 1Cr 3:11) Sa tekstong Masoretiko, ang kaniyang pangalan ay kadalasang pinaiikli sa anyong Joas.

Dahil sa pagkamatay ni Ahazias, si Athalia, ang balakyot na lola ni Jehoas, ay nagkaroon ng dahilan upang gawing reyna ang sarili nito. Ngunit upang sa hinaharap ay hindi siya hamunin ninuman sa kaniyang pag-agaw sa trono, pinatay niya ang lahat ng mga anak ni Ahazias maliban sa batang si Jehoas, na nang panahong iyon ay isang sanggol na wala pang isang taóng gulang. Nakaligtas siya sa lansakang pagpatay dahil sila ng kaniyang yaya ay kinuha ng kaniyang tiyang si Jehosheba, na asawa ng mataas na saserdoteng si Jehoiada, at lihim silang itinago sa templo sa loob ng anim na taon.​—2Ha 11:1-3; 2Cr 22:10-12.

Nang sumapit ang bata sa edad na pitong taóng gulang, may-pagtitiwalang isiniwalat ni Jehoiada sa limang pinuno sa kauna-unahang pagkakataon ang legal na tagapagmana ng trono. Pagkatapos, ang 500 lalaking nasa ilalim ng pangunguna ng mga pinunong ito ay sinandatahan ni Jehoiada ng mga kalasag at mga sandata mula sa templo at tinagubilinan niya silang magbantay sa palibot ni Jehoas sa seremonya ng koronasyon sa looban ng templo. Ang sinumang magtatangkang makialam ay papatayin. (2Ha 11:4-12, 21; 2Cr 23:1-11) Nang marinig na humihiyaw ang bayan, nagtatakbo si Athalia, at nagsisigaw, “Sabuwatan! Sabuwatan!” Kaagad siyang inilabas, at pinatay nila siya sa pasukan ng pintuang-daan ng mga kabayo. Nang magkagayon ay gumawa si Jehoiada ng isang tipan ng katapatan sa pagitan ni Jehova, ng bagong-itinalagang hari, at ng bayan, at pagkatapos nito ay giniba nila ang bahay ni Baal at winasak ang mga altar at mga imahen nito at pinatay pa nga nila si Mattan na saserdote ni Baal.​—2Ha 11:13-20; 2Cr 23:12-21.

Pagkatapos nito, hangga’t nabubuhay ang mataas na saserdoteng si Jehoiada at gumaganap bilang ama at tagapayo ni Jehoas, ang batang monarka ay umuunlad. Palibhasa’y may asawa na siya sa edad na 21 taon, nagkaroon siya ng dalawang asawa, na ang isa sa kanila ay nagngangalang Jehoadan, at sa mga ito ay nagkaanak si Jehoas ng mga lalaki at mga babae. Sa ganitong paraan, ang linya ni David na umaakay tungo sa Mesiyas, na muntik nang lubusang maputol, ay muling tumibay.​—2Ha 12:1-3; 2Cr 24:1-3; 25:1.

Ang bahay ni Jehova ay kailangang-kailangang kumpunihin hindi lamang dahil sa kalumaan nito (noon ay kulang sa 150 taon) kundi dahil din sa pagpapabaya at pandarambong noong panahon ng paghahari ni Athalia. Dahil dito, hinimok ni Jehoas ang mga Levita na mangalap ng salapi para sa muling pagsasaayos sa pamamagitan ng pagparoon sa bawat lunsod sa buong Juda, ngunit ang pagtugon ng mga Levita ay hindi buong-puso, at ang gawain ay hindi nagagampanan. (2Ha 12:4-8; 2Cr 24:4-7) Nang maglaon, ang mga kaayusan sa pagtitipon at pangangasiwa ng mga pondo ay binago. Mahusay ang naging pagtugon ng bayan, at ang gawaing pagkukumpuni ay sumulong hanggang sa matapos ito.​—2Ha 12:9-16; 2Cr 24:8-14.

Pagkamatay ng tapat na mataas na saserdoteng si Jehoiada sa edad na 130, unti-unting inilayo ng mga prinsipe sa lupain si Haring Jehoas at ang bayan mula kay Jehova tungo sa pagsamba sa mga paganong idolo at “mga sagradong poste” na anyong ari ng lalaki. At nang magbangon si Jehova ng mga propeta upang babalaan sila, tumanggi silang makinig. (2Cr 24:15-19) Pinatay pa nga ni Jehoas si Zacarias, ang mismong anak ni Jehoiada, dahil sa pamamagitan nito ay may-pagsaway na itinanong ng Diyos: “Bakit ninyo nilalabag ang mga utos ni Jehova?” Ang mga salita ni Zacarias bago siya mamatay ay: “Tingnan nawa ito ni Jehova at singilin.”​—2Cr 24:20-22.

Di-nagtagal at dumating ang kagantihan. Palibhasa’y inalis na ni Jehova ang kaniyang proteksiyon, nagawang salakayin ng isang maliit na hukbong militar ng mga Siryano na pinangunahan ni Hazael ang teritoryo ng Juda, anupat napilitan si Jehoas na ibigay ang ginto at mga kayamanan ng santuwaryo, gayundin ang kaniyang sariling mga pag-aari, sa gayon ay naiwan siyang isang taong sawi at may karamdaman. (2Ha 12:17, 18; 2Cr 24:23-25) Di-nagtagal pagkatapos nito, dalawa sa kaniyang mga lingkod ang bumuo ng sabuwatan at pinatay si Jehoas sa maituturing na batang edad na 47. Inilibing nila siya sa Lunsod ni David kasama ng kaniyang mga ninuno, at ang kaniyang anak na si Amazias ang nagharing kahalili niya.​—2Ha 12:19-21; 2Cr 24:25-27.

2. Hari ng Israel; anak ni Jehoahaz at apo ni Jehu. Ang pinaikling anyo ng kaniyang pangalan, Joas, ay lumilitaw rin sa tekstong Masoretiko. (Os 1:1; Am 1:1) Namahala siya sa loob ng 16 na taon noong kalagitnaan ng ikasiyam na siglo B.C.E. Noong unang bahagi ng paghahari ng Jehoas na ito (anak ni Jehoahaz) sa hilagang kaharian ng Israel, si Jehoas na anak ni Ahazias naman ang hari sa timugang kaharian ng Juda.​—2Ha 13:10.

Sa pangkalahatan ay ginawa ni Jehoas ang masama sa paningin ni Jehova at pinahintulutan niyang magpatuloy ang pagsamba sa guya sa buong lupain. Gayunpaman, nang magkasakit ang propetang si Eliseo at malapit nang mamatay, bumaba si Jehoas at tinangisan siya, na sinasabi: “Ama ko, ama ko, ang karong pandigma ng Israel at ang kaniyang mga mangangabayo!” (2Ha 13:11, 14) Bilang tugon sa kahilingan ng propeta, nagpahilagpos si Jehoas ng isang palaso sa labas ng bintana patungong Sirya at pagkatapos ay hinampas niya ng kaniyang mga palaso ang lupa. Gayunman, humampas lamang siya nang tatlong ulit. Nagalit si Eliseo dahil dito, sapagkat kung itinuloy lamang niyang hampasin ang lupa nang lima o anim na ulit, ang sabi ni Eliseo, kung magkagayon ay lubusan sanang magtatagumpay si Jehoas laban sa mga Siryano; ngunit ngayon, ang pahayag ng propeta, tatlong bahagyang tagumpay lamang ang tatamasahin niya. (2Ha 13:15-19) Sa tatlong kampanya ni Jehoas laban sa mga Siryano ay nagkaroon siya ng isang antas ng tagumpay, anupat nabawi ang maraming Israelitang lunsod na kinuha ng ama ni Ben-hadad na si Hazael sa hilagang kaharian.​—2Ha 13:24, 25.

Pinaupahan din ni Jehoas sa hari ng Juda ang isang daang libo sa kaniyang mga pulutong upang makipaglaban sa mga Edomita. Gayunman, pinauwi ang mga ito dahil sa payo ng isang “lalaki ng tunay na Diyos,” at bagaman patiuna nang nabayaran ng isang daang talentong pilak ($660,600) ang mga ito, ikinagalit nila ang pagpapauwi sa kanila, malamang na dahil nawala ang inaasahan nilang bahagi sa samsam. Kaya pagkabalik nila sa H, nandambong sila sa mga bayan ng timugang kaharian, mula Samaria (marahil ay ang base ng kanilang mga operasyon) hanggang Bet-horon.​—2Cr 25:6-10, 13.

Malamang na bilang pagganti dito kung kaya inudyukan ng hari ng Juda si Jehoas na makipaglaban. Sa sumunod na pagbabaka, ang Judeanong si Haring Amazias ay nabihag sa Bet-semes, at sa kasunod pang pagbabaka, sinira ng mga hukbo ni Jehoas ang pader ng Jerusalem at pinasok ang lunsod, anupat sinamsaman ng ginto at pilak ang templo at ang bahay ng hari at nagdala ng mga bihag na panagot sa Samaria. (2Ha 14:8-14; 2Cr 25:17-24) Nang dakong huli, si Jehoas ay namatay at inilibing sa Samaria, at ang kaniyang anak na si Jeroboam II ang namahala bilang kahalili niya.​—2Ha 13:12, 13; 14:15, 16.