Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Jehoiada

Jehoiada

[Malaman Nawa ni Jehova].

1. Ama ng Benaias na halos laging ipinakikilala bilang “Benaias na anak ni Jehoiada,” at isa sa makapangyarihang mga lalaki ni David at siya ring pinuno ng hukbo ni Solomon. (2Sa 23:8, 20, 22, 23; 1Ha 2:35) Si Jehoiada mismo ay may kaugnayan sa pagkasaserdote, yamang tinatawag siyang “punong saserdote.” Tinutukoy siya bilang “ang lider ng mga anak ni Aaron” at kabilang siya sa mga pumisan kay David nang maging hari ito sa buong Israel sa Hebron.​—1Cr 27:5; 12:27, 38.

2. Isang tagapayo ni Haring David; lumilitaw na isang apo ng Blg. 1.​—1Cr 27:33, 34.

3. Mataas na saserdote noong panahon nina Jehoram, Ahazias, Athalia, at Jehoas. Napangasawa ni Jehoiada ang anak ni Haring Jehoram na si Jehosheba, tinatawag ding Jehosabet (ang tanging nakaulat na pakikipag-asawa ng isang mataas na saserdote sa maharlikang pamilya). Si Jehoiada ay lalo nang nakilala sa pagpapabagsak kay Athalia at sa pagtataas sa tunay na pagsamba sa Juda. Pagkatapos na mapatay ang namamahalang anak ni Athalia na si Ahazias, pinatay ni Athalia ang lahat ng nalalabing maharlikang supling at iniluklok ang kaniyang sarili sa trono. Gayunman, kinuha ni Jehosheba, na kapatid mismo ni Ahazias bagaman maaaring hindi anak ni Athalia, ang sanggol na anak ni Ahazias na si Jehoas at itinago ito sa loob ng anim na taon. Noong ikapitong taon, natamo ni Jehoiada ang suporta ng mga Levita, ng mga pinuno ng tagapagbantay na Cariano at ng mga mananakbo, at gayundin ng mga ulo ng mga sambahayan ng Israel sa panig ng ama. Pagkatapos ay inilabas niya si Jehoas, na kanilang ipinroklama bilang hari. Sumunod ay iniutos ni Jehoiada na dalhin si Athalia sa labas ng bakuran ng templo at patayin.​—2Ha 11:1-16; 2Cr 22:10–23:15.

Pagkatapos nito ay walang inaksayang panahon si Jehoiada upang isulong ang pagsamba kay Jehova. Muli niyang pinagtibay ang pakikipagtipan ng Israel kay Jehova, kung kaya giniba ng bayan ang bahay ni Baal at inalis ang mga altar, mga imahen, at ang pagkasaserdote nito. Nang magkagayon ay isinauli ni Jehoiada ang lahat ng paglilingkod sa templo. Nagkaroon siya ng malaking impluwensiya ukol sa ikabubuti ng buhay ni Jehoas. Kinumpuni ni Jehoiada at ng hari ang templo at gumawa ng sari-saring kagamitan para sa bahay ni Jehova. Nang dakong huli nang mamatay si Jehoiada sa edad na 130, binigyan siya ng natatanging karangalan na mailibing kasama ng mga hari “sapagkat gumawa siya ng mabuti sa Israel at sa tunay na Diyos at sa Kaniyang bahay.” Ngunit nakalulungkot, kasama niyang namatay ang kaniyang mabuting impluwensiya, sapagkat pagkatapos ay nakinig si Jehoas sa mga prinsipe ng Juda at lumihis kay Jehova, hanggang sa punto pa nga na ipinag-utos nito ang pagpatay sa anak ni Jehoiada na si Zacarias, na nagpahayag ng pagsaway sa di-tapat na bayan.​—2Ha 11:17–12:16; 2Cr 23:16–24:22.

4. Isang saserdoteng pinalitan ni Zefanias na anak ni Maaseias noong panahon ni Jeremias.​—Jer 29:24-27.