Jehoiakim
[posible, Ibinabangon ni Jehova].
Isa sa mga huling Judeanong hari, anak ni Josias kay Zebida, at dating tinatawag na Eliakim. (2Ha 23:34, 36; 1Cr 3:15) Ang masamang pamamahala ni Jehoiakim nang mga 11 taon (628-618 B.C.E.) ay kinakitaan ng mga kawalang-katarungan, paniniil, at pagpaslang. (2Cr 36:5; Jer 22:17; 52:2) Gayundin, sa panahon ng kaniyang paghahari ay nakaranas ang Juda ng labis na panliligalig mula sa mga pangkat ng mandarambong na Caldeo, Siryano, Moabita, at Ammonita.—2Ha 24:2.
Pagkamatay ni Haring Josias, sa di-malamang kadahilanan ay ginawang hari ng bayan ng Juda ang nakababatang kapatid ni Eliakim na si Jehoahaz. Pagkaraan ng mga tatlong buwan, dinalang bihag ni Paraon Neco (Necoh) si Haring Jehoahaz at ginawang hari ang 25-taóng-gulang na si Eliakim, anupat pinalitan ng Jehoiakim ang pangalan ng bagong tagapamahala. Nagpataw rin si Neco ng mabigat na multa sa kaharian ng Juda. Hiningi ni Haring Jehoiakim ang pilak at ang ginto para sa multang ito mula sa kaniyang mga sakop sa pamamagitan ng pagbubuwis. (2Ha 23:34-36; 2Cr 36:3-5) Sa kabila ng pinansiyal na pabigat na nakapasan na sa bayan, bumuo si Jehoiakim ng mga plano sa pagtatayo ng isang bago at maluhong palasyo. Malamang na upang panatilihing mababa ang gastusin, may-paniniil niyang ipinagkait ang mga kabayaran ng mga trabahador. Dahil dito, si Jehova, sa pamamagitan ni Jeremias, ay bumigkas ng kaabahan sa balakyot na tagapamahalang ito, na sinasabing ililibing itong gaya ng paglilibing sa asnong lalaki.—Jer 22:13-19.
Noong maagang bahagi ng paghahari ni Jehoiakim, nagbabala si Jeremias na malibang magsisi ang bayan, ang Jerusalem at ang kaniyang templo ay mawawasak. Pagkatapos nito ay pinagbantaang patayin ang propeta. Gayunman, ipinagtanggol ng prominenteng taong si Ahikam si Jeremias at iniligtas ang propeta mula sa panganib. Bago nito, ang katulad na panghuhula ni Urias ay labis na ikinagalit ni Jehoiakim anupat naging determinado siyang patayin ito. Bagaman ang takót na si Urias ay tumakas patungong Ehipto, hindi niya natakasan ang poot ng hari. Ipinag-utos ni Jehoiakim na ibalik si Urias at pagkatapos ay ipinapatay ito sa pamamagitan ng tabak.—Jer 26:1-24.
Ang ikaapat na taon ng paghahari ni Jehoiakim (625 B.C.E.) ay kinakitaan ng paglupig ni Nabucodonosor kay Paraon Neco sa isang pagbabaka may kinalaman sa pamumuno sa Sirya-Palestina. Naganap ang pagbabaka sa Carkemis sa tabi ng Eufrates, na mahigit sa 600 km (370 mi) sa H ng Jerusalem. (Jer 46:1, 2) Sa taon ding iyon, sinimulan ni Jeremias na idikta sa kaniyang kalihim na si Baruc ang mga salita ni Jehova na nakatuon laban sa Israel, sa Juda, at sa lahat ng bansa, anupat itinatala ang mga mensahe na nagsimulang ihatid mula noong ika-13 taon ng paghahari ni Josias (na nang panahong iyon ay mga anim na taóng gulang si Jehoiakim) patuloy. Pagkaraan ng halos isang taon, noong ikasiyam na buwang lunar (Kislev, Nobyembre/Disyembre), ang balumbong naglalaman ng idiniktang mensahe ay binasa sa harap ni Haring Jehoiakim. Nang makabasa si Jehudi ng tatlo o apat na tudling ng pahina, ang bahaging iyon ay pinutol at inihagis sa apoy na naglalagablab sa brasero ng bahay na pantaglamig ng hari. Kaya ang bawat bahagi ng buong balumbon ay napasaapoy. Ipinagwalang-bahala ni Jehoiakim ang mga pakiusap ng tatlo sa kaniyang mga prinsipe na huwag sunugin ang balumbon. Partikular niyang tinanggihan ang makahulang mga salita na tumukoy sa pagkatiwangwang ng Juda sa mga kamay ng hari ng Babilonya. Ipinahihiwatig nito na hindi pa umaahon si Nabucodonosor laban sa Jerusalem at hindi pa niya ginagawang basalyo si Jehoiakim.—Jer 36:1-4, 21-29.
Ipinakikita ng 2 Hari 24:1 na ginipit ni Nabucodonosor ang Judeanong hari “kung kaya si Jehoiakim ay naging lingkod [o basalyo] niya sa loob ng tatlong taon. Gayunman, tumalikod siya [si Jehoiakim] at naghimagsik laban sa kaniya [kay Nabucodonosor].” Maliwanag na ang ikatlong taóng ito ni Jehoiakim bilang isang basalyong hari sa ilalim ng Babilonya ang tinutukoy ni Daniel sa Daniel 1:1. Hindi maaaring iyon ang ikatlong taon ng 11-taóng paghahari ni Jehoiakim sa Juda, sapagkat nang panahong iyon ay isang basalyo si Jehoiakim, hindi sa Babilonya, kundi kay Paraon Neco ng Ehipto. Noon lamang ikaapat na taon ng pamamahala ni Jehoiakim sa Juda nang buwagin ni Nabucodonosor ang pamumuno ng Ehipto sa Sirya-Palestina sa pamamagitan ng tagumpay nito sa Carkemis (625 B.C.E. [lumilitaw na pagkaraan ng Nisan]). (Jer 46:2) Yamang ang paghihimagsik ni Jehoiakim laban sa Babilonya ay humantong sa kaniyang pagbagsak pagkaraan ng mga 11-taóng paghahari, ang pasimula ng kaniyang tatlong-taóng pagiging basalyo ng Babilonya ay malamang na nagsimula noong huling bahagi ng kaniyang ikawalong taon ng pamamahala, o maaga noong 620 B.C.E.
Sinasabi ng ulat ni Daniel (1:1, 2) na dumating si Nabucodonosor laban sa Jerusalem at kinubkob iyon at na si Jehoiakim, kasama ang ilan sa mga kagamitan sa templo, ay ibinigay sa mga kamay ng Babilonyong hari. Gayunman, inilalarawan ng ulat sa 2 Hari 24:10-15 ang pagkubkob sa Jerusalem ng mga Babilonyo at ipinakikita na ang anak ni Jehoiakim na si Jehoiakin, na ang paghahari ay tumagal lamang nang tatlong buwan at sampung araw, ang siyang sumuko nang dakong huli at lumabas sa mga Babilonyo. Lumilitaw kung gayon na namatay si Jehoiakim sa panahon ng pagkubkob sa lunsod, marahil ay noong maagang bahagi nito. Ipinakikita ng hula ni Jehova sa pamamagitan ni Jeremias (22:18, 19; 36:30) na hindi tatanggap si Jehoiakim ng isang disenteng libing; ang bangkay niya ay maiiwang di-naaasikaso sa labas ng mga pintuang-daan ng Jerusalem, na nakalantad sa init ng araw sa maghapon at sa matinding lamig sa gabi. Hindi isiniwalat kung paano ‘ibinigay sa kamay ni Nabucodonosor’ si Jehoiakim. (Dan 1:2) Iyon ay maaaring sa diwa ng pagkamatay niya habang nasa pagkubkob at ng paghayo ng kaniyang mga anak sa pagkabihag pagkatapos nito, anupat dinanas ng angkan ni Jehoiakim ang pagkawala ng pagkahari sa mga kamay ni Nabucodonosor. Walang paraan upang matiyak ang tradisyong Judio (na iniulat ni Josephus) na pinatay ni Nabucodonosor si Jehoiakim at ipinag-utos na itapon ang bangkay nito sa labas ng mga pader ng Jerusalem. (Jewish Antiquities, X, 97 [vi, 3]) Paanuman sumapit ang kamatayan ni Jehoiakim, lumilitaw na ang mga tansong pangaw na dinala ni Nabucodonosor upang ipanggapos kay Jehoiakim ay hindi nagamit gaya ng isinaplano.—2Cr 36:6.
Kasunod ng pagkubkob sa Jerusalem noong “ikatlong taon” ni Jehoiakim (bilang basalyong hari), si Daniel at ang iba pang mga Judeano, kasama ang mga taong mahal at mga miyembro ng maharlikang pamilya, ay dinala bilang mga tapon sa Babilonya. Dahil walang ulat ng mas maagang pagkatapon sa Babilonya, lumilitaw na naganap ito noong maikling paghahari ni Jehoiakin, ang kahalili ni Jehoiakim.—2Ha 24:12-16; Jer 52:28.
Matapos sumuko ang anak ni Jehoiakim na si Jehoiakin, itinaas ni Nabucodonosor ang tiyo ni Jehoiakin na si Zedekias sa trono ng Juda. (2Cr 36:9, 10) Tinupad nito ang hula ni Jeremias na si Jehoiakim ay hindi magkakaroon ng sinumang uupo sa trono ni David. (Jer 36:30) Ang anak ni Jehoiakim na si Jehoiakin ay namahala nang tatlong buwan at sampung araw lamang.