Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Jehoiakin

Jehoiakin

[malamang, Si Jehova ay Nagtatag Nang Matibay].

Anak ng Judeanong si Haring Jehoiakim kay Nehusta. (2Ha 24:6, 8; 2Cr 36:8) Tinatawag din siyang Jeconias (ibang anyo ng Jehoiakin) at Conias (pinaikling Jeconias).​—Es 2:6; Jer 28:4; 37:1.

Sa edad na 18 ay naging hari si Jehoiakin at ipinagpatuloy niya ang masasamang gawain ng kaniyang ama. (2Ha 24:8, 9; 2Cr 36:9, tlb sa Rbi8) Ang ama ni Jehoiakin, si Jehoiakim, ay nagpasakop sa Babilonyong si Haring Nabucodonosor ngunit naghimagsik noong ikatlong taon ng kaniyang pagiging basalyo (618 B.C.E.). (2Ha 24:1) Nagbunga ito ng pagkubkob sa Jerusalem. Ang pananalitang “nang panahong iyon” (2Ha 24:10) ay maaaring tumutukoy, hindi sa maikling paghahari ni Jehoiakin, kundi sa kalakhang yugto na nakasasaklaw rito, samakatuwid ay nagpapahintulot na ang pagkubkob ay nagsimula noong panahon ng paghahari ng kaniyang amang si Jehoiakim, gaya ng waring ipinahihiwatig ng Daniel 1:1, 2. Lumilitaw na namatay si Jehoiakim sa panahon ng pagkubkob na ito at si Jehoiakin ay lumuklok naman sa trono ng Juda. Gayunman, nagwakas ang kaniyang pamamahala pagkaraan lamang ng tatlong buwan at sampung araw, nang sumuko siya kay Nabucodonosor noong 617 B.C.E. (noong buwan ng Adar, ayon sa isang kronikang Babilonyo). (2Ha 24:11, 12; 2Cr 36:9; Assyrian and Babylonian Chronicles, ni A. Grayson, 1975, p. 102) Bilang katuparan ng salita ni Jehova sa pamamagitan ni Jeremias, siya ay dinala sa pagkatapon sa Babilonya. (Jer 22:24-27; 24:1; 27:19, 20; 29:1, 2) Ipinatapon din ang iba pang mga miyembro ng maharlikang sambahayan, mga opisyal ng korte, mga bihasang manggagawa, at mga mandirigma.​—2Ha 24:14-16; tingnan ang NABUCODONOSOR.

Sinasabi ng rekord sa 2 Hari 24:12-16 na dinala ni Nabucodonosor sa pagkatapon ang mga bihag na ito, kasama ang “lahat ng kayamanan ng bahay ni Jehova at ang lahat ng kayamanan ng bahay ng hari.” Ang ulat sa Daniel 1:1, 2 ay tumutukoy lamang sa “iba sa mga kagamitan” na dinala sa Babilonya. Maaaring ang paliwanag ay na ang mga kayamanang tinutukoy sa Ikalawang Hari ay partikular na nagsasangkot sa mga kagamitang ginto, na binigyang-diin sa ulat na iyon, at na ang iba pang mga kagamitan ay pinahintulutang maiwan. Ang isa pang posibilidad ay na, nang sumuko ang Jerusalem sa pagkubkob ng Babilonya (na sumapit bunga ng paghihimagsik ni Jehoiakim laban sa hari ng Babilonya), “ang ilan sa mga kagamitan ng bahay ni Jehova” ay dinala sa Babilonya, at pagkatapos ng maikling panahon, nang si Jehoiakin mismo ay ilipat sa Babilonya, ang iba pang “kanais-nais na mga kagamitan ng bahay ni Jehova” ay dinala rin. Ang posibilidad na ito ay ipinahihiwatig ng ulat sa 2 Cronica 36:6-10. Mula sa ulat ng Mga Cronica, lumilitaw na matapos niyang lupigin ang Jerusalem, lumisan si Nabucodonosor ngunit pagkatapos ay ‘nagsugo siya at dinala si Jehoiakin sa Babilonya kasama ang kanais-nais na mga kagamitan ng bahay ni Jehova.’ Sa katulad na paraan, pagkaraan ng sampung taon, noong pangwakas na panlulupig at pagwasak sa Jerusalem (607 B.C.E.), umuwi si Nabucodonosor sa Ribla “sa lupain ng Hamat,” anupat ang mga detalye ng pagtapos sa panlulupig ay ipinaubaya sa kaniyang pinuno ng tagapagbantay, si Nebuzaradan.​—2Ha 25:8-21.

Samantalang nasa Babilonya, si Jehoiakin ay nagkaanak ng pitong lalaki. (1Cr 3:16-18) Sa ganitong paraan ay naingatan ang maharlikang linya na umaakay tungo sa Mesiyas. (Mat 1:11, 12) Ngunit, gaya ng ipinahiwatig ng hula, walang sinuman sa mga inapo ni Jehoiakin ang namahala kailanman mula sa makalupang Jerusalem. Samakatuwid, para bang si Jehoiakin ay hindi nagkaanak, na walang supling na hahalili sa kaniya bilang hari.​—Jer 22:28-30.

Noong ikalimang taon ng pagkatapon ni Jehoiakin, sinimulan ni Ezekiel ang kaniyang gawaing panghuhula. (Eze 1:2) Pagkaraan ng mga 32 taon, maliwanag na noong 580 B.C.E., si Jehoiakin ay pinalaya mula sa bilangguan ng kahalili ni Nabucodonosor na si Evil-merodac (Awil-Marduk) at binigyan ng pinapaborang posisyon na higit sa lahat ng iba pang bihag na mga hari. Mula noon ay kumain siya sa mesa ni Evil-merodac at tumanggap ng pang-araw-araw na panustos.​—2Ha 25:27-30; Jer 52:31-34.

May natagpuang mga dokumentong administratibo ng Babilonya na nagtatala ng mga rasyon para kay Jehoiakin at sa lima sa kaniyang mga anak.