Jehonadab
[Si Jehova ay Nakahanda (Marangal; Bukas-palad)], Jonadab [pinaikling anyo ng Jehonadab].
Sa tekstong Hebreo at sa maraming saling Ingles, ang dalawang baybay na ito ay parehong ginagamit upang tumukoy sa dalawang tao na nagtataglay ng pangalang ito.
1. Pamangkin ni David; anak ng kapatid nito na si Simeah. Si Jehonadab ay “isang taong napakarunong” ngunit tuso at mautak. Matapos hikayatin ang anak ni David na si Amnon na ipagtapat sa kaniya ang pagnanasa nito sa kapatid niya sa ama na si Tamar, iminungkahi ni Jehonadab ang pakana na sinunod naman ni Amnon para mapagsamantalahan niya si Tamar. Matapos ipapatay si Amnon ng tunay na kapatid ni Tamar na si Absalom bilang paghihiganti, dumating ang ulat kay David na pinatay ni Absalom ang lahat ng anak ng hari, ngunit naroon si Jehonadab upang magbigay-katiyakan na si Amnon lamang ang namatay. (2Sa 13:3-5, 14, 22, 28-33) Posibleng siya ang “Jonatan” sa 2 Samuel 21:21 at 1 Cronica 20:7.
2. Anak ni Recab; kasamahan ni Haring Jehu. Ang pagtatagpo nila ni Jehu ay hindi nagkataon lamang, sapagkat nagkusa si Jehonadab na ‘dumating upang salubungin ito,’ at dahil dito, tinanggap niya ang pagpapala ni Jehu. Ipinakita ng sumunod na mga pangyayari na si Jehonadab ay lubos na kaayon ni Jehu sa determinasyon nito na pawiin sa Israel ang pagsamba kay Baal. Sa bawat bagay na sinabi ni Jehu, agad na tumugon nang positibo si Jehonadab. “Ang iyo bang puso ay matuwid sa akin?” ang tanong ni Jehu. Sumagot siya, “Gayon nga.” “Ibigay mo sa akin ang iyong kamay,” ang sabi ni Jehu; at ibinigay ni Jehonadab dito ang kaniyang kamay. Pagkasakay ni Jehonadab sa karo ni Jehu, sinabi ni Jehu sa kaniya, “Sumama ka sa akin at tingnan mo ang hindi ko pagpapahintulot na magkaroon ng kaagaw si Jehova,” at muli niyang ipinakita ang kaniyang pagsang-ayon. Nang dakong huli, nang makarating sila sa Samaria, at nagkakatipon na ang lahat ng mananamba ni Baal, hindi umurong si Jehonadab kundi sinamahan niya si Jehu sa loob ng bahay ni Baal at nanatili sa tabi nito sa pagpuksang sumunod dito. Si Jehu rin naman ay lubos na nagtiwala at nanalig kay Jehonadab.—2Ha 10:15-28.
Pagkaraan ng halos 300 taon, sa utos ni Jehova, ginamit ni Jeremias ang mga inapo ni Jehonadab, ang mga Recabita, bilang halimbawa ng katapatan sa mga utos ng kanilang ninuno, na ibang-iba sa pagkamasuwayin sa Diyos ng mga tao sa Juda at Jerusalem. Tinagubilinan ni Jehonadab ang mga Recabita na manirahan sa mga tolda, huwag maghasik ng binhi, huwag magtanim ng mga ubasan, at huwag uminom ng alak. Nang alukin sila ni Jeremias ng alak, tumanggi sila, anupat binanggit ang utos ng kanilang ninunong si Jehonadab. Dahil sa gayong katapatan ay nangako si Jehova: “Walang aalisin kay Jonadab na anak ni Recab na lalaking tatayong palagi sa harap ko.”—Jer 35:1-19.