Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Jehoram

Jehoram

[Si Jehova ay Mataas (Dinakila)]. Ang pinaikling anyo ng pangalang ito ay Joram.

1. Isa sa dalawang saserdoteng pinili ni Jehosapat noong 934 B.C.E., na ikatlong taon ng paghahari nito, kasama ng pangunahing mga prinsipe at mga Levita, upang maging naglalakbay na mga guro ng “aklat ng kautusan ni Jehova.”​—2Cr 17:7-9.

2. Anak nina Ahab at Jezebel, na humalili sa kaniyang nakatatandang kapatid na si Ahazias bilang ikasampung hari ng hilagang kaharian ng Israel noong mga 917 B.C.E. Naghari siya nang 12 taon. (2Ha 1:17, 18; 3:1; 9:22) Hindi dapat ipagkamali ang haring ito ng Israel sa hari ng Juda na may gayunding pangalan, na kaniyang bayaw. (Tingnan ang Blg. 3.) Bagaman inalis ni Jehoram ang sagradong haligi ni Baal na itinindig ng kaniyang ama, patuloy niyang ginawa ang “masama sa paningin ni Jehova,” anupat nangunyapit sa pagsamba sa guya na pinasimulan ni Jeroboam.​—1Ha 12:26-29; 16:33; 2Ha 3:2, 3.

Si Haring Jehosapat ng Juda at ang hari ng Edom ay sumama kay Jehoram sa pagsalakay sa Moab na naging matagumpay dahil nilito ni Jehova ang kaaway sa pamamagitan ng isang nakikitang ilusyon. Tinagubilinan ng propeta ng Diyos na si Eliseo yaong mga nasa kampo ng Israel na humukay ng mga estero upang pagtipunan ng lubhang-kinakailangan at bigay-Diyos na tubig. Kinaumagahan, dahil sa tama ng liwanag ng araw sa tubig na ito, inakala ng mga Moabita na ang tubig ay dugo. Sa pag-aakalang nagpatayan ang mga kampo ng tatlong haring magkakaalyado, pumaroon ang mga Moabita sa kampo upang manamsam, subalit bumangon ang mga Israelita at pinatay ang maraming Moabita.​—2Ha 3:4-27.

Si Naaman, ang pinuno ng hukbo ng Sirya, ay pumaroon kay Jehoram upang mapagaling mula sa ketong, dala ang liham na gayon ang nilalaman mula sa hari ng Sirya. Sa pag-aakala ni Jehoram na naghahamon ng away ang Siryanong tagapamahala, bumulalas siya, ‘Ako ba ay Diyos na maaaring pumatay at magpanatiling buháy at magpagaling ng ketong?’ Gayunman, hiniling ni Eliseo na isugo sa kaniya ni Jehoram si Naaman upang malaman ng Siryanong pinuno ng hukbo na ang tunay na Diyos ay talagang may propeta sa lupain, isa na may-kakayahang magsagawa ng gayong mga pagpapagaling.​—2Ha 5:1-8.

Patiuna ring ipinaalam kay Jehoram ng propeta ni Jehova na si Eliseo ang tungkol sa mga pagmamaniobrang militar ng Sirya. (2Ha 6:8-12) Binigo ng Diyos ang ilang pagsalakay ng mga Siryano laban sa Israel noong panahon ng paghahari ni Jehoram.​—2Ha 6:13–7:20.

Ngunit sa kabila ng maibiging-kabaitan ng Diyos, si Jehoram ay hindi nagsisi at hindi bumaling kay Jehova nang kaniyang buong puso hanggang sa araw na mamatay siya. Ang kaniyang kamatayan ay dumating nang biglaan at sa di-inaasahang paraan. Si Jehoram ay nasa Jezreel at nagpapagaling ng mga sugat na natamo niya sa pakikipagbaka sa mga Siryano. Sa kalaunan, humayo siya upang salubungin si Jehu at nagtanong, “May kapayapaan ba, Jehu?” Dahil sa negatibong sagot, tumakas si Jehoram ngunit pinana siya ni Jehu sa puso. Sa gayon “ang anak na ito ng isang mamamaslang” (2Ha 6:32) ay pinatay, ang kaniyang bangkay ay inihagis sa bukid ni Nabot.​—2Ha 9:14-26.

3. Ang panganay na anak ni Jehosapat na sa edad na 32 ay naging hari ng Juda. (2Cr 21:1-3, 5, 20) Lumilitaw na sa loob ng maraming taon ay may kaugnayan si Jehoram sa paanuman sa pagkahari ng kaniyang ama. (2Ha 1:17; 8:16) Ang walong taon ng pamamahala na ibinibilang na kay Jehoram ay mula noong 913 B.C.E. (2Ha 8:17) Kaya noong mga taóng ito, kapuwa ang hilaga at timugang mga kaharian ay may mga tagapamahala na magkapangalan. Magbayaw rin sila dahil napangasawa ni Jehoram ng Juda si Athalia, na anak nina Ahab at Jezebel at kapatid ni Jehoram ng Israel.​—2Ha 8:18, 25, 26; tingnan ang Blg. 2.

Sa bahagyang paraan dahil sa masamang impluwensiya ng kaniyang asawang si Athalia, hindi itinaguyod ni Jehoram ang matuwid na mga daan ng kaniyang amang si Jehosapat. (2Ha 8:18) Hindi lamang pinaslang ni Jehoram ang kaniyang anim na kapatid at ilang prinsipe ng Juda kundi itinalikod din niya ang kaniyang mga sakop mula kay Jehova tungo sa huwad na mga diyos. (2Cr 21:1-6, 11-14) Ang buong paghahari niya ay niligalig kapuwa ng kaguluhan sa loob at labas ng bansa. Una, nagrebelde ang Edom; pagkatapos ay naghimagsik ang Libna laban sa Juda. (2Ha 8:20-22) Sa isang liham kay Jehoram, nagbabala ang propetang si Elias: “Narito! sasaktan ni Jehova nang matindi ang iyong bayan at ang iyong mga anak at ang iyong mga asawa at ang lahat ng iyong pag-aari.” Bukod diyan, ikaw, Haring Jehoram, “ay magkakaroon ng maraming sakit, na may karamdaman sa iyong bituka, hanggang sa lumuwa ang iyong bituka dahil sa sakit araw-araw.”​—2Cr 21:12-15.

Lahat ay nangyari nang gayung-gayon. Hinayaan ni Jehova na daluhungin ng mga Arabe at mga Filisteo ang lupain at kuning bihag ang mga asawa at mga anak ni Jehoram. Tanging ang bunsong anak ni Jehoram, si Jehoahaz (tinatawag ding Ahazias), ang pinahintulutan ng Diyos na makatakas, gayunman, ito ay isang pagpaparayang ginawa alang-alang lamang sa tipan ukol sa Kaharian na ipinakipagtipan kay David. “Pagkatapos ng lahat ng ito ay sinalot [si Jehoram] ni Jehova sa kaniyang bituka ng isang sakit na walang kagalingan.” Pagkaraan ng dalawang taon, “ang kaniyang bituka ay lumuwa” at sa kalaunan ay namatay siya. Gayon nagwakas ang buhay ng balakyot na taong ito, na ‘pumanaw nang hindi siya kinalulugdan.’ Inilibing siya sa Lunsod ni David, “ngunit hindi sa mga dakong libingan ng mga hari.” Si Ahazias na kaniyang anak ang naging hari kahalili niya.​—2Cr 21:7, 16-20; 22:1; 1Cr 3:10, 11.