Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Jehova ng mga Hukbo

Jehova ng mga Hukbo

Ang pananalitang ito, na lumilitaw sa Kasulatan nang 285 beses, kasama na ang ibang mga anyo nito, ay isinalin mula sa pananalitang Hebreo na Yeho·wahʹ tseva·ʼohthʹ. Ang karamihan sa mga paglitaw nito ay nasa makahulang mga aklat, partikular na sa Isaias, Jeremias, at Zacarias. Nang sumipi sina Pablo at Santiago mula sa mga hulang iyon o tukuyin nila ang mga iyon, ginamit nila ang katumbas nito (isang transliterasyon sa Griego) sa kanilang mga isinulat.​—Ro 9:29; San 5:4; ihambing ang Isa 1:9.

Ang pangunahing kahulugan ng salitang Hebreo na tsa·vaʼʹ (pang-isahan; pangmaramihan, tseva·ʼohthʹ) ay isang literal na hukbo ng mga kawal, o mga hukbong pandigma, gaya sa Genesis 21:22; Deuteronomio 20:9, at maraming iba pang teksto. Ngunit ginagamit din ang terminong ito sa makasagisag na diwa, gaya sa pananalitang “ang langit at ang lupa at ang buong hukbo nila,” o “ang araw at ang buwan at ang mga bituin, ang buong hukbo ng langit.” (Gen 2:1; Deu 4:19) Ang anyong pangmaramihan (tseva·ʼohthʹ) ay ginagamit nang ilang beses upang tumukoy sa mga hukbong Israelita, gaya sa Exodo 6:26; 7:4; Bilang 33:1; Awit 44:9; 60:10. Naniniwala ang ilang iskolar na ang “mga hukbo” sa pananalitang “Jehova ng mga hukbo” ay sumasaklaw hindi lamang sa mga anghelikong hukbo kundi pati sa hukbong Israelita at sa walang-buhay na mga bagay sa kalangitan. Gayunman, lumilitaw na ang gayong “mga hukbo” ay pangunahin nang tumutukoy sa mga anghelikong hukbo, kung hindi man pantanging tumutukoy sa kanila.

Nang makita ni Josue ang isang panauhing anghel malapit sa Jerico at tanungin niya ito kung ito’y panig sa Israel o sa kalaban, sumagot ito, “Hindi, kundi ako​—bilang prinsipe ng hukbo ni Jehova ang pagparito ko ngayon.” (Jos 5:13-15) Sinabi ng propetang si Micaias sa mga haring sina Ahab at Jehosapat, “Nakikita ko nga si Jehova na nakaupo sa kaniyang trono at ang buong hukbo ng langit na nakatayo sa tabi niya, sa kaniyang kanan at sa kaniyang kaliwa,” maliwanag na ang tinutukoy ay ang mga espiritung anak ni Jehova. (1Ha 22:19-21) Angkop na gamitin ang anyong pangmaramihan sa pananalitang “Jehova ng mga hukbo,” yamang ang mga anghelikong hukbo ay hindi lamang inilalarawan na pangkat-pangkat bilang mga kerubin, mga serapin, at mga anghel (Isa 6:2, 3; Gen 3:24; Apo 5:11) kundi inilalarawan din bilang organisadong mga grupo, anupat masasabi ni Jesu-Kristo na maaari siyang tumawag ng “mahigit sa labindalawang hukbo ng mga anghel.” (Mat 26:53) Nang magsumamo si Hezekias na tulungan siya ni Jehova, tinawag niya siyang “Jehova ng mga hukbo, na Diyos ng Israel, na nakaupo sa mga kerubin,” anupat maliwanag na tinutukoy ang kaban ng tipan at ang mga pigura ng mga kerubin na nasa takip nito, na sumasagisag sa makalangit na trono ni Jehova. (Isa 37:16; ihambing ang 1Sa 4:4; 2Sa 6:2.) Ang matatakuting lingkod ni Eliseo ay napatibay-loob ng isang makahimalang pangitain kung saan nakita niyang ang mga bundok sa palibot ng kinubkob na lunsod na tinatahanan ni Eliseo ay “punô ng mga kabayo at mga pandigmang karo ng apoy,” na isang bahagi ng mga anghelikong hukbo ni Jehova.​—2Ha 6:15-17.

Sa gayon, ang pananalitang “Jehova ng mga hukbo” ay nagtatawid ng diwa ng kapangyarihan, kapangyarihang taglay ng Soberanong Tagapamahala ng sansinukob, na nagpupuno sa malalaking hukbo ng mga espiritung nilalang. (Aw 103:20, 21; 148:1, 2; Isa 1:24; Jer 32:17, 18) Kaya naman pumupukaw ito ng matinding paggalang at pagkasindak, at kasabay niyao’y naglalaan ito ng kaaliwan at pampatibay-loob para sa mga lingkod ni Jehova. Bagaman si David ay nag-iisa at walang kasamang makalupang hukbong militar, hinamon niya sa “pangalan ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng mga hukbo ng Israel,” ang pagkalaki-laking Filisteo na si Goliat. (1Sa 17:45) Ang bayan ng Diyos bilang isang grupo at bilang mga indibiduwal ay maaaring magkaroon ng lakas ng loob at pag-asa, hindi lamang sa mga panahon ng literal na pakikibaka kundi pati sa lahat ng iba pang mahihirap na situwasyon o natatanging pangyayari. Matatamo nila ito kung kikilalanin nila ang karingalan ng posisyon ni Jehova bilang Soberano, na ipinahihiwatig ng pamamahala niya sa makapangyarihang mga hukbo na naglilingkod mula sa kaniyang makalangit na mga korte. (1Sa 1:9-11; 2Sa 6:18; 7:25-29) Yamang ginamit ng mga propeta ang pananalitang “Jehova ng mga hukbo,” ito’y isa pang dahilan upang yaong mga nakikinig sa mga hula ay makatiyak na matutupad ang mga iyon.