Jehu
[posible, Siya si Jehova].
1. Isang Benjamitang mula sa lunsod ng Anatot na kusang-loob na pumaroon kay David upang maglingkod sa kaniya. Si David ay nasa Ziklag noon at tumatakas mula kay Haring Saul. Kabilang si Jehu sa makapangyarihang mga lalaki na “nasasandatahan ng busog, na ginagamit ang kanang kamay at ginagamit ang kaliwang kamay sa mga bato o sa mga palaso sa busog.”—1Cr 12:1-3.
2. Isang propeta, ang anak ni Hanani. Inihula niya ang pagkalipol ng sambahayan ni Baasa na hari ng Israel. (1Ha 16:1-4, 7, 12) Pagkaraan ng mahigit 33 taon, isang propeta na may gayunding pangalan (kaya marahil ay ang tao ring iyon) ang sumaway kay Haring Jehosapat ng Juda dahil sa pakikipagkaibigan at pagtulong nito sa balakyot na si Haring Ahab ng Israel. (2Cr 19:1-3) Sa 2 Cronica 20:34, sinasabing ang kasaysayan ni Jehosapat ay isinulat “sa mga salita ni Jehu na anak ni Hanani, na inilakip sa Aklat ng mga Hari ng Israel.”
3. Ang anak ni Jehosapat (hindi si Haring Jehosapat ng Juda) at apo ni Nimsi. (2Ha 9:14) Namahala si Jehu bilang hari ng Israel noong mga 904 hanggang 877 B.C.E. Noong panahon ng paghahari ni Haring Ahab ng Israel, si Elias na propeta ay tumakas patungong Bundok Horeb upang maiwasan ang kamatayan sa mga kamay ng asawa ni Ahab na si Jezebel. Inutusan ng Diyos si Elias na bumalik at pahiran ang tatlong lalaki: si Eliseo bilang kahalili ni Elias, si Hazael bilang hari ng Sirya, at si Jehu bilang hari ng Israel. (1Ha 19:15, 16) Pinahiran ni Elias si Eliseo (o, inatasan ito; tingnan ang PINAHIRAN, PAGPAPAHID). Ngunit ang pagpapahid kay Jehu ay aktuwal na isinagawa ng kahalili ni Elias na si Eliseo.
Dahil ba sa pagpapaliban ni Elias kung kaya si Eliseo ang nagsagawa ng pagpapahid kay Jehu? Hindi naman. Di-nagtagal matapos ibigay kay Elias ang utos, sinabi ni Jehova sa kaniya na ang kapahamakan sa sambahayan ni Ahab (na ilalapat ni Jehu) ay hindi darating sa mga araw ni Ahab, kundi sa mga araw ng anak ni Ahab. (1Ha 21:27-29) Kaya maliwanag na ang pagkaantala ay ayon sa patnubay ni Jehova at hindi dahil sa anumang kapabayaan ni Elias. Ngunit ang pagpapahid ay itinaon ni Jehova sa tamang-tamang panahon, nang maaari nang kaagad na kumilos si Jehu kaayon ng pagpapahid sa kaniya. At, kasuwato ng katatagan at dinamikong personalidad ni Jehu, hindi siya nag-aksaya ng panahon, kundi kaagad siyang kumilos.
Dumating ang takdang panahon. Panahon noon ng digmaan. Patay na si Ahab at ang kaniyang anak na si Jehoram ang namamahala. Ang hukbo ng Israel ay nasa Ramot-gilead at nagbabantay laban sa mga hukbo ni Hazael, ang hari ng Sirya. Naroon si Jehu bilang isa sa mga kumandante ng militar. (2Ha 8:28; 9:14) Siya at ang kaniyang ayudanteng si Bidkar, bilang mga kawal sa hukbo ni Ahab, ay naroroon nang tuligsain ni Elias si Ahab, anupat humula na ‘gagantihan ni Jehova si Ahab sa lupain ni Nabot.’ Kinuha ni Ahab ang bukid na iyon matapos na ipapaslang ng kaniyang asawang si Jezebel si Nabot.—1Ha 21:11-19; 2Ha 9:24-26.
Habang nagbabantay sa Ramot-gilead ang hukbong militar ng Israel, si Haring Jehoram ng Israel ay nasa Jezreel at nagpapagaling ng mga sugat na tinamo niya sa mga kamay ng mga Siryano sa Rama (Ramot-gilead). Naroon din ang hari ng Juda, si Ahazias. Pamangkin siya ni Jehoram ng Israel, dahil ang kaniyang ina ay si Athalia na kapatid ni Jehoram ng Israel at anak nina Ahab at Jezebel. Pumaroon si Haring Ahazias sa Jezreel upang dalawin ang kaniyang may-sakit na tiyo, si Jehoram.—2Ha 8:25, 26, 28, 29.
Pagpapahid kay Jehu. Tinawag ni Eliseo ang isa sa mga anak ng mga propeta, ang kaniyang tagapaglingkod, anupat sinabihan ito na kumuha ng isang prasko ng langis, pumaroon sa kampo ng mga Israelita sa Ramot-gilead, pahiran doon si Jehu, at tumakas. Sumunod naman ang tagapaglingkod ni Eliseo, anupat tinawag si Jehu sa isang bahay upang ilayo sa ibang mga opisyal, pinahiran ito at sinabi ang atas ni Jehu na puksain ang buong sambahayan ni Ahab. Pagkatapos ay tumakas ang tagapaglingkod, gaya ng tagubilin ni Eliseo.—2Ha 9:1-10.
Nang lumabas ng bahay si Jehu, tinangka niyang ipagwalang-bahala ang bagay na iyon, na para bang 2Ha 9:11-14.
hindi mahalaga ang sinabi ng propeta. Ngunit nahalata ng mga lalaki sa kaniyang hitsura at kilos na isang mahalagang bagay ang nangyari. Nang pilitin si Jehu, isiniwalat niya na pinahiran siya bilang hari ng Israel; pagkarinig nito, kaagad siyang ipinroklama ng hukbo bilang hari.—Pagpuksa sa Sambahayan ni Ahab. Matapos magbigay ng utos na ilihim sa Jezreel ang bagay na iyon, buong-bilis na sumakay si Jehu patungo sa lunsod na iyon. (2Ha 9:15, 16) Ang mga mensaherong isinugo ni Jehoram mula sa Jezreel upang magtanong kung “May kapayapaan ba?” ay pinapunta sa likuran ng mga tauhan ni Jehu. Habang papalapit “ang dumadaluyong na karamihan” ng mga mangangabayo at mga karo ni Jehu, nakilala si Jehu ng bantay na nasa tore dahil sa pagpapatakbo niya ng karo “nang may kabaliwan.” Naghinala si Jehoram na hari ng Israel at anak ni Ahab at sumakay sa karong pandigma nito, anupat naabutan si Jehu sa lupain ni Nabot. Pinana ito ni Jehu ng isang palaso at, palibhasa’y naalaala ang hula ni Elias, inutusan niya ang kaniyang ayudanteng si Bidkar na ihagis ang katawan nito sa bukid ni Nabot. Pagkatapos ay nagpatuloy pa si Jehu patungo sa lunsod ng Jezreel. Lumilitaw na ang apo ni Ahab na si Ahazias, na lumabas ng lunsod kasama ni Jehoram, ay nagtangkang bumalik sa sarili nitong kabisera, ang Jerusalem, ngunit nakaabot lamang sa Samaria at nagtago roon. Nabihag ito sa kalaunan at dinala kay Jehu malapit sa bayan ng Ibleam, di-kalayuan sa Jezreel. Inutusan ni Jehu ang kaniyang mga tauhan na patayin si Ahazias sa karong pandigma nito. Nasugatan nila ito ng ikamamatay, habang nasa daan patungong Gur, malapit sa Ibleam, ngunit nakatakas ito at nagpunta sa Megido, kung saan ito namatay. Pagkatapos ay dinala ito sa Jerusalem at inilibing doon.—2Ha 9:17-28; 2Cr 22:6-9.
Pagdating ni Jehu sa Jezreel, ang balo ni Ahab na si Jezebel ay sumigaw: “Napabuti ba si Zimri na mámamátay ng kaniyang panginoon?” (Tingnan ang 1Ha 16:8-20.) Ngunit si Jehu, na hindi nasindak ng pasaring na pagbabantang ito, ay nag-utos sa mga opisyal ng korte na ihulog si Jezebel. Sinunod nila siya. Ang dugo nito ay tumilamsik sa pader, at niyurakan ito ni Jehu sa pamamagitan ng kaniyang mga kabayo. Posibleng nagbibigay ng higit na kaunawaan hinggil sa pagkatao ni Jehu ang maikling pangungusap sa ulat, “Pagkatapos ay pumasok siya at kumain at uminom,” saka iniutos na ilibing si Jezebel. Samantala, kinain ito ng mga aso, isang pangyayaring nagpaalaala kay Jehu ng makahulang pananalita ni Elias may kinalaman sa kamatayan ng babaing ito.—2Ha 9:30-37; 1Ha 21:23.
Hindi nag-aksaya ng panahon si Jehu sa pagsisikap na tapusin ang kaniyang atas. Hinamon niya ang mga lalaki ng Samaria na ilagay sa trono ang isa sa 70 anak ni Ahab at makipaglaban. Ngunit dahil sa takot ay nagpahayag sila ng kanilang pagkamatapat kay Jehu. Buong-tapang na sinubok ni Jehu ang kanilang pagkamatapat sa pagsasabing: “Kung kayo ay para sa akin, . . . kunin ninyo ang mga ulo ng mga lalaki na mga anak ng inyong panginoon at pumarito kayo sa akin bukas sa ganitong oras sa Jezreel.” Nang sumunod na araw ay dumating ang mga mensahero, dala sa mga basket ang 70 ulo, na iniutos naman ni Jehu na ilagay sa dalawang bunton sa pintuang-daan ng Jezreel hanggang sa umaga. Pagkatapos nito, pinatay ni Jehu ang lahat ng bantog na tao ni Ahab, ang mga kakilala nito, at ang mga saserdote nito. Pagkatapos ay pinagpapatay niya ang 42 iba pang mga lalaki, ang mga kapatid ng apo ni Ahab na si Haring Ahazias ng Juda. Sa gayon ay pinuksa rin niya ang mga anak ni Jehoram ng Juda, ang asawa ng anak ng balakyot na si Jezebel, si Athalia.—2Ha 10:1-14.
Malalaking hakbang na ang naisagawa upang alisin sa Israel ang pagsamba kay Baal, ngunit marami pang kailangang gawin si Jehu, at ginawa niya iyon nang maagap at nang may kasigasigan. Sa kaniyang pagsakay patungong Samaria ay nakasalubong niya si Jehonadab, isang Recabita. Maaalaala natin na nang maglaon ay pinapurihan ni Jehova ang mga inapo ng lalaking ito sa pamamagitan ng propetang si Jeremias dahil sa kanilang katapatan. (Jer 35:1-16) Ipinahayag ni Jehonadab na nasa panig siya ni Jehu sa pakikipaglaban nito sa Baalismo at sinamahan ito, anupat tinulungan si Jehu. Ang lahat ng natira sa mga kamag-anak o mga kakampi ni Ahab sa Samaria ay pinuksa.—2Ha 10:15-17.
Nilipol ang mga Mananamba ni Baal. Sumunod, sa pamamagitan ng isang pakana na magpatawag ng isang malaking pagtitipon para sa pagsamba kay Baal, naipon ni Jehu sa bahay ni Baal ang lahat ng mananamba nito sa Israel. Matapos tiyakin na walang mananamba ni Jehova ang naroon, inutusan ni Jehu ang kaniyang mga tauhan na patayin ang lahat ng nasa bahay. Pagkatapos nito, giniba nila ang mga sagradong haligi ni Baal at ibinagsak ang bahay, anupat ibinukod iyon bilang mga palikuran, na siyang pinaggamitan sa lugar na iyon hanggang noong mga araw ni Jeremias, ang manunulat ng salaysay na iyon sa aklat ng Mga Hari. Ang ulat ay kababasahan: “Sa gayon ay nilipol ni Jehu si Baal mula sa Israel.” (2Ha 10:18-28) Ngunit nang maglaon, ang pagsamba kay Baal ay muling naging sanhi ng kabagabagan kapuwa sa Israel at sa Juda.—2Ha 17:16; 2Cr 28:2; Jer 32:29.
Malamang na upang panatilihing hiwalay ang sampung-tribong kaharian ng Israel sa kaharian ng Juda na may templo ni Jehova sa Jerusalem, pinahintulutan 2Ha 10:29, 31.
ni Haring Jehu na manatili sa Israel ang pagsamba sa guya na ang mga sentro naman ay nasa Dan at Bethel. “At si Jehu ay hindi nag-ingat sa paglakad sa kautusan ni Jehova na Diyos ng Israel nang kaniyang buong puso. Hindi siya lumihis mula sa mga kasalanan ni Jeroboam na pinangyari niyang ipagkasala ng Israel.”—Gayunpaman, dahil sa masigasig at puspusang paggawa ni Jehu upang mabunot ang Baalismo at mailapat ang mga hatol ni Jehova sa sambahayan ni Ahab, ginantimpalaan ni Jehova si Jehu ng pangako na apat na salinlahi ng mga anak nito ang uupo sa trono ng Israel. Natupad ito sa mga inapo ni Jehu na sina Jehoahaz, Jehoas, Jeroboam II, at Zacarias, na ang pamamahala ay nagwakas nang paslangin ito noong mga 791 B.C.E. Kaya ang dinastiya ni Jehu ay naghari sa Israel nang mga 114 na taon.—2Ha 10:30; 13:1, 10; 14:23; 15:8-12.
Bakit pinagsulit ng Diyos ang sambahayan ni Jehu dahil sa pagbububo ng dugo, gayong si Jehova ang nag-atas kay Jehu bilang kaniyang tagapuksa?
Ngunit pagkaraan ng mga araw ni Jehu, sa pamamagitan ng propetang si Oseas, sinabi ni Jehova: “Sapagkat kaunting panahon pa at hihingi ako ng pagsusulit dahil sa mga pagbububo ng dugo sa Jezreel laban sa sambahayan ni Jehu, at paglalahuin ko ang maharlikang pamamahala ng sambahayan ng Israel.” (Os 1:4) Ang pagkakasalang ito sa dugo sa sambahayan ni Jehu ay hindi maaaring dahil sa pagsasagawa niya ng atas na puksain ang sambahayan ni Ahab, sapagkat pinapurihan siya ng Diyos dahil dito. Ni dahil man ito sa pagpuksa niya kay Ahazias ng Juda at sa mga kapatid nito. Sa pamamagitan ng kanilang mga ugnayan sa pamilya, samakatuwid nga, ang pag-aasawa ni Jehoram ng Juda, na anak ni Haring Jehosapat, kay Athalia, na anak nina Ahab at Jezebel, narumhan ang maharlikang linya ni Juda dahil sa pagpasok ng balakyot na sambahayan ni Omri.
Sa halip, waring ang dahilan ay ang pagpapahintulot ni Jehu na magpatuloy sa Israel ang pagsamba sa guya at ang hindi niya paglakad sa kautusan ni Jehova nang kaniyang buong puso. Malamang na naniwala si Jehu na mapananatili lamang ang kasarinlan mula sa Juda sa pamamagitan ng paghihiwalay ng relihiyon. Tulad ng iba pang mga hari ng Israel, sinikap niyang patibayin ang kaniyang posisyon sa pamamagitan ng pagpapanatili ng pagsamba sa guya. Sa katunayan ay isa itong katibayan ng kawalan ng pananampalataya kay Jehova, na siyang nagpaging-posible na maging hari si Jehu. Kaya maaaring bukod pa sa wastong paglalapat ng hatol ni Jehova laban sa sambahayan ni Ahab, ang maling mga motibo ni Jehu sa pagpapanatili sa pagsamba sa guya ang siya ring dahilan upang magbubo siya ng dugo.
Ang tunay na kapangyarihan ng kaharian ng Israel ay naigupo nang bumagsak ang sambahayan ni Jehu, anupat mga 50 taon na lamang ang itinagal ng kaharian. Tanging si Menahem, na nagpabagsak sa pumaslang kay Zacarias na si Salum, ang nagkaroon ng anak na humalili sa kaniya sa trono. Ang anak na ito, si Pekahias, ay pinaslang, gaya rin ng nangyari sa pumaslang at humalili sa kaniya na si Peka. Si Hosea, ang huling hari ng Israel, ay dinala ng hari ng Asirya sa pagkabihag.—2Ha 15:10, 13-30; 17:4.
Sa mula’t sapol, ang pangunahing pagkakasala ng Israel ay ang pagsasagawa nito ng pagsamba sa guya. Humantong ito sa paglayo ng bansa mula kay Jehova, na nagbunga ng pagguho ng lipunan. Kaya ang pagkakasala dahil sa “pagbububo ng dugo sa Jezreel” ay isa sa mga bagay, kasama ng pagpaslang, pagnanakaw, pangangalunya, at iba pang mga krimen, na talagang nag-uugat sa huwad na pagsamba na pinahintulutan ng mga tagapamahala. Nang dakong huli, kinailangan ng Diyos na ‘paglahuin ang maharlikang pamamahala ng sambahayan ng Israel.’—Os 1:4; 4:2.
Niligalig ang Israel ng Sirya at Asirya. Dahil hindi ito bumaling nang lubusan kay Jehova at lumakad sa kaniyang mga daan, napaharap si Jehu sa panliligalig ni Hazael, ang hari ng Sirya, sa lahat ng mga araw ng kaniyang pamamahala. Paunti-unting kumuha si Hazael ng teritoryo mula sa nasasakupan ng Israel sa kabilang ibayo ng Jordan. (2Ha 10:32, 33; Am 1:3, 4) Kasabay nito, tumindi ang banta ng Asirya sa pag-iral ng Israel.
Binanggit si Jehu sa mga Inskripsiyong Asiryano. Sa mga inskripsiyon ni Salmaneser III, hari ng Asirya, inangkin niyang tumanggap siya ng tributo mula kay Jehu. Ang inskripsiyon ay kababasahan: “Ang tributo ni Jehu (Ia-ú-a), anak ni Omri (Hu-um-ri); tumanggap ako mula sa kaniya ng pilak, ginto, isang ginintuang mangkok na saplu, isang ginintuang plorera na patulis ang ilalim, mga ginintuang baso, mga ginintuang timba, lata, isang baston para sa hari, (at) kahoy na puruhtu [hindi alam kung ano ang kahulugan ng huling salita].” (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. B. Pritchard, 1974, p. 281) (Ang totoo, hindi anak ni Omri si Jehu. Ngunit mula noong panahon ni Omri, ang pananalitang ito ay ginagamit kung minsan upang tumukoy sa mga hari ng Israel, tiyak na dahil sa kagitingan ni Omri at sa pagtatayo niya sa Samaria, na nanatiling kabisera ng Israel hanggang noong
bumagsak sa Asirya ang sampung-tribong kahariang iyon.)Kalakip ng mismong inskripsiyong iyon sa tinatawag na Black Obelisk ang isang pagsasalarawan, marahil ay ng isang sugo ni Jehu, na nakayukod kay Salmaneser at naghahandog ng tributo. Sinasabi ng ilang komentarista na ito ang unang pagsasalarawan sa mga Israelita, sa abot ng kanilang nalalaman. Gayunman, hindi tayo lubusang makatitiyak sa pagiging totoo ng pag-aangkin ni Salmaneser. Isa pa, ang hitsura ng tao sa larawan ay hindi maaasahan na wastong wangis ng isang Israelita, sapagkat maaaring iginuhit ng mga bansang ito ang kanilang mga kaaway bilang may di-kaayaayang hitsura, kung paanong itinatanghal ng mga drowing o mga larawan sa ngayon ang mga tao ng isang kaaway na bansa bilang mahihina, pangit, o nakapopoot.
4. Ang anak ni Obed na mula sa pamilya ni Jerameel, isang inapo ni Hezron, anak ni Perez, na isinilang ni Tamar kay Juda. Ang linyang ito ni Jehu ay sa pamamagitan ni Jarha, isang aliping Ehipsiyo. Si Sesan, isang inapo ni Jerameel, ay hindi nagkaroon ng anak na lalaki, kaya ibinigay niya kay Jarha ang kaniyang anak na babae bilang asawa. Ang anak na isinilang sa mga ito ay si Atai, isang ninuno ni Jehu.—1Cr 2:3-5, 25, 34-38.
5. Isang Simeonita, ang anak ni Josibias. Noong mga araw ni Haring Hezekias ng Juda, kabilang siya sa mga pinuno ng mga Simeonitang pamilya na nagpabagsak sa mga Hamita at mga Meunim na naninirahan sa kapaligiran ng Gedor at pagkatapos ay nanahanan doon kasama ng kanilang mga kawan bilang kahalili ng mga taong ito.—1Cr 4:24, 35, 38-41.