Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Jeremias

Jeremias

[posible, Itinataas ni Jehova; o, Kinakalagan ni Jehova [malamang na mula sa bahay-bata]].

1. Isang Benjamita na sumama kay David noong ito ay nasa Ziklag. Kabilang siya sa makapangyarihang mga lalaki ni David.​—1Cr 12:1-4.

2. Isa sa mga anak ni Gad na natipon kay David “sa dakong mahirap puntahan sa ilang” noong si David ay tinutugis ni Saul. Siya ang ikalima sa “magigiting at makapangyarihang mga lalaki . . . na ang mga mukha ay mga mukha ng mga leon, at sila ay tulad ng mga gasela sa ibabaw ng mga bundok sa bilis.” Tungkol sa mga Gaditang ito na mga ulo ng hukbo ni David ay sinasabi: “Ang pinakamababa ay katumbas ng isang daan, at ang pinakadakila ay ng isang libo.” Sila ay “tumawid sa Jordan noong unang buwan nang inaapawan nito ang lahat ng pampang niyaon, at pagkatapos ay itinaboy nila ang lahat niyaong mga nasa mabababang kapatagan, sa gawing silangan at sa gawing kanluran.”​—1Cr 12:8-15.

3. Ang ikasampu sa mga Gaditang ulo sa hukbo ni David, gaya ng inilarawan sa Blg. 2.​—1Cr 12:13, 14.

4. Isa sa mga ulo ng mga sambahayan sa panig ng ama sa bahagi ng tribo ni Manases na nasa S ng Jordan noong mga araw ng mga hari. Ang mga Rubenita, ang mga Gadita, at ang kalahati ng tribo ni Manases sa S ng Jordan (kabilang sa kanila ang mga inapo ng Jeremias na ito) ay “nagsimulang gumawi nang di-tapat sa Diyos ng kanilang mga ninuno at nagkaroon ng imoral na pakikipagtalik sa mga diyos ng mga bayan ng lupain, na nilipol ng Diyos mula sa harap nila. Dahil dito ay pinukaw ng Diyos ng Israel ang espiritu ni Pul na hari ng Asirya maging ang espiritu ni Tilgat-pilneser na hari ng Asirya, kung kaya niya dinala sa pagkatapon [noong mga araw ni Peka, hari ng Israel] yaong mula sa mga Rubenita at mula sa mga Gadita at mula sa kalahati ng tribo ni Manases at dinala sila sa Hala at Habor at Hara at sa ilog ng Gozan.”​—1Cr 5:23-26; 2Ha 15:29.

5. Isang lalaki mula sa bayan ng Libna, isang lunsod ng mga saserdote. Siya ang ama ng asawa ni Haring Josias na si Hamutal, na ina ng mga haring sina Jehoahaz at Zedekias (Matanias).​—2Ha 23:30, 31; 24:18; Jer 52:1; Jos 21:13; 1Cr 6:57.

6. Isang propeta, anak ni Hilkias, isang saserdote ng Anatot, na lunsod ng mga saserdote na nasa teritoryo ng Benjamin na wala pang 5 km (3 mi) sa HHS ng Temple Mount sa Jerusalem. (Jer 1:1; Jos 21:13, 17, 18) Ang ama ni Jeremias, si Hilkias, ay hindi ang mataas na saserdote na may gayunding pangalan, na mula sa linya ni Eleazar. Ang ama ni Jeremias ay malamang na mula sa linya ni Itamar at maaaring nagmula kay Abiatar, ang saserdote na inalis ni Haring Solomon mula sa makasaserdoteng paglilingkod.​—1Ha 2:26, 27.

Inatasan Bilang Propeta. Si Jeremias ay tinawag upang maging propeta samantalang isang kabataan pa, noong 647 B.C.E., noong ika-13 taon ng paghahari ni Haring Josias ng Juda (659-629 B.C.E.). Sinabi ni Jehova sa kaniya: “Bago kita inanyuan sa tiyan ay nakilala kita, at bago ka lumabas mula sa bahay-bata ay pinabanal kita. Ginawa kitang propeta sa mga bansa.” (Jer 1:2-5) Samakatuwid, isa siya sa iilang tao na ipinanganak dahil sa pagkilos ni Jehova​—maaaring sa pamamagitan ng himala o ng pagpatnubay​—upang maging kaniyang pantanging mga lingkod. Kabilang sa mga taong ito sina Isaac, Samson, Samuel, Juan na Tagapagbautismo, at Jesus.​—Tingnan ang PATIUNANG KAALAMAN, PATIUNANG PAGTATALAGA.

Nang magsalita si Jehova sa kaniya, kinakitaan si Jeremias ng pagiging kimi. Tumugon siya sa Diyos: “Ay, O Soberanong Panginoong Jehova! Narito, hindi nga ako marunong magsalita, sapagkat ako ay isang bata lamang.” (Jer 1:6) Batay sa sinabi niyang ito, at kung ihahambing ang kaniyang katapangan at katatagan noong panahon ng kaniyang ministeryo ng panghuhula, makikita na ang gayong di-pangkaraniwang lakas ay hindi likas kay Jeremias, kundi dahil sa lubos na pananalig kay Jehova. Tunay nga na si Jehova ay sumakaniya “gaya ng isang kahila-hilakbot na makapangyarihan,” at pinangyari ni Jehova na si Jeremias ay maging “isang nakukutaang lunsod at isang haliging bakal at mga pader na tanso laban sa buong lupain.” (Jer 20:11; 1:18, 19) Kilalang-kilala si Jeremias sa pagtataglay ng lakas ng loob at katapangan anupat noong panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa, napagkamalan siya ng ilan na ang muling-nabuhay na si Jeremias.​—Mat 16:13, 14.

Mga Isinulat. Si Jeremias ay isang mananaliksik at istoryador bukod sa pagiging propeta. Isinulat niya ang aklat na nagtataglay ng kaniyang pangalan at karaniwan ding kinikilala na siya ang sumulat ng mga aklat ng Una at Ikalawang Hari, na sumasaklaw sa kasaysayan ng dalawang kaharian (Juda at Israel) mula sa bahaging hinintuan ng mga aklat ng Samuel (samakatuwid nga, sa huling bahagi ng paghahari ni David sa buong Israel) hanggang sa pagwawakas ng dalawang kaharian. Ang kaniyang kronolohiya ng kapanahunan ng mga hari, na ginagamit ang pamamaraang paghahambing o pagsusuri sa pagkakasunud-sunod ng mga paghahari ng mga hari ng Israel at ng Juda, ay tumutulong sa atin na matiyak ang mga petsa ng ilang pangyayari. Pagkatapos ng pagbagsak ng Jerusalem, isinulat ni Jeremias ang aklat ng Mga Panaghoy.

Matinding Mensahe ng Pagtuligsa. Si Jeremias ay hindi mahilig magreklamo. Sa halip, siya ay maibigin, makonsiderasyon, at madamayin. Nagpakita siya ng pagpipigil sa sarili at kahanga-hangang pagbabata at lubhang ikinalungkot niya ang paggawi ng kaniyang bayan at ang mga kahatulang dinanas ng mga ito.​—Jer 8:21.

Ang totoo, si Jehova ang nagreklamo laban sa Juda, at makatuwiran naman iyon, at obligado si Jeremias na ihayag ito nang walang humpay, na ginawa naman niya. Gayundin, dapat isaisip na ang Israel ay bansa ng Diyos, nakatali sa kaniya sa pamamagitan ng tipan at nasa ilalim ng kaniyang kautusan, na tahasan nilang nilalabag. Bilang saligan at matibay na dahilan ng mga pagtuligsa ni Jeremias, paulit-ulit na tinukoy ni Jehova ang Kautusan, anupat itinawag-pansin ang pananagutan ng mga prinsipe at ng bayan at inilahad kung saan nila nilabag ang Kautusan. Muli’t muling itinawag-pansin ni Jehova ang mga bagay na sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Moises ay ibinabala niyang sasapit sa kanila kung hindi sila makikinig sa kaniyang mga salita at kung sisirain nila ang kaniyang tipan.​—Lev 26; Deu 28.

Lakas ng Loob, Pagbabata, Pag-ibig. Ang lakas ng loob at pagbabata ni Jeremias ay kasintindi ng pag-ibig niya sa kaniyang bayan. Nakapapasong mga pagtuligsa at nakatatakot na mga kahatulan ang ipahahayag niya, lalo na sa mga saserdote, mga propeta, at mga tagapamahala at doon sa mga tumahak sa “landasin ng karamihan” at nagkaroon ng “namamalaging kawalang-katapatan.” (Jer 8:5, 6) Ngunit naunawaan niya na may atas din siyang “magtayo at magtanim.” (Jer 1:10) Tumangis siya dahil sa kapahamakang sasapit sa Jerusalem. (Jer 8:21, 22; 9:1) Ang aklat ng Mga Panaghoy ay isang katibayan ng kaniyang pag-ibig at pagkabahala sa pangalan at bayan ni Jehova. Sa kabila ng kataksilan sa kaniya ng duwag at pabagu-bagong si Haring Zedekias, pinakiusapan siya ni Jeremias na sundin ang tinig ni Jehova upang manatiling buháy. (Jer 38:4, 5, 19-23) Bukod diyan, si Jeremias ay hindi naging mapagmatuwid sa sarili kundi isinama niya ang kaniyang sarili noong kinikilala ang kabalakyutan ng bansa. (Jer 14:20, 21) Matapos siyang palayain ni Nebuzaradan, nag-atubili siyang iwanan yaong mga dadalhin sa pagkatapon sa Babilonya, marahil ay nadaramang dapat siyang makibahagi sa kanilang kinahinatnan o nagnanais pang maglingkod sa kanilang espirituwal na mga kapakanan.​—Jer 40:5.

Paminsan-minsan sa panahon ng kaniyang matagal na panghuhula, si Jeremias ay nasiraan ng loob at nangailangan ng katiyakan mula kay Jehova, ngunit maging sa kapighatian ay hindi siya nagpabaya sa paghingi ng tulong kay Jehova.​—Jer 20.

Mga Kasama. Sa panahon ng kaniyang mahigit na 40-taóng paglilingkod bilang propeta, si Jeremias ay hindi pinabayaan. Si Jehova ay sumakaniya upang iligtas siya mula sa kaniyang mga kaaway. (Jer 1:19) Kinalugdan ni Jeremias ang salita ni Jehova. (Jer 15:16) Iniwasan niya ang pakikisama sa mga hindi nagsasaalang-alang sa Diyos. (Jer 15:17) Nakasumpong siya ng mabubuting kasamahan na makakatulong niya sa gawaing ‘pagtatayo’ (Jer 1:10), samakatuwid nga, ang mga Recabita, si Ebed-melec, at si Baruc. Sa pamamagitan ng mga kaibigang ito ay tinulungan siya at iniligtas mula sa kamatayan, at di-miminsang ipinakita ni Jehova ang Kaniyang kapangyarihan upang ipagsanggalang siya.​—Jer 26:7-24; 35:1-19; 36:19-26; 38:7-13; 39:11-14; 40:1-5.

Madudulang Ilustrasyon. Si Jeremias ay gumanap ng ilang maliliit na drama bilang mga sagisag ng kalagayan ng Jerusalem at ng kapahamakang sasapit dito. Nariyan ang pagdalaw niya sa bahay ng magpapalayok (Jer 18:1-11), at ang insidente hinggil sa nasirang sinturon. (Jer 13:1-11) Inutusan si Jeremias na huwag mag-asawa; ito ay nagsilbing isang babala tungkol sa ‘mga kamatayang ibubunga ng mga karamdaman’ ng mga bata na ipanganganak sa mga huling araw na iyon ng Jerusalem. (Jer 16:1-4) Binasag niya ang isang prasko sa harap ng matatandang lalaki ng Jerusalem bilang sagisag ng nalalapit na pagwasak sa lunsod. (Jer 19:1, 2, 10, 11) Tinubos niya ang isang bukid mula kay Hanamel na anak ng kaniyang tiyo sa ama bilang paglalarawan sa pagsasauling darating pagkatapos ng 70-taóng pagkatapon, kapag maaari nang muling bilhin ang mga bukid sa Juda. (Jer 32:8-15, 44) Sa Tapanhes, Ehipto, nagtago siya ng malalaking bato sa hagdan-hagdang laryo sa bahay ni Paraon, anupat inihulang ilalagay ni Nabucodonosor ang trono nito sa mismong dakong iyon.​—Jer 43:8-10.

Isang Tunay na Propeta. Si Jeremias ay kinilala ni Daniel bilang tunay na propeta ng Diyos, at si Daniel, sa pamamagitan ng pag-aaral sa mga salita ni Jeremias tungkol sa 70-taóng pagkatapon, ay nakapagpalakas at nakapagpatibay-loob sa mga Judio may kinalaman sa nalalapit na pagpapalaya sa kanila. (Dan 9:1, 2; Jer 29:10) Itinawag-pansin ni Ezra ang katuparan ng mga salita ng propeta. (Ezr 1:1; tingnan din ang 2Cr 36:20, 21.) Tinukoy ng apostol na si Mateo ang isang katuparan ng isa sa mga hula ni Jeremias noong mga araw ng pagkabata ni Jesus. (Mat 2:17, 18; Jer 31:15) Nagsalita ang apostol na si Pablo hinggil sa mga propeta, kabilang sa mga ito si Jeremias, na ang mga isinulat ay sinipi niya, sa Hebreo 8:8-12. (Jer 31:31-34) Tungkol sa mga lalaking ito, ang manunulat ding iyon ay nagsabi, “ang sanlibutan ay hindi naging karapat-dapat sa kanila,” at “pinatotohanan sila dahil sa kanilang pananampalataya.”​—Heb 11:32, 38, 39.

7. Anak ni Habazinias at ama ni Jaazanias na isang lider ng mga Recabita, na ang katapatan ay sinubok ng propetang si Jeremias nang alukin niya sila ng alak na maiinom, na tinanggihan naman nila.​—Jer 35:1-10, 19.

8. Isang saserdote (o isa na kumakatawan sa makasaserdoteng sambahayan na may gayong pangalan) na bumalik mula sa pagkatapon sa Babilonya noong 537 B.C.E. kasama ni Gobernador Zerubabel at ng mataas na saserdoteng si Jesua.​—Ne 12:1.

9. Isang saserdote (o isa na kumakatawan sa isang sambahayan na may gayong pangalan) na kabilang sa mga nagpatotoo sa pamamagitan ng pagtatatak sa “mapagkakatiwalaang kaayusan” na ginawa sa harap ni Jehova sa pamamagitan ni Nehemias at ng mga prinsipe, mga saserdote, at mga Levita, upang lumakad sa kautusan ng Diyos. Kung ang pangalang iyon ay kumakatawan sa isang sambahayan sa halip na sa isang indibiduwal, maaaring ito rin ang Blg. 8.​—Ne 9:38; 10:1, 2, 29.

10. Isang indibiduwal na inatasan ni Nehemias upang lumakad sa isang prusisyon sa ibabaw ng muling-itinayong pader ng Jerusalem noong pagpapasinaya nito. (Maaaring ito rin ang saserdoteng binanggit sa Nehemias 10:2.) Sinundan nila ang koro na dumaan sa pintuang-daan ng mga Bunton ng Abo patungo sa kanan, papunta sa Pintuang-daan ng Tubig, at nang dakong huli ay nakatagpo ang isa pang koro sa may templo. (Ne 12:31-37) Noong mga araw ni Joiakim, si Hananias ang ulo ng sambahayan ni Jeremias sa panig ng ama. (Ne 12:12) Kung ang pangalang Jeremias dito ay kumakatawan sa isang sambahayan at hindi sa isang indibiduwal, maaaring ito rin ang Blg. 8.