Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Jesua

Jesua

[posibleng pinaikling anyo ng Jehosua, nangangahulugang “Si Jehova ay Kaligtasan”].

1. Isang Aaronikong saserdote noong panahon ni David. Ang ika-9 sa 24 na pangkat ng Aaronikong pagkasaserdote ayon sa pagkakaayos ni David ay iniatas sa sambahayan ni Jesua. Malamang na ang sambahayan ding iyon ay kabilang sa mga bumalik kasama ni Zerubabel mula sa pagkatapon sa Babilonya noong 537 B.C.E.​—1Cr 24:1, 11, 31; Ezr 2:1, 36; Ne 7:39.

2. Isa sa mga Levitang inatasan na mamahagi ng mga ikapu at mga abuloy sa mga lunsod ng mga saserdote noong namamahala si Haring Hezekias.​—2Cr 31:15.

3. Isang Israelita na mula sa pamilya ni Pahat-moab, na ang ilan sa mga inapo ay bumalik mula sa pagkatapon sa Babilonya kasama ni Zerubabel.​—Ezr 2:1, 2, 6; Ne 7:11.

4. Isang mataas na saserdote (na tinawag na Josue sa Hagai at Zacarias), anak ni Jehozadak at apo ni Seraias. (Ezr 3:8; Ne 12:26; 1Cr 6:14) Nagmula siya sa sambahayan ni Eleazar.​—Tingnan ang Ezr 7:1-5 para sa talaangkanan mula kay Eleazar hanggang kay Seraias.

Nang wasakin ni Nabucodonosor ang Jerusalem, pinatay niya si Seraias, na mataas na saserdote noon, at dinalang bihag si Jehozadak sa Babilonya. (2Ha 25:18-21; 1Cr 6:14, 15) Bumalik si Jesua mula sa Babilonya noong 537 B.C.E. kasama ni Zerubabel at naglingkod bilang mataas na saserdote sa isinauling mga Judiong nalabi. (Ezr 2:2; 5:2; Ne 7:7; Hag 1:1) Kaya ang linya ng mga mataas na saserdote ay iningatan ni Jehova, anupat sa Israel ay may naglilingkod na mga mataas na saserdote mula sa pagsasauli hanggang sa pagdating ng Mesiyas. Si Jesua ang nanguna, kasama si Zerubabel, sa pagtatayo ng altar, pagkatapos ay sa muling pagtatayo ng templo, na pinasigla ng mga propetang sina Hagai at Zacarias. (Ezr 3:2; 5:1, 2) Sinuportahan niya si Zerubabel sa pagsalansang sa mga kalaban ng muling pagtatayo ng templo.​—Ezr 4:1-3.

Nakita ng ilan sa matatanda na kabilang sa pinabalik na mga Israelita ang kaluwalhatian ng templo ni Solomon at sa tingin nila ay waring walang kabuluhan ang muling-itinayong templo kung ihahambing doon. Isinugo si Hagai na propeta upang makipag-usap kina Zerubabel at Josue (Jesua) at sabihin sa kanila na ang kaluwalhatian ng huling bahay ay magiging mas dakila kaysa roon sa una. Gagawin ito ni Jehova sa pamamagitan ng pagpapasok ng “mga kanais-nais na bagay ng lahat ng mga bansa.”​—Hag 2:1-4, 7, 9.

Ang propetang si Zacarias ay binigyan ng pangitain kung saan nakita niya si Josue (Jesua) na mataas na saserdote na nakatayo sa harap ng anghel ni Jehova, at si Satanas na nasa kanan nito upang sumalansang dito. Bilang pamalit sa narumhang mga kasuutan ni “Josue,” binigyan siya ng mariringal na kasuutan at isang malinis na turbante. Pagkatapos ay sinabi kay “Josue” ang tungkol sa lingkod ng Diyos na si Sibol.​—Zac 3:1-8.

Sa isa pang pagkakataon ay sinabi ni Jehova kay Zacarias na patungan ng korona ang ulo ni Josue (Jesua) at sabihin dito: “Narito ang lalaki na ang pangalan ay Sibol. . . . At siya ang magtatayo ng templo ni Jehova, . . . at siya ay magiging isang saserdote sa kaniyang trono.” Ang hulang ito ay tiyak na kumakapit sa isa na iiral sa hinaharap sapagkat, sa ilalim ng Kautusan, ang pagkasaserdote at pagkahari ay magkahiwalay, at ang mataas na saserdoteng si Josue ay hindi kailanman namahala bilang hari sa Israel.​—Zac 6:11-13.

5. Ang ulo ng isang Levitikong sambahayan, na ang ilan sa kanila ay bumalik mula sa pagkatapon sa Babilonya kasama ni Zerubabel noong 537 B.C.E. (Ezr 2:40; Ne 7:43) Isang kinatawan ng sambahayan ni Jesua, o kaya’y isang tao na kapangalan niya, ang lumagda sa “mapagkakatiwalaang kaayusan” na ginawa ng mga saserdote, mga prinsipe, at ng bayan upang lumakad sa kautusan ng Diyos. Siya ay anak ni Azanias (Ne 9:38; 10:1, 9) at malamang na siya rin ang Jesua na binanggit sa Nehemias 12:8, 24.

“Si Jozabad na anak ni Jesua,” isa sa mga Levita kung kanino ipinagkatiwala ni Ezra ang pilak, ginto, at iba pang mga sisidlan para sa bahay ng Diyos, ay malamang na isang miyembro ng sambahayan ng Jesua na ito.​—Ezr 8:33.

Si Ezer na anak ni Jesua, isang prinsipe ng Mizpa, na nagtrabaho sa pagkukumpuni ng pader ng Jerusalem na pinangasiwaan ni Nehemias, ay maaaring mula rin sa pamilyang iyon.​—Ne 3:19.

6. Isa sa mga Levitang nangasiwa sa muling pagtatayo ng templo.​—Ezr 3:9.

7. Isa sa mga Levitang nagbasa at nagpaliwanag ng Kautusan sa bayan at nanguna sa pagsamba, sa pangangasiwa ni Ezra. Marahil ay mula rin siya sa sambahayan ng Blg. 5.​—Ne 8:7; 9:4, 5.

8. Isang bayan sa timugang bahagi ng Juda kung saan nanirahan ang ilang nakabalik na Judiong nalabi. Ipinapalagay ng ilang iskolar na ang lokasyon nito ay ang Tell es-Saʽweh (Tel Yeshuʽa), mga 15 km (9 na mi) SHS ng Beer-sheba. (Ne 11:25, 26) Maaaring ito ang Sema sa Josue 15:26, at posible ring ang Sheba sa Josue 19:2.