Joab
[Si Jehova ay Ama].
1. Anak ni Seraias, isang inapo ni Kenaz na mula sa tribo ni Juda. Si Joab ang “ama ni Ge-harasim” (nangangahulugang “Libis ng mga Bihasang Manggagawa”), “sapagkat,” ang sabi ng ulat ng Bibliya, “sila ay naging mga bihasang manggagawa.” Maliwanag na si Joab ang “ama” o nagtatag ng komunidad ng mga bihasang manggagawa na nakatira sa libis na iyon.—1Cr 4:1, 13, 14; tingnan ang GE-HARASIM.
2. Ang ikalawa sa tatlong anak ng kapatid na babae o kapatid sa ina ni David na si Zeruias (posibleng anak ng ina ni David sa unang asawa nito na si Nahas; 2Sa 17:25). Kaya si Joab ay pamangkin ni David. Ang mga kapatid ni Joab ay sina Abisai at Asahel. (2Sa 8:16; 1Cr 2:13-16) Nang ipakilala ang tatlong lalaking ito, ang pangalan ng ina ang itinala sa halip na ang sa ama, sapagkat kapatid ni David ang kanilang ina; sa gayon ay nilinaw ang kaugnayan ni David sa tatlong lalaking ito.
Mga Katangian. Si Joab ay isang may-kakayahang heneral, isang lalaking mahusay mag-organisa, mapamaraan, at determinado. Sa kabilang dako, siya ay isang ambisyosong oportunista, mapaghiganti, tuso, at kung minsan ay walang prinsipyo.
Si Joab ang nangunguna sa mga tauhan ni David noong panahong pinamamahalaan ni Is-boset na anak ni Saul ang buong Israel maliban sa tribo ni Juda, na nasa panig ni David. (2Sa 2:10) Ang mga lingkod ni Is-boset at ni David ay nagtipon laban sa isa’t isa sa Tipunang-tubig ng Gibeon, anupat ang mga hukbo ni Is-boset ay pinangungunahan ng tiyo ni Saul na si Abner, na siyang naglagay kay Is-boset sa trono. Habang ang mga lalaki ay nakaupong magkaharap, iminungkahi ni Abner ang isang paghahamok sa pagitan ng tig-12 lalaki mula sa bawat panig. Nang magsunggaban sila sa ulo, inulos ng bawat isa ang kaniyang kalaban sa pamamagitan ng tabak, anupat lahat ay magkakasamang nabuwal na patay. (2Sa 2:12-16) Yamang walang anumang nalutas ang paghahamok, isang malaking pagbabaka ang naganap. Ipinakita ng pagbilang na ginawa pagkatapos nito na ang namatay sa mga hukbo ni Is-boset ay 360 lalaki, ngunit kay David ay 20 lamang.—2Sa 2:30, 31.
Samantalang naglalabanan, tumakas si Abner at tinugis siya ni Asahel, ang matulin-tumakbong kapatid ni Joab. Bagaman sinabihan at binabalaan na ni Abner si Asahel, hindi pa rin ito tumigil hanggang sa iulos ni Abner sa likuran ang puluhang dulo ng kaniyang sibat, anupat nasaksak si Asahel nang tagusan. (2Sa 2:18-23) Pagdating sa burol ng Amma, si Abner at ang kaniyang mga tauhan ay nagtipon sa taluktok nito, at mula roon ay namanhik si Abner na itigil na ang labanan upang maiwasan na ang samaan ng loob at walang-katapusang patayan. Dito ay nagpamalas si Joab ng praktikal na karunungan nang pakinggan niya ang pamamanhik na iyon at bumalik kay David sa Hebron.—2Sa 2:24-28, 32.
Pinatay si Abner upang makaganti. Gayunman, matindi ang pagnanais ni Joab na makaganti, at naghintay siya ng pagkakataon upang maisagawa iyon. Samantala, nakibahagi siya sa isang matagal na pakikipagdigma laban sa sambahayan ni Saul, na patuloy na humihina, samantalang si David naman ay lalong lumalakas. Nang maglaon, si Abner, palibhasa’y naghinanakit kay Is-boset dahil sa isang personal na bagay, ay nakipagtipan kay David, anupat nangakong dadalhin niya ang buong Israel sa panig ni David. (2Sa 3:6-21) Tutol na tutol si Joab sa kasunduan anupat pinaratangan niya si Abner ng paniniktik. Nang maglaon, nagkunwari siyang kaibigan ni Abner, at pagkatapos ay binigla niya si Abner at pinatay ito bilang paghihiganti para sa kaniyang kapatid na si Asahel. Maaaring inisip din niya na kasabay nito ay nailigpit niya ang isang posibleng kaagaw sa katungkulan ng kumandante ng hukbo ni David.—2Sa 3:22-27.
Nang marinig ni David ang tungkol sa pagpaslang, itinanggi niya sa harap ng buong Israel ang anumang pananagutan ng kaniyang sambahayan sa nangyari at sinabi: “Uminog nawa itong pabalik sa ulo ni Joab at sa buong sambahayan ng kaniyang ama, at huwag nawang mawalan ang sambahayan ni Joab ng lalaking inaagasan o ng ketongin [isang may sakit] o ng lalaking humahawak sa umiikot na kidkiran [marahil, isang may kapansanan] o ng isang nabubuwal sa pamamagitan ng tabak o ng isang nangangailangan ng tinapay!” Sa pagkakataong ito, hindi kumilos si David laban kina Joab at Abisai, na nakipagsabuwatan kay Joab sa pagpaslang, sapagkat, gaya ng sinabi niya: “Ako ngayon ay mahina bagaman pinahiran bilang hari, at ang mga lalaking ito, na mga anak ni Zeruias, ay napakahirap pakitunguhan para sa akin. Gantihan nawa ni Jehova ang gumagawa ng masama ayon sa sarili niyang kasamaan.”—2Sa 3:28-30, 35-39.
Kumandante ng mga Hukbo ng Israel. Nang mapahiran na si David bilang hari ng buong Israel, umahon siya laban sa Jerusalem (Jebus). Tinuya ng mga Jebusita si David sa pag-aakalang napakatibay ng kanilang posisyon. Ngunit nakita ni David na mapapasok ang lunsod sa paagusan nito ng tubig. Kaya inialok niya ang posisyon bilang “ulo at prinsipe” sa sinumang aakyat sa paagusan at unang makapananakit sa mga Jebusita. Umahon si Joab, nahulog ang lunsod sa kamay ni David, at ginantimpalaan si Joab ng mataas na posisyon bilang kumandante ng mga hukbo ng Israel. (2Sa 5:6-8; 8:16; 20:23; 1Cr 11:4-8) Bilang kumandante, si Joab ay may isang pangkat ng sampung tagapaglingkod na tagapagdala ng kaniyang mga sandata, kabilang na rito ang makapangyarihang lalaki na si Naharai na Berotita.—2Sa 18:15; 1Cr 11:39.
Matapos lupigin ni David ang Edom, nanatili roon si Joab nang anim na buwan sa layuning patayin ang bawat lalaki na naroroon. (2Sa 8:13, 14; 1Ha 11:14-17) Nang maglaon, nagpamalas si Joab ng kakayahang manguna sa militar sa pakikipaglaban sa mga Ammonita at mga Siryano, anupat inilagay ang kaniyang kapatid na si Abisai upang mangasiwa sa isang pangkat, upang talunin ang mga hukbo ng mga kaaway na nagplanong ipitin sila. (2Sa 10:8-14; 1Cr 19:6-16) Tiyak na malaking bahagi ang ginampanan niya sa iba pang mga pakikipaglaban ni David sa mga Filisteo, mga Moabita, at iba pa.
Sumuporta sa pagkahari ni David. Sa pagkubkob sa Raba ng Ammon, waring nagpakita si Joab ng pagkamatapat kay David bilang pinahirang hari ni Jehova. Nabihag niya “ang lunsod ng mga tubig,” posibleng tumutukoy sa bahagi ng lunsod na kinalalagyan ng suplay nito ng tubig o ang kuta na nagsasanggalang sa suplay nito ng tubig. Yamang nakuha na ang mahalagang bahaging ito ng lunsod, hindi na makatatagal ang kabiserang lunsod, at tiyak na kasunod na nito ang pagsuko. Sa halip na tapusin niya mismo ang pagkubkob sa lunsod, si Joab (ito man ay talagang dahil sa paggalang sa hari, para sa ikabubuti ng Israel, o para sa kaniyang sariling pagsulong) ay waring nagpakita ng wastong pagpapakundangan sa kaniyang makalupang soberano. Sinabi niya na mas gusto niyang ang pinahirang hari ni Jehova ang tumapos sa pagbihag sa maharlikang lunsod ng kaaway at mapabantog dahil sa kabayanihang ito, bagaman siya, si Joab, ang gumawa ng napakahalagang panimulang pagkubkob.—2Sa 12:26-31; 1Cr 20:1-3.
Nakipagtulungan upang maipapatay si Uria. Noong panahon ng pagkubkob sa Raba, nagpadala si David ng isang liham sa pamamagitan ni Uria na 2Sa 11:14-25; tingnan ang DAVID.
nag-uutos kay Joab na ilagay si Uria kung saan pinakamatindi ang pagbabaka upang mapatay ito. Lubos na nakipagtulungan si Joab sa pakanang ito, ngunit sa kaniyang ulat sa hari hinggil sa kinalabasan ng pagbabaka, may-katusuhan niyang ginamit ang nangyari upang hindi siya pagalitan ni David dahil namatayan siya ng magigiting na lalaki sa pagbabaka nang palapitin niya sila nang husto sa pader ng lunsod. Sinabi ni Joab sa kaniyang ulat: “Namatay ang iba sa mga lingkod ng hari; at ang iyong lingkod na si Uria na Hiteo ay namatay rin.” Gaya ng inaasahan ni Joab, ang sagot ni David ay walang tono ng pagkayamot kundi pampatibay-loob lamang kay Joab.—Tinulungan si Absalom, pagkatapos ay sinalansang ito. Pagkalipas ng tatlong taon mula nang palayasin si Absalom dahil sa pagpatay sa kapatid nito sa ama na si Amnon, isinugo ni Joab kay David ang isang babae mula sa Tekoa, anupat tinagubilinan niya ito kung ano ang sasabihin upang mamanhik para sa pagbabalik ni Absalom. Nagtagumpay ito, at isinama ni Joab si Absalom sa Jerusalem, bagaman ayaw makipagkita ni David kay Absalom. Pagkaraan ng dalawang taon, paulit-ulit na hiniling ni Absalom kay Joab na pumaroon sa kaniya at lumapit sa hari para sa kaniya, ngunit ayaw ni Joab. Nang dakong huli, sinunog ni Absalom ang bukid ng sebada ni Joab, na naging dahilan ng mabilis at galít na pagtugon ni Joab. Ipinangatuwiran ni Absalom ang kaniyang ginawa, at hinimok niya si Joab na makipagkita sa hari upang maisauli siya sa pagsang-ayon ni David.—2Sa 13:38; 14:1-33.
Bagaman tinulungan ni Joab si Absalom upang makabalik ito, si David ang sinuportahan ni Joab nang maghimagsik si Absalom. Inatasan ni David si Joab upang mangasiwa sa isang katlo ng kaniyang mga tauhan, anupat mahigpit niyang ibinilin na pakitunguhan nang banayad si Absalom. Ngunit sa panahon ng labanan, sinuway ni Joab ang utos ni David at pinatay si Absalom. (2Sa 18:1-17) Dito, gaya sa iba pang mga pangyayari, sinunod niya ang kaniyang sariling pasiya sa halip na ang teokratikong mga utos sa pamamagitan ng pinahirang hari ng Diyos. Ngunit pagkatapos nito ay nagkaroon siya ng lakas ng loob na magsalita kay David sa paraang may tapang at tuwiran nang manganib ang pagkakaisa ng kaharian dahil sa pagdadalamhati ni David para kay Absalom.—2Sa 19:1-8.
Inalis Bilang Pinuno ng Hukbo, Pagkatapos ay Ibinalik. Maliwanag na dahil sa pagsuway ni Joab nang patayin nito si Absalom, pinalitan ni David si Joab bilang pinuno ng hukbo, anupat ang inatasan ay si Amasa. (2Sa 19:13) Ngunit bilang heneral, si Amasa ay hindi katulad ni Joab. Nang utusan ni David si Amasa na pisanin ang mga lalaki ng Juda upang makipaglaban sa mapaghimagsik na si Sheba na anak ni Bicri, tinawagan ni Amasa ang Juda, ngunit dumating ito nang huli kaysa sa panahong itinalaga ni David. Dahil apurahan ang bagay na iyon, inatasan ni David si Abisai na sundan si Sheba, na sinasabi, “Upang hindi nga siya makasumpong ng mga nakukutaang lunsod at makatakas sa ating paningin.” Sa sumunod na labanan, waring si Joab ang nanguna gaya ng ginagawa niya noong siya ang pinuno ng hukbo. Sa kasunod na pagkubkob sa Abel ng Bet-maaca, sa utos ni Joab ay inihagis ng mga mamamayan ng bayan ang ulo ni Sheba mula sa ibabaw ng pader, at hindi winasak ni Joab ang lunsod, anupat umurong at bumalik sa Jerusalem.—2Sa 20:1-7, 14-22.
Pinaslang si Amasa. Noong panahong tinutugis si Sheba, isang malubhang krimen ang ginawa ni Joab. Habang si Amasa (na pinsan niya; 2Sa 17:25; 1Cr 2:16, 17) ay papalapit upang salubungin siya malapit sa Gibeon, hinayaan ni Joab na mahulog ang kaniyang tabak mula sa kaluban nito. Matapos itong pulutin, maalwan niya itong tinanganan sa kaniyang kaliwang kamay habang hinahawakan ng kaniyang kanang kamay ang balbas ni Amasa, na para bang hahalikan niya ito. Palibhasa’y walang kamalay-malay si Amasa, napatay siya ni Joab sa isang saksak ng kaniyang tabak. Totoo na maaaring walang tiwala si Joab kay Amasa dahil pinangunahan nito ang mapaghimagsik na hukbo ni Absalom; ngunit magkagayunman, sinamantala ng oportunistang si Joab ang isang panahon ng kagipitan at hidwaan upang isulong ang kaniyang personal na tunguhin sa pamamagitan ng pagpaslang sa kaniyang kaagaw. Maaaring ipinagpaliban ni David ang pagkilos laban kay Joab dahil sa naging kaugnayan ni Amasa kay Absalom at dahil kamakailan lamang ay nakipaglaban si Joab sa naghimagsik na mga hukbo ni Absalom na pinangunahan ni Amasa. Kaayon ng maambisyong mga hangarin ni Joab, muli siyang ginawang ulo ng hukbo.—2Sa 20:8-13, 23.
Bakit hindi ipinapatay ni David si Joab nang paslangin nito si Abner, at bakit niya inatasang muli si Joab bilang heneral ng hukbo matapos nitong paslangin din si Amasa, na ginawang heneral upang humalili kay Joab? Hindi sinasabi ng Bibliya. Kung iyon ay pagiging mahina sa pagpapatupad sa kautusan ng Diyos, maaaring iyon ay dahil sa lakas at impluwensiya ni Joab at ng pamilya nito sa hukbo. O maaaring may iba pang mga kalagayan na hindi binanggit sa Bibliya. Anuman ang nangyari, dapat tandaan na bagaman hindi ipinapatay ni David
si Joab sa di-malamang kadahilanan, mabuti man o masama, hindi niya ito pinatawad, kundi inutusan niya si Solomon na kaniyang anak at kahalili na tiyaking pagbabayaran ni Joab ang kasamaan nito.Kumuha ng di-kumpletong sensus. Sa isa pang pagkakataon, inudyukan si David ni Satanas na kumuha ng isang ilegal na sensus sa bayan. Sinikap ni Joab na pigilan si David, subalit walang nangyari. Ngunit hindi niya tinapos ang gawaing iyon, anupat hindi binilang ang mga tribo nina Levi at Benjamin “sapagkat ang salita ng hari ay karima-rimarim kay Joab.”—1Cr 21:1-6; 2Sa 24:1-9; tingnan ang PAGPAPAREHISTRO, PAGREREHISTRO.
Kumampi kay Adonias sa tangkang agawin ang trono. Sa kabila ng nakaraang paglilingkod niya kay David, nang si David ay tumanda na at magkasakit, iniwan ni Joab si David at nakipagsabuwatan sa anak ni David na si Adonias. (1Ha 1:18, 19) Marahil ay ginawa niya ito dahil inakala niya na, kung magiging hari si Adonias, siya ang hahawak ng kapangyarihang kokontrol sa trono, o, maaaring inakala niya na mas matatag ang kaniyang posisyon kay Adonias kaysa kay Solomon. Nang marinig niya na si Solomon ay ginawang hari ni David, iniwan niya si Adonias. (1Ha 1:49) Nang mapatay si Adonias, tumakbo si Joab sa tolda ni Jehova at humawak sa mga sungay ng altar. (1Ha 2:28) Hindi ito naglaan ng kanlungan para sa kaniya, sapagkat siya ay isang tahasang mamamaslang; kaya isinugo ni Solomon si Benaias upang patayin siya roon. Sa gayon ay tinupad ni Solomon ang tagubilin ni David sa kaniya bago ito mamatay na huwag tulutan ang mga uban ni Joab na bumabang payapa sa Sheol, dahil sa pagkakasala ni Joab sa dugo nang paslangin nito sina Abner at Amasa, “dalawang lalaki na higit na matuwid at mas mabuti kaysa sa kaniya.” Inilibing si Joab sa kaniyang sariling bahay sa ilang. Pagkatapos nito, si Benaias ang ginawang ulo ng hukbo.—1Ha 2:5, 6, 29-35; 11:21.
Ang ika-60 awit, isang awit ni David, ay nakaalay, sa huling mga talata nito (8-12), ukol sa tagumpay ni Joab sa mga Edomita.—Tingnan ang superskripsiyon ng awit na ito.
3. Ang ulo ng isang pamilya ng “mga anak ni Pahat-moab,” na ang ilan ay bumalik kasama ni Zerubabel noong 537 B.C.E. mula sa pagkatapon sa Babilonya.—Ezr 2:1, 2, 6; Ne 7:6, 7, 11.
4. Sa Ezra 8:1, 9, ang “mga anak ni Joab” ay nakatalang kabilang sa mga bumalik kasama ni Ezra noong 468 B.C.E. Noong panahong iyon, si Obadias na anak ni Jehiel ang ulo ng pamilya. Sa tekstong ito ay hindi sila iniuugnay sa sambahayan ni Pahat-moab, ngunit posible na iisang pamilya ang pinagmulan nila o sila ay mga kamag-anak ng Blg. 3.